Pagsabog sa MSU Marawi, 4 patay


Nangyari ang nasabing pagsabog bandang 7:30 ng umaga ng Linggo, Dis. 3, habang may misa sa gymnasium na dinaluhan ng mga estudyante at guro.

Hindi bababa sa apat na katao ang nasawi at 42 naman ang nasaktan sa pagsabog sa isang gymnasium sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong Linggo, Dis. 3.

Nangyari ang nasabing pagsabog bandang 7:30 ng umaga habang may misa sa gymnasium na dinaluhan ng mga estudyante at guro.

Sa isang pahayag, sinabi ng MSU na labis itong nalulungkot at nabigla sa nangyaring pagsabog.

“We unequivocally condemn in the strongest possible terms this senseless and horrific act and extend our heartfelt condolences to the victims and their families,” ayon sa pahayag.

Nangako naman ang MSU ng suporta at tulong sa mga biktima ng trahedya.

“Our immediate priority is to ensure the safety and well-being of all constituents, particularly our Christian community,” ayon sa MSU.

“We are aware of the heightened sensitivities and concerns that arise from such a tragic event, and we want to assure everyone that we are taking every measure possible to protect our students, faculty, and staff,” dagdag nito.

Nagsuspinde naman ng klase ang MSU at sinabing nag-deploy na ng karadagang security para mapanatili ang kaligtasan sa kampus.

Samantala, sa isang hiwalay na pahayag, nangako ang Bangsamoro Government na nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad para imbestigahan ang mga nasa likod ng nasabing pagsabog.

“We urge the authorities to conduct a thorough investigation to swiftly bring the perpetrators of this heinous crime to justice,” ani Bangsamoro Government Chief Minister Ahob Ebrahim.

“The Bangsamoro Government is fully committed to supporting and cooperating with the investigative agencies to ensure that those responsible are held accountable for their wicked actions,” dagdag ni Ebrahim.

Hinikayat naman ni Ebrahim ang publiko na maging alerto at iulat sa mga awtoridad sa oras na may mga kahina-hinalang tao sa kanilang lugar.

Nagpaabot naman ng pakikiramay sa mga pamilya ng nasawi ang Kabataan Partylist.

“May karapatan tayong lahat na mabuhay at mag-aral nang hindi nangangamba sa ating kaligtasan lalo na sa loob mismo ng ating mga pamantasan,” saad nito sa isang pahayag.

Nanawagan din ang Kabataan Partylist ng agarang tulong at pagpapagamot sa mga nasaktan at mga kabataang nadamay, gayundin ang patas na imbestigasyon sa insidente.

“Sa kabila ng ating hangarin na mabigyang katarungan ang mga biktima ng insidenteng ito, hindi rin dapat maging bunga nito ang mas masahol na diskriminasyon laban sa mga kapatid nating Muslim,” dagdag nito.

“Hangad natin ang pagkakaisa ng mamamayan ng Marawi para sa ganap na pagbangon mula sa pinsala ng karahasan tungo sa pangmatagalang kapayapaan.”

Sa isang banda, tiniyak naman si Pangulong Ferdinand R. Marcos na dadalhin sa hustisya ang mga may kasalan sa pambobomba sa Marawi.

Siniguro ni Marcos Jr. na ang gobyerno ay mahigpit na nakikipagtulungan sa regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at sa lahat ng kinauukulang pamahalaang lokal para sa kanilang mabilis na pagtugon sa nangyaring insidente.