Marcos-Duterte, panagutin sa paglabag sa karapatan
Araw ng paniningil sa mga dumaraming paglabag ng administrasyong Marcos-Duterte sa mga karapatang pantao ng mamamayan ang paggunita sa ika-75 taon ng Universal Declaration of Human Rights nitong Dis. 10.
Araw ng paniningil sa mga dumaraming paglabag ng administrasyong Marcos-Duterte sa mga karapatang pantao ng mamamayan ang paggunita sa ika-75 taon ng Universal Declaration of Human Rights nitong Dis. 10.
Sa Maynila, nagtipon ang mga progresibong organisasyon nitong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Liwasang Bonifacio at dinala ang kanilang mga panawagan para sa katarungan sa mga paglabag sa tarangkahan ng Malacañang sa Mendiola.
Giit ng mga grupo, dapat panagutin ang kasalukuyang rehimen sa mga paglabag sa karapatan na dinaranas ng mamamayan mula sa iba’t ibang sektor at komunidad sa buong bansa.
Patuloy ang ilegal na aresto, pagdukot
Sa tala ng human rights group na Karapatan, nasa 316 ang kaso ng ilegal at arbitraryong pag-aresto sa ilalim mahigit isang taon sa poder nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Nasa 795 naman ang kabuuang bilang ng mga bilanggong politikal sa bansa, 78 dito ang matatanda, 17 ang consultant ng National Democratic Front of the Philippines, 159 ay mga kababaihan, at 98 ang may karamdaman. Nasa 84 sa kanila ang hinuli at ikinulong sa kasalukuyang rehimen.
Pinagbabawalan din ang ilan sa mga bilanggong politikal na makatanggap ng dalaw at makipag-usap sa ibang tao o incommunicado habang nasa piitan, isang malinaw na paglabag sa karapatang pantao ng mga bilanggo.
Ayon kay Danah Marie Marcellana, bagong layang organisador ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK), hindi makatarungan ang paghuli sa kanya.
Inaresto si Marcellana at asawang si Christian Relao noong 2021 gamit ang isang arrest warrant para isang “Ka Isay” sa kasong rebelyon na isinampa noon pang 2008. Labindalawang taong gulang lang siya noon. Dagdag niya, napakabagal ng proseso ng paglilitis kaya inabot siya ng dalawang taon sa kulungan kahit wala talagang sala.
Samantala, nakakulong pa rin si Relao, coordinator ng Anakpawis Southern Tagalog, na may apat na gawa-gawang kaso. Paraan umano ito ng estado para pigilang makalaya ang mga lumalaban sa sistema.
Maraming pang mga katulad ni Relao ang sinampahan ng mga gawa-gawang kaso at nananatiling nakapiit habang napakabagal ng usad ng pagdinig sa mga korte.
Nagpapatuloy din ang pagdukot sa mga aktibista at kritiko ng mga mapanirang proyekto ng gobyerno.
Pitong buwan na mula nang dukutin ng hinihinalang elemento ng pulisya noong Abr. 27 ang mga indigenous peoples’ rights advocate na sina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus sa Taytay, Rizal.
Dalawa sina Capuyan at de Jesus sa naitalang 12 kaso ng sapilitang pagkawala o enforced disappearance mula nang magsimula ang panunungkulan nina Marcos Jr. at Duterte.
“Irespeto at kilalanin ang karapatang pantao ng lahat. Itigil ang atake sa mamamayang nakikibaka. Walang mali na ipaglaban ang karapatan ng mga katutubo, manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan,” ani Gabrielle Chuwaley Capuyan, anak ni Capuyan.
Bagaman nailitaw ang apat sa mga dinukot, tulad nina Dyan Gumanao at Armand Dayoha na dinukot sa Cebu City noong Enero at Jonila Castro at Jhed Tamano na dinukot sa Bataan noong Setyembre, nagpapatuloy ang paghahanap sa mga sapilitang nawala.
ICC, hayaang mag-imbestiga
Bago pa man makaupo si dating Pangulong Rodrigo Duterte, maingay na ang kanyang layuning sugpuin ang ilegal na droga sa bansa. Noong 2016, sinimulan ang madugong “giyera kontra-droga” sa buong Pilipinas.
Parehong taon din nang pumukaw ito ng atensiyon ng International Criminal Court (ICC) dahil sa tumataas na bilang ng mga pinapaslang kahit apat na buwan pa lamang ang nakatatandang Duterte sa posisyon.
Sa kabila ng mga apela ng pamahalaan, nagpasya ang ICC na ituloy ang imbestigasyon sa mga extrajudicial killing kaugnay ng giyera kontra-droga.
Sa tala ng gobyerno, mahigit 6,000 ang sinasabing napatay ng pulisya sa mga operasyon. Ngunit tinataya ng mga human rights groups na nasa 20,000 hanggang 30,000 katao ang biktima lalo’t hindi kasama sa tala ng pulisya ang mga vigilanteng pagkitil.
“Isipin niyo, pitong taong uhaw at gutom sa katarungan, hanggang ngayon ay ni hindi kinikilala na may kasalanan o may nangyaring mali [sa war on drugs],” wika ni Kristina Conti, isa sa mga abogado sa kaso ng mga pamilya ng mga biktima sa ICC.
Nagkaroon naman daw ng sariling imbestigasyon ang gobyerno at lumabas na sadyang nagkaroon lang daw ng pag-abuso ang ilang pulis sa mga operasyon.
“Sabi nga nila, ‘pag pangalawang beses [nang] naulit, sige, baka nagkataon. ‘Pag pangatlong beses na naulit, sinasadya. ‘Yong 6,000? Government policy na ang tawag diyan, government policy na pumatay ng tao sa ilalim ng war on drugs,” giit ni Conti.
Dagdag pa ni Conti, walang katahimikan at hindi matatapos ang paglaban sa mga karahasang ito hanggang hindi lumalabas ang katotohanan.
Kaya ang patuloy pa ring panawagan ng mga pamilya ng mga biktima at iba’t ibang grupo na panagutin ang dapat managot at hayaan ang ICC para magsagawa ng imbestigasyon sa mga pagpaslang.
Tuloy ang laban para sa karapatan
Sa humahabang listahan ng mga paglabag ng administrasyon sa mga karapatang pantao, sinabi ng mga progresibong grupo na mas magiging pursigido sila sa pagsusulong at pagtatanggol ng mga karapatan ng mamamayan.
“Sa kabila ng pinabangong imahe ni Marcos Jr., pinatutunayan ng mga karumaldumal na bilang ng mga paglabag sa karapatan na anak siya ng kanyang amang diktador at ang kanyang rehimen ay karugtong ng sinundan n’yang si Rodrigo Duterte,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Determinado rin ang mga progresibong organisasyon na ipagpatuloy ang pagtatanggol sa mga karapatan ng mamamayan at panagutin ang mga may sala sa mga paglabag.
“Bitbit ang aral ng mga pagkilos na ito [ngayong taon], sasalubungin natin ang taong 2024 na buo ang determinasyon para isulong ang ating pambansang demokratikong adhikain para sa tunay na kapayapaan at kalayaan ng mamamayan,” sabi ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Raymond Palatino.
Kasama rin sa mga panawagan ng mga grupo ang nabubuhay na sahod, tunay na reporma sa lupa, katarungan para sa mga katutubo, pagprotekta sa karapatan ng kababaihan at lahat ng mga inaapi sa lipunan.
“Humanda ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa malaking daluyong ng mamamayang gutom at galit na lalaban para sa karapatan at maniningil ng hustisya,” ani Jonila Castro ng AKAP KA Manila Bay.