Isang saglit at mahabang pagluluksa
Kasabay ng pagdiriwang ng marami sa pag-anunsiyo ng pansamantalang tigil-putukan sa Gaza Strip sa Palestine ang paalala ng mga Palestino na hindi pa dito nagwawakas ang laban para sa hustisya.
Tuloy-tuloy sa paghahanap si Abu Muhammed Ghaith sa anak niya. “May nakakita ba sa sandalyas na dilaw ang suwelas? Pakisabi naman sa akin kung makita ninyo,” pakiusap niya habang humihikbi sa mga kapwa Palestino na dumayo sa morgue noong Ene. 21, Martes matapos ianunsiyo ang tigil-putukan sa pagitan ng militar ng Israel at ng rebolusyonaryong grupo na Hamas.
Ah, sa wakas may puwang na para maghanapan ang mga Palestinong nawalay sa pamilya. Malaking bagay ito kahit madalang na ngiti ang sasalubong sa bawat tagpo.
Ganoon na nga ang nadatnan sa Nasser Hospital sa lungsod ng Khan Younis at ibinalita ni Mohamed Solaimane para sa Al Jazeera. Higit sa 46,000 Palestino sa Gaza ang patay dahil sa mga atake ng Israel, ayon sa Palestinian Ministry of Health. Hindi mabilang sa kamay ang mga pamilyang dumiretso sa morgue para tingnan alin sa mga nakaratay na katawan o anumang natirang bahagi nito ang mahal nila sa buhay.
Isandaang araw at isang taon ang hinintay para dito.
Sandalyas, jacket, pantalon—anomang makikilalang piraso ng damit, hinanap na ni Abu Muhammed para lang makilala sana ang 17 taong gulang na anak na Nobyembre pa nawawala.
Umalis ang binata sa kanilang evacuation camp sa al-Mawasi (safe zone dapat na inatake rin ng Israel makailang ulit) para kumuha ng gamit sa bahay nila sa Rafah, Gaza na halos mapatag na.
Sa taya ng United Nations (UN) Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, nasa 92% ng kabahayan, 88% na kalakhang mga paaralan, at 68% ng mga taniman sa Gaza ang winasak. Naging pagkakataon ang tigil-putukan para makakuha ng mas malinaw na imahe ng karahasan.
Ayon pa sa kanila, kailangan ng tatlong taon para lang mahukay ang katawan ng mga Palestinong nadaganan ng gumuhong mga gusali at natabunan ng lupa dahil sa pambobomba ng Israel.
“Unang beses ko makabalik sa Rafah mula noong Mayo. Wala na siya. Wala ang Rafah, wala na ang buong siyudad,” sabi sa social media ni Bisan Owda, tanyag na nagbabalita mula sa Gaza. “Naglalakad ang mga tao, hirap na hirap makilala kung saan dati nakatayo ang mga bahay nila.”
Aniya, suwerte ang ilan na may ilang tipak pa ng bahay na nakikilala, para man lang makapagpaalam at makapagluksa sa hindi maibabalik na alaala.
Ganito ang kaligiran ng kasunduan para sa tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Hamas.
Laman ng kasunduan
Kasama sa unang yugto ng kasunduan ang itinuturing na prisoner exchange ng magkabilang panig. Papakawalan ng Hamas ang hawak nilang 33 Israeli mula noong Okt. 7, 2023, habang libo naman na Palestino ang makakabalik sa kanilang pamilya.
Isa pang mahalagang bahagi ng kasunduan ang pag-atras ng militar ng Israel sa pangungubkob at posible lang silang manatili 700 metro mula sa border ng Gaza at Israel.
Dapat ring hayaan ng Israel makapasok sa Gaza ang relief goods o humanitarian aid, para maibsan ang matinding kagutumang dala ng pagpigil ng Israel sa pagpasok ng pagkain at iba pang tulong sa Gaza bago ang tigil-putukan. Sa social media, posibleng masipat ang retrato ng ilang Palestinong nagdiriwang sa pagsasalo ng merienda na higit isang taong hindi nasilayan.
Inaasahang magwawakas sa Marso ang unang yugto ng kasunduan. May ikalawa at ikatlong yugto ito, pero hindi pa umano pinal ang nilalaman. Ang mahalaga raw, nagkakaisa sa prinsipyo.
Ngunit may dahilan na para pagdudahan ang tunay na layunin ng Israel. Ayon kay Thameen ak-Kheetan ng UN Human Rights Office, nakakabahala ang paggamit ng Israel ng mga “taktikang pandigma, labag sa karapatang pantao” sa siyudad naman ng Jenin sa Okupadong West Bank, mas hilaga kaysa Gaza at mas malapit sa Ilog Jordan.
Higit 12 na Palestino sa West Bank ang naitala ng UN na pinatay matapos simulan ang mga drone strike sa noong Ene. 24 at daan-daan pa ang lumisan mula sa mga refugee camp dahil maging ang mga ito, pinapatag ng Israel.
Dahil sa tensiyonadong sitwasyon, inuudyok na ng gobyerno ng Qatar ang dalawang panig na simulan ang ikalawang yugto ng kasunduan para mapag-usapan ang pagtigil sa digmaan.
At sa kabila ng lahat ng ito, tuloy-tuloy ang maraming tulad ni Abu Muhammed sa paghahanap ng pamilya o sa anumang natira sa kanila, nang maihatid sila sa huling hantungan sa lupaing pinayabong nila noong nabubuhay pa.