Refugees mula Gaza, kinalimutan ng gobyerno?
Panawagan ni Amirah Lidasan, tagapagsalita ng Sandugo, “Dapat kilalanin ang mga pamilya bilang refugee. Kaakibat nito ang kanilang mga karapatan na manirahan at maging bahagi ng lipunan at ang kanilang kaligtasan at seguridad.”
Ayaw sanang umuwi ng Pilipinas ni Annel Abu Tawila matapos ang 26 taong paninirahan sa Gaza kasama ang Palestinong asawa at pitong anak. Ilang giyera at pambobomba na ang dinanas niya, minsan nga “bahay na lang namin ang nakatayo sa aming lugar.” Pero sobra na raw itong huling atake ng Israel.
Mabuti na lang at nakalikas sila agad. Ngayon, kalahati na lang ng bahay niya ang nakatayo. Ani Annel, ang tumulak sa kanya na umalis na ay noong “pinabili ko ang panganay ko ng [diaper]. Paglabas ng grocery, sa may malapit sa kanila may tumira, tatlo patay. Iyong anak ko, tinamaan din sa paa.”
Matapos iyon, tinanggap niya ang alok na repatriation ng Philippine Embassy sa Jordan. Masalimuot man ang biyahe, pero tumawid siya at ang 15 pa mula sa pamilya nila papuntang Cairo, Egypt kung saan pinasakay sila ng eroplano pauwing Maynila.
Mainit ang salubong ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanila sa Ninoy Aquino International Airport.
Nagbigay ang DSWD ng ayuda sa halagang P20,000 kada pamilya, dagdag sa inabot sa kanila ng embahada sa Cairo na $1,000. At pinatuloy sila sa mga hotel nang tatlong araw.
Pero tila doon na natapos ang responsibilidad ng gobyerno. Matapos ang ilang araw sa hotel, hirap na hirap ang marami sa mga Pilipino-Palestinong pamilya na makahanap ng uupahan o buhay pang kamag-anak na kayang magpatuloy ng isang buong angkan.
Ang tubong Zamboanga na si Annel, magdamag naghanap ng tutuluyan ng pero wala siyang makita.
“Una pa lang, sinabi ko na sa [Philippine Embassy na] nasa Jordan na hindi kami aalis hangga’t ‘di sigurado na may tirahan kami. Pagdating dito wala naman,” ani Annel.
Nakipagnegosasyon ang mga progresibong organisasyon sa kagaya ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA), Bagong Alyansang Makabayan at Sandugo para tumuloy sa University of the Philippines (UP) ang mga refugee imbis na malagay pa sa alanganin. Sa kasalukuyan, mahigit 60 katao mula sa mga pamilyang Pilipino-Palestino ang tumutuloy sa kampus sa Diliman.
Pero pumayag lang ang UP na manatili sila hanggang Dis. 21, bago tuluyang mag-break ang klase para sa Pasko. Ang PPFA, naghahanap rin ng iba pang tutuluyan.
Nagpapasalamat man si Annel sa ayuda at tulong ng gobyerno na makalikas sila, pero nananawagan din siya na ‘wag silang kalimutan at nangangailangan pa rin sila.
“Sa kagyat, kailangan nila ng shelter. Sa pangmatagalan, paano ang kanilang pag-integrate sa lipunan. Pabahay, trabaho? Hindi pa malinaw. Pakiramdam nila sa ngayon ay pinabayaan sila. At ‘di naming kayang gawin ang lahat kasi responsibilidad pa rin ito ng gobyerno,” paliwanag ni Dr. Edelina Dela Paz, pinuno ng PPFA.
Bago pa dumating ang mga refugee, nagpaalala na si DFA Undersecretary Eduardo de Vega na “they are not coming home for good—they will most likely return to Gaza once the situation has cleared.”
Nilinaw rin ng opisyal na magkaiba ang trato sa umuuwing mga overseas Filipino worker (OFW) at mga repatriate. “So, they will have a different set of ‘ayuda,’ different packages for them. We’ll be working with the DSWD and the DILG (Department of the Interior and Local Government), of course with Congress to provide them assistance when they’re here,” ani de Vega.
Mas malaki ang ayudang matatanggap ng mga OFW. Ayon sa Department of Migrant Workers, nasa P100,000 raw ang ilalaan sa bawat umuuwing manggagawa. Tiniyak din ang kanilang tutuluyan at kabuhayan. Pero paano naman iyong mga pamilyadong refugee na galing din sa matinding giyera at kapahamakan?
Panawagan ni Amirah Lidasan, tagapagsalita ng Sandugo, “Dapat kilalanin ang mga pamilya bilang refugee. Kaakibat nito ang kanilang mga karapatan na manirahan at maging bahagi ng lipunan at ang kanilang kaligtasan at seguridad.”
Dagdag ni Lidasan, ang pinapakita sa kanila ng gobyerno ngayon ay manipestasyon ng pusisyon ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. sa nangyayaring pambobomba ng Israel sa Palestine.
Matatandaang bumoto ng “abstain” ang delegasyon ng Pilipinas sa United Nations noong nagdedesisyon itong manawagan ng ceasefire noong Oktubre. Ilang ulit ding nagpahayag si Marcos Jr. na siya ay tumitindig para sa Israel sa gitna ng libo-libong sibilyan na namamatay sa Gaza dulot ng pambobomba nito.
“Salamin ng pinakita ng gobyerno sa nangyayaring gera ang pakikitungo nila sa mga refugee. Kung tutuusin, may dugo sa kamay ng rehimeng Marcos dahil sa pagsuporta nila sa ilegal na okupasyon at pambobomba sa Gaza,” giit ni Lidasan.