Itigil ang karahasan, giyera—Papa Francisco


Pinagtuunan din ng pansin ni Papa Francisco ang patuloy pagtaas ng produksiyon, bentahan at kalakalan ng mga armas pandigma.

Sa kanyang mensahe sa Araw ng Pasko, nanawagan si Papa Francisco ng kapayapaan at pagtigil ng karahasan sa maraming bahagi ng daigdig na kasalukuyang may giyera.

“Ang pag-‘oo’ sa Prinsipe ng Kapayapaan (Hesukristo) ay nangangahulugan ng pag-‘hindi’ sa giyera, sa bawat giyera. Kailangang gawin ito nang may tapang, ang pagwawaksi sa kaisipan ng giyera, isang walang patutunguhang paglalakbay, isang pagkatalo na walang nagwagi, isang walang kapatawarang kahibangan,” wika ng Santo Papa sa wikang Italyano.

Sinabi ng Santo Papa na hangad niya ang kapayapaan sa Palestine, Ukraine, Syria, Yemen, Lebanon, Armenia at Azerbaijan. Nanawagan din siya ng pagwawakas ng tensiyon sa mga rehiyon ng Sahel at Horn of Africa at sa mga bansang Sudan, Democratic Republic of the Congo, South Sudan at Cameroon.

Partikular na nanawagan ang Santo Papa para sa kalagayan ng mamamayan sa Gaza sa Palestine.

“Inuulit ko ang aking kagyat na panawagan na palayain ang mga bihag. Nagsusumamo ako para sa pagwawakas sa mga operasyong militar na kumitil na ng mga inosenteng sibilyan, at nananawagan ako ng solusyon sa desperadong kalagayan ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbubukas [ng mga border] para makapaghatid ng tulong,” giit ng Santo Papa.

Pinagtuunan din ng pansin ni Papa Francisco ang patuloy pagtaas ng produksiyon, bentahan at kalakalan ng mga armas pandigma.

“Paano tayo magsusulong ng kapayapaan kung patuloy na tumataas ang produksiyon, bentahan at kalakalan ng armas? Ngayon, katulad noong panahon ni Herodes, nagtatago sa anino ng pagkukunwari at pagkukubli ang kasamaang taliwas sa liwanag ng Diyos,” sabi niya.

Matapos ang kanyang mensahe at pananalangin ng Angelus sa balkonahe ng St. Peter’s Basilica sa Vatican City, iginawad ng Santo Papa ang tradisyonal na pagbabasbas na Urbi et Orbi (Sa Lungsod ng Roma at sa Daigdig) sa mga mananampalatayang nagtipon sa St. Peter’s Square at sa mga nanonood at nakikinig sa telebisyon, radyo at internet na ibinibigay tuwing Pasko ng Pagkabuhay at Pasko ng Pagsilang.

Samantala, ipinadala ni Papa Francisco ang papal almoner o ang pinuno ng Dicastery for the Service of Charity na si Cardinal Konrad Krajewski sa Jerusalem, Palestine bilang tanda ng pakikiisa ngayong Kapaskuhan sa mga mamamayang apektado ng labanan.