Panloloko ang amnestiya ni Marcos Jr. —CPP


Ayon kay Communist Party of the Philippines chief information officer Marco Valbuena, gagamitin lang ito bilang instrumento sa tiraniya ni Marcos Jr. at magiging banta sa mga batayang karapatan ng mamamayan.

Hindi papatusin ng Communist Party of the Philippines (CPP) at iba pang rebolusyonaryong puwersa ang alok na amnestiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa halip, idineklara nitong determinado pang isusulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

“Malaking panloloko ang deklarasyong amnestiya ni Marcos [Jr.],” pahayag ni Marco Valbuena, chief information officer ng CPP.

Sa inilabas ng Malacañang na Presidential Proclamation 404, ginawaran ng amnestiya ang mga kasapi ng CPP, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines na may mga kaso ng paglabag daw sa mga batas ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas dahil sa pagsusulong ng kanilang pampolitikang paniniwala. Ilan sa mga tinukoy na kaso ang rebelyon, sedisyon, illegal possession of firearms and explosives, illegal assembly, at resistance and disobedience to a person in authority.

“Saklaw rin nito mga kinasuhan, nakakulong at nahatulan sa mga karaniwang krimen na kayang pagtibayin sa pamamagitan ng ebidensya na ginawa ang mga krimen para sa kanilang pampulitikang paniniwala,” sabi ng Palasyo.

Pero ayon kay Valbuena, gagamitin lang ito bilang instrumento sa tiraniya ni Marcos Jr. at magiging banta sa mga batayang karapatan ng mamamayan. Ang mga tinukoy kasing kasong saklaw ng amnestiya, karaniwan nang ginagamit para pagbantaan at sikilin ang mga karapatan sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagptitipon.

“Tutulungan ng mapanlokong amnestiya ni Marcos [Jr.] ang pulisya at militar na mandukot at magkulong ng mas paparami pang bilanggong politikal sa huwad na paniniwalang mapipilit ang mga ito na bumaliktad bilang ahente militar,” ani Valbuena.

Gagawin rin aniya itong gatasan ng pondo ng pulisya at militar. Dati nang nalantad ang gawain ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na pagpresenta ng mga pekeng “sumukong rebelde” para makuha ang mga nakalaang pabuya at iba pang pampublikong pondo para sa mga ito.

Nanindigan ang CPP na makakamit lang ang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan kung malulutas ang kawalan ng katarungang panlipunan at tunay na pambansang kalayaan na ugat ng armadong labanan.

“Magiging basurang papel lang iyan (amnesty proclamation) sa harap ng determinasyon ng mamamayan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at isulong ang digmang bayan nang may higit pang lakas,” sabi ni Valbuena.