Pagprotekta sa karapatan ng kababaihan at mga bata

,

Sa kabila ng mga kampanya at inisyatibo, nananatili at itinuturing pa ring isa sa pangunahing krisis ang mga karahasang pangkasarian, higit lalo sa kababaihan. Kabilang na rin dito ang karahasan na dinaranas ng mga bata.

Pangamba, kaba at takot ang nangibabaw sa kababaihan sa tuwing sila ay lumalabas. Tila nakatatak na sa kanilang isipan ang ideya sa kung anong maaari nilang sapitin bilang babae. Mabigat mang isipin, ngunit malaking bahagi ng takot na ito ay binubuo ng samu’t saring danas ng ibang kapwa nila kababaihan. 

Mas iigting ang pangambang ito sa pagdadala ng panibagong buhay sa lipunan, ang takot sa maaaring sapitin ng batang nasa sinapupunan kahit hindi pa sila naisisilang. Kaya naman tuloy-tuloy ang panawagan ng kababaihan upang wakasan ang anumang uri ng karahasan at pang-aabuso.

Gabriela/Facebook

Noong 1993, ideklara ng United Nations (UN) General Assembly ang Nob. 25 bawat taon bilang International Day for Elimination of Violence Against Women (Idevaw). Pag-alala rin ito sa pagpaslang sa babaeng magkakapatid na Mirabal sa Dominican Republic noong 1960.

Sa pamumuno ng mga kababaihan ng UN, kaugnay pa rin ng Idevaw, inilunsad noong 2008 ang inisyatibong 16 Days of Activism against Gender-Based Violence na nagsisimula ng Nob. 25 hanggang Dis. 10, araw ng paggunita sa International Human Rights Day.  Samatantala, sa Pilipinas ay 18 araw ang paggunita nito, mula Nob. 25 hanggang Dis. 12 sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1172 na nilagdaan noong 2006.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10398, nakasaad na ang Nob. 25 ay ang “National Consciousness Day for the Elimination of Violence Against Women and Children.”

Patuloy na ginugunita ang Idevaw lalo’t malaking bahagi ng pagwawakas sa karahasan ang pagbibigay ng atensiyon at pagkilos na siya ring dapat na maging tugon ng lahat ng mamamayan, hindi lamang ng kababaihan.

EILER/Facebook

May iba’t ibang ahensya na nagsusulong ng karapatan at nangangasiwa ng iba’t ibang sektor. Kabilang dito ang International Labour Organization (ILO) na naitatag noong 1919 upang isulong ang mga karapatan at pantay na pagtamasa nga mga ito sa konteksto ng lakas-paggawa. Kasalukuyan itong may 187 na miyembro at isa na rito ang Pilipinas. 

Noong Hun. 21, 2019, nagkaroon ng bagong kasunduan na Violence and Harassment Convention, 2019 (C190) na itinuturing na kauna-unahang pandaigdigang pamantayang naglalayong matuldukan ang anumang uri o porma ng pang-aabuso at karahasan sa trabaho, tuon din nitong protektahan ang mga kababaihan.

Matagal na ring panawagan ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa ang ratipikasyon ng ILO C190 sa Pilipinas. Kung makakakuha ng sangkatlong sang-ayon na boto sa Senado, ang Pilipinas ang magiging ika-37 na bansang magpapatupad nito at kauna-unahan naman sa Asya.

Salinlahi Alliance for Children’s Concerns/Facebook

Bukod sa Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act of 2004, may batas din na nakatuon sa onlayn na karahasan sa mga bata. Ang Republic Act No. 11930 o ang “Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act” ay nagpaparusa sa sinumang mang-aabuso sa mga batang edad 18 pababa.

Ang Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (Osaec) ay sekswal na pang aabuso sa bata gamit ang teknolohiya. Halos 600,000 na kaso ang naitala ng Department of Justice sa pang aabuso online simula 2018.

Sa katunayan, sa Timog-Silangang Asya, ang Pilipinas ang itinuturing na sentro ng produksiyon ng child sexual abuse materials sa buong mundo at tinatayang 80% ng mga batang Pilipino ang bulnerable.

Sa kabila ng mga kampanya at inisyatibo, nananatili at itinuturing pa ring isa sa pangunahing krisis ang mga karahasang pangkasarian, higit lalo sa kababaihan. Kabilang na rin dito ang karahasan na dinaranas ng mga bata.

Ayon kay Clarice Palce, secretary general ng Gabriela, kung susumahin sa pang-ekonomiyang aspekto, nakakaranas pa rin ng hindi pantay na karapatan ang mga kababaihan.

Hindi aniya nabibigyan ng sapat na oportunidad ang mga babae sa loob ng Pilipinas kung kaya kababaihan ang higit 60% ng mga migranteng manggagawa. Bukod pa rito, nakakaranas rin sila ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso.

Nagpapatuloy ang programang I Vow to fight VAW ng organisasyon na naglalayong magbigay ng kamalayan sa mga babae mismo pati ibang kasarian kung paano sama-samang kikilos upang isulong at ipaglaban ang karapatan ng kababaihan at ng mga bata.

Nagsasagawa rin ng serbisyong legal at counseling ang Gabriela para sa mga naging biktima ng karahasan at pang-aabuso. Kasama rin ang iba pang organisasyon pang kababaihan, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng VAWC training.

Macky Macaspac/Pinoy Weekly

Karugtong ng karahasang danas ng kababaihan ang pang-aabusong nararanasan ng mga bata. Ayon kay Tiben Wahing ng Children’s Rehabilitation Center (CRC), hindi aniya mabuti ang lagay ng karapatan ng mga bata dahil bukod sa krisis pang-ekonomiya, isa sa kinakaharap ay karahasang mula sa pamahalaan.

Giit niya na apektado ang mga bata sa kasalukuyang krisis tulad ng red-tagging, pagkaulila dahil bilanggong pulitikal ang magulang o walang habas na pinatay ng rehimen, pati na rin ang takot na dulot ng mga karahasang ito, higit lalo sa kanayunan.

Ito ang tuon ng dalawang pangunahing programa ng CRC, ang Training and Rehabilitation at Information and Publicity.

Nasa ilalim ng Training and Rehabilitation Program ang psychosocial intervention na isinasagawa ng organisasyon na therapy na may tatlong bahagi; ang release, meaning construction at cognitive mastery.

Kabilang dito ang mga advocacy activity and campaign ng CRC tulad ng peace camp, summer camp at media and school forum na laying bigyang mukha sa mga bata ang mga napapanahong isyu.

Tuon din ng organisasyon na makamit at maipatupad  ang apat na haligi ng karapatan na dapat tinatamasa ng mga bata—mabuhay, umunlad, maproteksiyonan at makilahok.

Iisa ang panawagan nina Palce at Wahing bilang bahagi ng sektor ng kababaihan at mga bata—bigyang tuon ng kasalukuyang administrasyon ang karapatan na dapat natatamasa, wakasan ang karahasan at tugunan ang kanilang ipinaglalaban at panawagan.