Para sa bayan o bayad-utang?
Para itong isang investment scam at laging talo ang sambayanang Pilipino. Nag-iinvest ng milyon ang mga kapitalista, para protektahan ang limpak-limpak pa nilang mga negosyo at pag-aari.
Sakripisyo para sa bayan at hindi bayad-utang ang mabigyan ng posisyon sa gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sabi ni bagong Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kababata ni Marcos Jr. at ikaanim na campaign donor na binigyan ng posisyon sa gobyerno.
Sumabit tuloy ang buntong-hininga ng mga nag-aabang na bitawan na ni Marcos ang pamumuno sa DA, na ‘di rin naman nito matutukan.
Hindi ito bagong balita. Nakaraang taon, laman ng balita ang P30 milyon na direktang donasyon ng bagong Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Melquiades Robles sa pondo pangkampanya ni Marcos Jr. noong 2022.
Tinipon ng Philippine Center for Investigative Journalism ang datos ng mga donor na binigyan ng posisyon. Kasama sa listahan sina Joeben Ang Tai na bagong general manager ng National Housing Authority, Anton Lagdameo Jr. na Special Assistant to the President, Hubert Guevara na nasa Office of the President at Nesauro Firme na nasa Judicial and Bar Council.
Pag-ibig raw sa Pilipinas ang nagtulak kay Laurel na tanggapin ang posisyon. Gaano ba kalaki ang puso nina Laurel, Robles at ng iba pang campaign donor ni Marcos Jr. na nabiyayaan ng posisyon sa gobyerno?
Totoo na walang batas na pumipigil sa mga halal na opisyal na bigyan ng posisyon ang mga nag-donate sa kanilang kampanya. Ngunit totoo rin na sintomas ito ng paghahari-harian ng mayayaman at magkakaalyado sa politika.
Si Lagdameo ang apo ni Antonio Floirendo Sr. na donor naman sa kampanya ni Ferdinand Marcos Sr. noong 1965 at 1969 ayon sa Martial Law Museum.
Mauulit lang kaya ang dekada nang problema ng bansa sa mga opisyal na sariling interes ang tunay na iniibig? Para itong isang investment scam at laging talo ang sambayanang Pilipino. Nag-iinvest ng milyon ang mga kapitalista, para protektahan ang limpak-limpak pa nilang mga negosyo at pag-aari.
Kung tunay na pag-ibig sa bayan ang nagtulak sa mga tulad ni Laurel na tanggapin ang posisyon, dapat dama ng mamamayan ang serbisyo publiko sa pamamagitan ng mga makataong programa. Kung hindi, siguradong maniningil ang mga Pilipino.