Espesyal na Ulat

Ano ang nangyayari sa Gaza? Bomba ng Israel sa Gaza, made in the USA


Daan-toneladang bomba ang ibinigay ng United States sa Israel para sa pagpapatuloy ng mas pinabangis nitong pagsalakay sa Gaza na pumatay na ng lampas 15,500 Palestino.

A wounded man walks away after Israeli air strikes hit a residential building and caused casualties in Tall az-Zaatar northern Gaza on Sunday [Fadi Alwhidi-Anadolu]

Huli sa apat na bahagi

Daan-toneladang bomba ang ibinigay ng United States (US) sa Israel para sa pagpapatuloy ng mas pinabangis nitong pagsalakay sa Gaza na pumatay na ng libo-libong mga bata, matatanda, kababaihan, mamamahayag, manggagawang pangkalusugan, mga sibilyang Palestino.

Isang linggong natigil ang putukan sa pagitan ng Israel Defense Forces (IDF) at Palestinian Resistance sa Gaza simula Nob. 24. Sa kabila ng makailang ulit niyang pagtanggi, napilitan din si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pumaloob sa pansamantalang “humanitarian truce” para bigyang-daan ang ligtas na pagpapalaya sa mga bihag na Israeli at mga bilanggong Palestino at sa pagpasok ng humanitarian aid sa Gaza.

Pero ibang ayuda ang ipinasok ng US, karagdagang bomba at armas para sa Israel.

Ayon sa ulat ng The Wall Street Journal (WSJ), nagbigay ang US ng 100 na BLU-109 bunker buster, bombang may bigat na isang tonelada (900kg) bawat piraso at nakadisenyong dumurog ng mga konkretong istruktura.

Bangkay na hinugot mula sa gumuhong gusali matapos ang atake ng Israel. Litrato ni Abed Rahim Khatib, Anadolu
Abed Rahim Khatib/Anadolu

Nitong Dis. 2, tinuldukan ni Netanyahu ang tigil-putukan. Ang mga bagong bigay na bomba ng US, ibinagsak sa mga ospital, refugee camp at iba pang sibilyang istruktura sa Gaza. Higit 700 katao ang patay. Ito na ang isa sa pinakamaraming naitalang pinatay na Palestino sa loob ng isang araw mula noong Okt. 7.

“Ang US ay nasa likod ng Israel,” mapagbantang pahayag ni US President Joe Biden. Titiyakin aniya ng US na patuloy na “maipagtanggol ng Estado ng Israel ang sarili.”

Ayon sa WSJ, nasa 29,400 na iba’t ibang klaseng bomba at 57,000 bala ng kanyon na ang naibigay ng US sa Israel mula Okt. 7.

Bukod sa pagbibigay ng armas, ipinosisyon rin sa hangganan ng Israel sa Mediterranean Sea ang USS Gerald Ford Carrier Strike Group, isa sa pinakabago at pinakamalaking pulutong ng US Navy. Nagbibigay ito ng suportang panghimpapawid sa mga operasyon ng IDF at ng US Special Forces na sumasama sa pagsalakay sa Gaza.

Sabi ng Popular Front for the Liberation of Palestine (PFLP), pampulitikang puwersang bahagi ng Palestinian resistance, pinakaresponsable ang US at si Biden, na tinawag nitong “war criminal,” sa panibagong agresyon sa Gaza. Pinalarga kasi nito ang Israel na “magpatuloy sa henosidyo” at maglunsad ng “dose-dosenang masaker” laban sa mamamayang Palestino.

Lampas 15,500 na ang pinatay sa 58-araw nang pagpapaulan ng Israel ng bomba sa Gaza. Higit 6,600 dito, mga bata.

“Salamat Mr. President. Salamat sa pagtindig kasama ng Israel ngayon, bukas, magpakailanman,” tugon ni Netanyahu nang magkita sila ni Biden sa Tel Aviv, kabisera ng Israel, noong Okt. 18.

Taon-taon, nagbibigay ang US ng $3.8 bilyon ayudang militar sa Israel. Pinupunan nito ang 16% ng kabuuang badyet militar ng Zionistang estado.

Tinatayang nasa $158 bilyon na ang naibigay nitong ayuda para palakasin at palawakin ang Zionistang okupasyon ng Israel mula pa World War II. Kung isasama pa ang ibang ibinigay na ayuda gaya ng economic at humanitarian aid, may kabuuang $318 bilyon na ang naibigay nito sa Israel. Ito ang pinakamalaking ayudang ibinibigay ng US sa kahit anong bansa. Tinustusan nito ang 75-taong settler na kolonyalismo at pagpuksa sa lahing Palestino.

Nitong Okt. 20, humingi ng karagdagang $105 bilyong military budget ang administrasyon ni Biden sa US Congress, $14 bilyon dito, dagdag ayuda para sa Israel.

Pagkikita nila US President Joe Biden at Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu saTel Avi noong Oktubre. Litrato ni Evelyn Hockstein, Reuters
Evelyn Hockstein/Reuters

Mahalaga para sa US na panatilihin ang binansagan ni dating US President John F. Kennedy na “espesyal na relasyon” nito sa Israel. Susi kasi ito sa pang-ekonomiya, pampolitika at pangmilitar na interes ng US sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.

Sinuportahan ng US ang pagtatag ng Estado ng Israel noong 1948. Pero naging mahigpit ang kanilang relasyon matapos talunin ng Israel ang Egypt, Syria at Jordan sa giyera noong 1967, at iba pang mga bansang Arabo noong 1973. Higit pang pinalakas ng US ang kapasidad-militar ng Israel para magsilbing tanod nito sa rehiyon.

Kinasangkapan ng US ang mga Zionista para pigilan ang impluwensya ng Unyong Sobyet sa Gitnang Silangan, habang abala ito sa giyera sa Vietnam. Pagkatapos ng “Atakeng 9/11” sa US, Israel ang naging pangunahing base nito sa mga giyerang agresyon sa Afghanistan, Iraq, at iba pang bansa sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika sa tabing ng “war on terror.”

Umaabot naman sa $50 bilyon ang halaga ng taunang kalakalan sa pagitan ng US at Israel. Pero higit na mahalaga para sa US ay ang papel ng Zionistang estado sa pagsugpo sa banta sa suplay nito ng langis mula sa rehiyon.

Sinabi ni Biden noong 2013, na ang isang “Nagsasariling Israel, na may katiyakan sa sarili nitong mga hangganan, na kinikilala ng mundo, ay nasa praktikal na estratehikong interes ng US.”

Para protektahan ang “praktikal at estratehikong interes” ng US, kailangan nitong magsilbing abogado at ipagtanggol ang Zionistang estado.

Patong-patong na ang mga kaso ng paglabag ng Israel sa mga internasyunal na makataong batas, Geneva Conventions at mga krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng 75-taon nitong henosidyo sa Palestine. Marami dito, nakabinbin pa rin o tuluyan nang naibasura sa United Nations (UN), International Criminal Court at iba pang pandaigdigang hukuman, dahil sa pag-aabogado ng US.

Ang US din ang tagaharang sa mga resolusyon sa UN na banta sa Zionistang estado. Wala ni isa sa napakaraming UN resolutions, hinggil sa karapatan ng mga Palestino na magkaroon ng sariling estado, sa sarili nilang lupa, ang naipatupad. Patuloy pa rin ang pag-iral ng militaristang okupasyon ng Israel sa Palestine kahit ipinagbabawal ito ng UN.

Kamakailan, tinutulan rin ng US ang resolusyon ng UN Security Council para sa tigil-putukan sa Gaza.

“Kung hindi nagkaroon ng Israel, tayo mismo ang mag-iimbento nito,” dagdag pa ng noo’y bise presidente pa lang na si Biden.

Paulit-ulit na maririnig sa mga opisyal ng US mula pa noon, at kahit sa mga opisyal na mga dokumento, na ang ubod ng relasyong US-Israel ay ang kanilang mga pinagsasaluhang magkaparehong asal (shared values).

“Ang Israel ay may mga asal na kapareho ng US,” sabi ni Biden sa pulong nila ni Netanyahu.

Dibuho ng pagsalakay ng 7th Cavalry sa mga katutubong Cheyenne sa Oklahoma noong 1868. Litrato ng Kean Collection, Getty Images
Dibuho ng pagsalakay ng 7th U.S. Cavalry sa mga katutubong Cheyenne sa Oklahoma noong 1868. Kean Collection/Getty Images

Naunang itinatag ang US bilang settler na estado. Mula 1776, sinakop ng mga kolonyalistang Briton ang Amerika, minasaker ang katutubong populasyon, inagaw ang lupain at nagtatag ng kanilang estado. Sa parehong asal, sinakop ng mga Zionista mula sa Europa at US ang Palestine. Minasaker ang mga Palestino, inagaw ang lupain, at itinatag ng kolonyalistang settler na estado ng Israel noong 1948.

Pagkatapos nilang magpulong ni Netanyahu, humarap si Biden sa gabinete at mga opisyal militar ng Israel. Dito naging malinaw ang kanilang pinagsasaluhang asal, ang ugat ng ‘di magmamaliw niyang pagsuporta sa kolonyalistang settler na estado. Mas naunawaan ang walang pag-iimbot niyang pagpapadala ng daan-toneladang bomba para patayin ang libo-libong mga bata, matatanda, kababaihan, mamamahayag, manggagawang pangkalusugan, mga sibilyang Palestino.

Walang kahiya-hiyang ipinagmalaki ng Pangulo ng US, “Zionista ako.”

Unang bahagi
Ikalawang bahagi

Ikatlong bahagi