Sapilitang Pagkawala: Isang Nagpapatuloy na Krimen


Tinatawag na desaparecidos ang mga biktima ng sapilitang pagkawala mula sa unang paggamit ng salitang ito sa Latin America, sa mga bansang nagkaroon ng mga mapanupil na rehimen tulad ng military dictatorship sa Argentina noong 1970s hanggang 1980s at ng 17 taon na diktadura ni Augusto Pinochet sa Chile.

Ang sapilitang pagkawala o involuntary o enforced disappearance ay itinuturing na isang napakasahol na paglabag sa karapatang pantao. Ito’y itinuturing na isang natatanging krimen na may partikular na mga elemento ayon sa Anti-Enforced Disappearance Act of 2012 o Republic Act (RA) 10353: 1) deprivation of liberty; 2) state-perpetrated; at 3) denial of whereabouts.

Itinuturing ang batas na ito bilang isa sa mga pinakakumprehensibong batas sa mundo na tumutugon sa isyu ng sapilitang pagkawala dahil na rin nakaangkla ito sa mga probisyon ng International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance (ICPAPED). Sa kabila nito, ang ICPAPED ang natatanging United Nations (UN) human rights instrument na hindi signatory ang Pilipinas. 

Higit 10 taon na ang lumipas nang maisabatas ang RA 10353 ngunit patuloy pa ring nagaganap at nadadagdagan ang mga kaso ng sapilitang pagkawala.

Hindi pa rin naililitaw ang karamihan sa mga biktima at patuloy na nagdurusa ang kanilang mga pamilya sa paghahanap at pagsubok na kamtin ang katotohanan at katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay na iwinala. 

Tinatawag na desaparecidos ang mga biktima ng sapilitang pagkawala mula sa unang paggamit ng salitang ito sa Latin America, sa mga bansang nagkaroon ng mga mapanupil na rehimen tulad ng military dictatorship sa Argentina noong 1970s hanggang 1980s at ng 17 taon na diktadura ni Augusto Pinochet sa Chile. 

Naging matunong ang salitang desaparecidos sa Pilipinas noong panahon ni Ferdinand Marcos Sr. Partikular ito noong batas militar kung saan naging matindi ang mga kaso ng mga paglabag sa mga karapatang pantao, lalo na sa mga kinikilalang indibidwal o grupo na kritikal sa rehimen. Naging paraan ang sapilitang pagkawala upang supilin ang pagiging kritikal sa isang panahong lantaran ang pananamantala sa mamamayan.

May naiulat na higit isang libong kaso ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng batas militar ni Marcos Sr. na hindi pa rin nahahanap hanggang ngyon. Kung susumahin, nasa mahigit apat na dekada nang naghahanap ang kanilang pamilya na umaasa pa rin na makamit ang hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay. 

Mula nang maupo si Marcos Jr. noong 2022, may naidokumento nang 11 kaso ng sapilitang pagkawala ang human rights group na Karapatan. Kasama sa listahang ito sina Dexter Capuyan at Gene Roz de Jesus na nawala noong Abril 28, 2023 sa Taytay, Rizal. Dinukot ang mga indigenous peoples rights activist ng mga nagpakilalang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police.

Makalipas ang higit sa anim na buwan ng paghahanap at paghihintay sa kahit anong impormasyong makapagsasabi kung nasaan sila, wala pa ring kahit anong balitang makapagsasabi sa kinaroroonan nila.

Ganito ang katotohanan para sa pamilya ng iba pang desaparecidos sa kabila ng pagkakaroon ng isang batas na naglalayong magsilbing proteksiyon laban sa sapilitang pagkawala. Sa mismong paghahanap ng mga pamilya, lumilitaw ang kahinaan ng pagpapatupad sa batas ng mga responsableng ahensiya ng gobyerno.

Larawan mula sa Kodao Productions

Nariyan din ang kaso ng mga organisador na sina Dyan Gumanao at Armand Dayoha na dinukot ng mga nagpakilalang pulis sa pantalan ng Cebu City noong Enero 10 matapos magbakasyon para sa Pasko sa Cagayan de Oro City. Lumitaw sila matapos ang ilang araw.

Nagkaroon ng pagkakataon si Dyan na ikuwento sa UN Human Rights Council sa Geneva, Switzerland noong Marso ang kanilang karanasan sa kamay ng mga dumukot sa kanila nang halos isang linggo.

Kuwento ni Dyan, pinosasan, piniringan at binusalan sila nang maisakay sa van. Nakaposas at nakapiring din sila kahit kailangan nilang gumamit ng palikuran. Pinagbantaan din sila ng mga dumukot na papatayin sila kung hindi sila makikipagtulungan.

Alam din ng mga dumukot sa dalawa na hinahanap na sila ng kanilang mga pamilya at mga organisasyon matapos lumabas ang video ng pagdukot sa kanila. Gabi ng Enero 15, pinag-check in ang dalawa sa isang resort sa Carmen, Cebu at agad na kinontak ang kanilang mga pamilya upang ma-rescue dahil may takot pa rin na babalikan sila. Nasundo sila kinaumagahan.

Larawan ni Michelle Mabingnay

Naging biktima rin ng sapilitang pagkawala ang dalawang environmental activist na sina Jhed Tamano at Jonila Castro. Dinukot at itinago sila ng halos dalawang linggo at saka inilantad sa publiko na nasa kustodiya ng militar sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Makikita sa kaso ng dalawa na tila may umuusbong na panibagong anyo ng sapilitang pagkawala kung saan dinudukot, tinatago at saka ililitaw at ipepresenta ng mga ahente ng estado ang mga biktima bilang mga surrenderee.

Bilang mga biktima ng sapilitang pagkawala, naiiba sina Jhed at Jonila dahil nabigyan sila ng pagkakataon upang ilahad ang nangyari sa kanila sa harap mismo ng mga tauhan ng NTF-Elcac. Binaliktad nila ang naratibo ng estado na sila’y kusang sumuko—isang naratibo na pabor sa kampanya ng estado laban sa mga kritiko nito, sa mga pumiling labanan kung ano ang mali.

Hindi maikakaila na isang karumal-dumal na krimen ang sapilitang pagkawala. Ayon sa RA 10353, isang itong continuing offense. Ibig sabihin, patuloy na nangyayari ang krimen hanggang hindi pa nahahanap ang isang biktima. Sa ilalim ng batas, ang mga primaryang responsable sa isang kaso ng sapilitang pagkawala ay makatatanggap ng kaparusahang panghabambuhay na pagkakabilanggo. 

Hindi naging madali ang daan tungo sa pagkakaroon ng isang batas laban sa sapilitang pagkawala. Hanggang sa ngayon, patuloy na nagkakampanya ang mga pamilya at mga organisasyon para sa istriktong pagpapatupad nito.

Ang mga desaparecidos noon hanggang ngayon ay hindi lamang nagsisilbing mga bilang, hindi lamang tala ng mga paglabag sa karapatang pantao. Sila’y tanda ng mga pamilyang patuloy na nagdurusa dahil sa karahasan ng estado na nilalantad ng bawat kaso ng sapilitang pagkawala.

Hanggang may mga desaparecidos na hindi pa rin naililitaw, hanggang pinalalaganap pa rin ng estado ang sapilitang pagkawala, hanggang nagpapatuloy ang krimen na ito, magpapatuloy rin ang laban para sa hustisya.