Panay Panayam

Taguyod ng karapatan ng manggagawa


Isa siyang tahimik na haligi ng kilusang paggawa sa Pilipinas, at makikita sa kanyang mga pananaw ang wisyo na iniluwal ng maraming taon ng karanasan sa pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa.

Pamilyar ang pangalang Daisy Arago sa marami, kung hindi man lahat, ng aktibista sa kilusang paggawa. Matagal nang executive director ng non-government organization na Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), si Daisy ay iginagalang na taguyod ng karapatan ng mga manggagawa. Wala yatang mayor na kampanyang manggagawa, sa antas pambansa o antas lokal, na hindi nilahukan ng CTUHR at sa gayon ay ni Daisy.

Nakakatuwang nagpaunlak si Daisy ng panayam. Isa siyang tahimik na haligi ng kilusang paggawa sa Pilipinas, at makikita sa kanyang mga pananaw ang wisyo na iniluwal ng maraming taon ng karanasan sa pagsusulong ng karapatan ng mga manggagawa.

Maraming salamat kay Natasha D. para sa mga imahen para sa panayam na ito na matagal na niyang naihanda.

Haha! Tagal na n’on ah. Galing ako sa uring magsasaka, laking countryside. Malapit din ang puso ko sa manggagawa kasi nakikita ko iyong mga kabaryo ko, umaalis sa umaga, bumabalik sa hapon. Maraming taon, pero pareho pa rin ang sitwasyon.

Bilang estudyante ng political science sa Maynila, required kaming pag-aralan ang iba-ibang political behavior, kaya napadpad ako sa mga rally at piketlayn ng mga manggagawa mula Kamaynilaan hanggang Bataan.

Na-inspire ako sa mga organisador na kabisado ang lugar na kinikilusan, mga pabrikang may unyon at wala at kalagayan mismo ng manggagawa, mga produktong ginagawa, kapitalista at empresa at papel nila sa pambansang ekonomiya at politika. Para ba akong nakatingin sa detalyadong mapa o malalim na pagsisiyasat sa lipunan. Sabi ko lang sa sarili ko, “Ang galing naman nito! Balang araw magiging ganyan din ako!”

Hindi ko namalayan na aktibista na pala ako. Pinagsasalita ako kung saan-saan at kalaunan ay naghihikayat na rin sa kapwa estudyante na maglaan ng kanilang talento sa manggagawa. May pansagot na rin sa mga konserbatibong taong simbahan kaugnay ng mga nagpapahirap sa sambayanan.

Pagkatapos ko sa pag-aaral, naging volunteer ako sa isang organisasyong pangmanggagawa [na] malapit din sa [Simbahang Katoliko]. Sa Young Christian Workers (YCW) ito noong 1987. Bilang translator nga eh. Sa YCW ko natutunan ang mga araling pangmanggagawa, pag-alis sa pagiging mahiyain, mga panimulang pag-aaral sa pambansa-demokratikong pakikibaka, at pag-ugnay sa mga manggagawa.

Lahatang-panig bagaman may kabagalan ang paghubog sa akin. Bawal daw sa manggagawa ang mahaba ang kuko at naka-cutex at mataray. Nag-aral din ako ng mga aralin ng manggagawa. It’s a challenge, ika nga.

Bumalik ako sa eskuwela, sa law school, bilang pagsunod sa pamilya pero huminto rin ako dahil sa kagipitan sa pinansya at dami ng gawain. Mahirap maging full-time na aktibista at self-supporting na estudyante nang sabay. Naging instruktor ako ng iba’t ibang aralin sa progresibong kaisipan.

Dahil kailangan kong suportahan ang aking pamilya, nagpunta ako ng Hong Kong at bumalik ako noong huling bahagi ng 1992. Pinanatili ko ang ugnayan sa YCW Asia Pacific na noo’y nakabase sa Hong Kong at tumira ako sa kanila nang ilang buwan at nagkomit sa ilang gawain.

Noong 1993, lumahok ako sa isang research ng CETRI o Centre Tricontinental ng nasirang si François Houtart sa [Catholic University of Lovaine] sa Belgium. Tungkol ito sa paglahok ng kabataan sa lipunan. Sa oras ng trabaho, nasa unibersidad ako at pagkatapos, nasa gawaing pampulitika, kasama ang secretary general ng Workers Party ng Belgium hanggang madaling araw.

Nakilahok at nagsalita rin ako sa mga welga sa Belgium at mga aktibidad ng solidarity groups para sa Pilipinas. Ilang buwan din ako sa Europa at doon ko hinarap ang maraming tanong tungkol sa pagkakahati sa kilusang pambansa-demokratiko. Nasa Belgium ang mga organisasyong naiwang tagasuporta noon ng iba’t ibang progresibong organisasyon sa Pilipinas.

Matapos ang saglit na pagpakat sa pambansang sentrong unyong Kilusang Mayo Uno o KMU, nawalan ako ng ugnay at kinupkop ng YCW noong 1996. Bumalik ako sa pag-oorganisa at nakapagtayo ng pitong unyon mula sa wala. Noong 1997, nahalal akong pambansang tagapangulo ng YCW.

Napakahirap pero natutunan ko ang pakipag-alyansa lalo na sa Simbahan. Tinulungan ako ng dalawang tagapagtaguyod ng labor rights sa ilang pag-aaral at pagsasanay sa libreng oras nila. Sa isang madre ko natutunan na sa Bibliya, may sinasabing “Hungkag o walang halaga ang pananampalataya kung walang pagkilos” mula sa Galatians 3:1-9. Naging inspirasyon ko ito lalo na sa pakikipag-ugnayan sa taong simbahan.

Ang pananampalataya ay isinasabuhay sa paglilingkod sa mga nangangailangan kaya inialay ko ang buhay ko, at hinikayat ang iba na magsilbi, sa mga manggagawa. Taong 2000 nang kinausap ako ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pangmanggagawa at naging kasama ako sa tagapagtatag ng National Coalition for the Protection of Workers’ Rights o NCPWR.

Noong unang bahagi ng 2001, natapos ang termino ko sa YCW. Sa huling hati ng 2001, napasok ako sa CTUHR at pinag-aralan naman ang gawaing human rights sa paggawa. Sa mga pinupuntahan ko, karaniwan kong narinig na tanong ang “Buhay pa pala ang CTUHR?”

Marami at mahirap din ang akong pinagdaanan, lalo na sa pamilya. Nabago ang aktitud at lengguwahe, lalo na kung nagtuturo. Kailangan mong pag-aralan ang pulso ng manggagawa mula sa wika, pagkain, tirahan, mga jokes, mga pinapanood at pinapakinggan hanggang sa pananamit o mga bagay na ibabahagi.

Iyong kumain ka sa harap ng maruming kanal, yakapin ka ng mga bata na puno ng sugat dahil sa tuktok ng basura sila nakatira, matulog sa ibabaw ng mga uling o saging o makiligo sa mga palengke o maligo sa isang tabong tubig nang nakangiti para makasama at maunawaan ang manggagawa. Kailangang mag-adjust ka lalo na kung magiging organizer ka.

Mahusay na karanasan ito para higit na maintindihan kung paano nabubuhay ang mga tao at maging ang mga full-time sa organisasyon sa baba. Doon ko natanto na halos walang halaga sa manggagawa kung mateorya ka o kabisado mo ang galaw ng imperyalismo kung hindi nagbabago ang kalagayan nila. Mahalaga ay bukas kang matuto sa mga manggagawa kahit iyong hindi nakapagtapos sa paaralan at tanggapin na marami kang ‘di alam at ang mga manggagawa ay maraming alam.

Marami eh pero tumatak talaga ang laban sa Hacienda Luisita. Laban ito sa lupa, larawan ng rebolusyong agraryo at paglaban sa klase ng empleyo at sahod na mayroon sa Pilipinas. Nakikipagpatintero sa mga intelligence agent ni Gen. Jovito Palparan pa noon o “hired killer” siguro kahit pa ilang taon na ang lumipas simula ng masaker. 

Ganoon din sa Nestlé. Doon mo makikita ang kapangyarihan ng pera, ng multinational corporations o MNCs at proteksyon ng estado sa mga MNCs. Mula sa advertisemment sa media, panlasa ng mga sanggol at bata, hanggang sa mga pulis at puwersa ng estado na nagbabantay sa pabrika. Kung walisin ang manggagawa, ganoon na lang.

Ang manggagawa ay tao, empleyo lang ang pagiging manggagawa kaya hindi dapat magpatumpik-tumpik na igiit ang mga karapatan bilang tao. Kung ang trabaho mo mismo ang naghuhubad sa pagiging tao mo, at kinakatigan ito ng sistema sa mahabang panahon, may mali na dapat mabago. Hindi ba nga, labor rights are human rights.

Bilang bahagi ng pambansa-demokratikong pakikibaka, ang human rights work ay isang komitment. Hindi ito karera na basta puwedeng iwaksi at your convenience, ‘ika nga. Ang tanging panagot lang naman ay “May nagbago ba?” Bumuti ba ang kalagayan ng manggagawa sa loob at labas ng empresa?

Ewan ko kung mabisa ako. Hindi ko masabi bagaman may naniniwala at nag-iimbita. Haha! May mga kalahok din sa mga sesyon na isa ako sa tagapagpadaloy na nasa susing gawain o posisyon na sa organisasyon sa kanilang lugar. Masaya akong makita sila o mabalitaan ang pag-unlad mula sa pagiging kiming manggagawa.

Mahalaga ang walang katapusang pag-aaral at pagkatuto sa pagtataguyod ng labor rights at human rights at laging pagiging handa saan ka man mapunta at sino man ang kaharap mo. Magpaunlad ng kaalaman at kakayahan, huminto para mag-isip, mag-notes, hindi maging dependent. Dapat ay may vision rin na hindi salungat sa pangkalahatang tunguhing gusto mong abutin sa isang takdang panahon. Mahalaga ito lalo sa panahon ng krisis, hindi ko masabing kahirapan dahil lagi at talaga namang mahirap.

Hanapin ang “weakest link,” wika nga, kung paano makakapag-organisa at makakapagpalapad. Bagaman hindi nagbabago ang pundamental na kalagayan ng manggagawa mula noon hanggang ngayon, madami nang dapat ikonsiderang salik. Dalawa lang iyan: kung hindi nagpapalabnaw ng pagsusuri ay nagpapatibay, kaya kailangan kang maging mapanlikha, mapangahas pero maingat. Iugnay ang kasalukuyang kalagayan sa pundamental na kalagayan ng manggagawa. May nagbago ba?

Malungkot at nakakagalit, puno ng stressors. Malaki rin ang nagagawa kung may network ng suporta sa loob at labas ng iyong organisasyon ng mga taong may pag-unawa sa gawain mo nang walang judgment, ‘ika nga.

Kailangan mapagkalinga rin tayo sa mga advocate. Tao rin sila, napapagod, nagpapahinga, tumatawa, nagkakamali, may damdamin, nabu-burn out, nagpapatuloy. Mahalaga na maramdaman ang suporta, hindi lang kapag may nagagawa. It means a lot kung maganda rin ang personal na relasyon sa kanila. Maglaan ng oras para makinig, magpakita ng tunay na interes sa pakiramdam at buhay ng mga advocate. Hayaan rin silang umunlad. At magbigay ng kaya. Huwag iyung parang malaking puno na ‘di yumayabong ang iba sa ilalim o sa paligid nito.

Siyempre, kailangan masaya at kumbinsido ka sa ginagawa mo. Wala kang mamumulat kundi man napakahirap magmulat kung puno ka ng lungkot, reklamo sa mga kasama mo o sa organisasyon mo. Sino bang gustong sumama sa tao o organisasyon na puno ng pighati?

At iyong natutunan ko, na huwag aawayin ang pamilya, kasi at the end of the day, kung magkasakit o ano pa man, sa pamilya pa rin tatakbo.

Pinakamahalaga siguro, iyong nakaapak ka sa lupa. Kapag kausap mo ang mga manggagawa o masa, mas nakikita mo ang kabuluhan ng ginagawa mo. Dala mo ang ganitong values kahit saan makarating o saan mapunta.

Mas mahirap ang kanilang kalagayan lalo na sa harap ng sumisirit na presyo, tapos mababa ang kalidad ng trabaho na kung hindi mababa ang pasahod ay walang seguridad. Malawak ang kontraktuwalisasyon at mabilis ang pagdausdos ng bilang ng organisado o unyonisadong manggagawa. Hindi rin tumitigil ang panggigipit sa mga unyonista, organisador at iba pang labor rights advocate. Nag-iiwan ito ng takot na mag-organisa kahit pa nga pinagsasamantalahan sila.

Kadalasan, ang nababanggit ng manggagawa, “Ang dami palang violations, pero hindi naman ipinapatupad ag mga karapatan. Kapag lumalabag sa batas ang manggagawa, hahabulin agad ng batas. Pero kapag kompanya, parang wala namang nangyayari. Kapag nagsumbong ka sa [Department of Labor and Employment], malalaman agad ng kompanya at tinatanggal agad ang manggagawa. O ‘di kaya, sinasabi sa amin na bawal ang ganyan, ganito. Legal pala iyun.”

Iyong iba, nagugulat. Nagtatanong rin kung ano ang puwede nilang magawa. Ito iyong pinakamahirap. Liban sa pagsasama-sama ng mga manggagawa at pagpapaunlad ng kanilang kamulatan at kakayahan at ipaliwanag na sistema ang problema. Mahirap sumagot.

Iyong makita na empowered ang mga manggagawa lalo na iyong nakasama sa pag-aaral o pagkilos, kakaibang saya at inspirasyon ang hatid. Maaaring maliit, pero ‘ika nga, you made a difference, hindi lang iyong buhay ka para sa sarili mo kundi para sa lipunan, sa bayan.

Hindi materially o economically rewarding ang gawaing human rights lalo na ang pagiging labor rights advocate dito sa Pilipinas, puno pa ng panganib at pighati, pero marami kang natutunan para maging mabuting tao. Marami ring tukso at kung kilala ka lalo na sa ibang bansa, marami ring kaakibat na posibilidad kaya mahalaga ang katatagan ng indibidwal at ng organisasyong kinabibilangan.

Si Crispin “Ka Bel” Beltran ang isa sa respetado kong lider-manggagawa. Saksi rin ako kung paano siya inirerespeto kahit ng katunggali sa paniniwala at maging sa uri. Hindi siya namimilli ng tao at mapagkalinga rin.

Iyong pagiging creative o malikhain nila. Kahit kaiba pa ang paniniwala, may mapupulot ka rin, hindi kinakailangang sumang-ayon sa kanila pero makita lang ang posibilidad o kung walang posibilidad sa Pilipinas ang mga pamamaraan o taktika nila—paano sila nagpaparami, nagpapakilos, nagmumulat. Iyong suriin at unawain ang kanilang pagkilos batay sa kalagayan at kakayahan, kamulatan nila na maaaring kaiba sa Pilipinas.

Ang mapabilang sa kilusang paggawa sa Pilipinas ay komitment at dedikasyon, at hindi isang trabaho o empleyo lamang o naaayon sa kontrata.

Hindi sagot ang Industry 4.0 sa kahirapan. Hindi rin ito sagot sa disempleyo. Pahirap nang pahirap ang paggiit sa labor rights lalo na ang pag-oorganisa ng unyon lalo pa ang unyonismo sa bawat empresa (enterprise-based unionism) samantalang papalakas ang indibidwalismo, kahit sa bahagi ng human rights.

Advocate ako ng industry-based unionism. Kaya nga kailangan maging mapanlikha at mapangahas. Pinapalabnaw din ng Industry 4.0 ang konsepto ng uri, ng collective rights at pinapalakas ang indibidwal rights at inuunawa ang mga bagay sa daigdig sa ngalan ng access sa teknolohiya, gamit sa makabagong produksiyon at paano ito ginagamit. Wala nang masyadong diskusyon kung sino ang may kontrol ng teknolohiya at paano nito kinokontrol ang mga bansa, values at isip ng mga tao. Pero siyempre, kailangang pag-usapan ito, matalakay, paano ito nauunawaan lalo na ng mga organisador, at mailagay sa wastong konteksto. Mahirap gawin pero kailangan.

Ibig sabihin lang naman, mag-oorganisa along industries. Halimbawa, lahat ng electronics workers ay magsama-sama sa isang unyon at makikipag-usap sila sa samahan o organisasyon ng mga kapitalista o kompanya sa electronics. May solidarity sa hanay ng manggagawa, wika nga. Iisa lang ang istandard ng mga electronics workers at hindi isolated ang collective bargaining agreement o welga sa isang kompanya. Maiiwasan ang kompetisyon sa pagitan ng mga electronic workers, ganoon din ang run-away shop sa mga lugar na mas mababa ang sahod, hindi organisado ang manggagawa at iba pa. Hindi ito nangangahulugan na hindi ka na mag-oorganisa o magmumulat sa mga manggagawa sa loob ng isang empresa, mag-oorganisa ka pa rin. Posibleng may ibang unyon sa isang paggawaan. Dito papasok ang alyansa sa ibang labor federations.

Mahirap itong gawin kaysa sabihin. Sabagay, wala namang madali, pero puwede nang simulan. Legally, kailangang palitan ang Batas Paggawa na hinulma pa sa panahon ng Batas Militar, ang Presidential Decree 442. Mahaba itong labanan. Kaya nga binago ni Maros Sr. ang ganitong sistema para mahati-hati ang mga manggagawa at mapahina ng kilusang unyon. Ang ibang bansa ay unti-unting winawasak ang industry-wide organizing at tumutungo sa enterprise-based unionism para palalimin ang pagkakahati-hati ng mga manggagawa at mga unyon, ang iba naman ay individual bargaining. Hindi rin ito naaayon sa pagpapalakas sa kilusang paggawa.

Napakahirap maging isang ina, single parent at full-time labor rights advocate. Walang pahinga, anak ang aasikasuhin kapag wala sa gawain, at napapabayaan naman kung nasa biyahe ka sa loob at labas ng Pilipinas. 

Dito mo mas makikita ang concerns ng women human right defenders o WHRDs. Ang dami ano? Bilang labor rights advocate, mas nagiging kongkreto ang usapin ng kababaihan at ng uri. Mas marami kang naibabahagi para itaas ang kamulatan bilang babae, bilang manggagawa at kababaihang manggagawa sa loob ng isang sistema na mapagsamantala at ang pangangailangan na baguhin ito.

Lider-manggagawa – Sa huling kasaysayan, si Ka Bel.
Grupong pangkultura para sa mga manggagawa – Tambisan sa Sining, lalo na noon.
Kanta tungkol sa mga manggagawa – “Manggagawa.”
Piketlayn – Lahat ng piketlayn na ginagawang paaralan, lugar-pulungan o lugar ng iba pang aktibidad ng mga manggagawa
Pandaigdigang pormasyon ng mga manggagawa – Ano nga ba? Iisa na lang ang Trade Union Center sa international?

Cool ang mag-alay ng konting panahon at talento sa manggagawa. Mahusay na pandayan ang kilusang paggawa bilang tao, bilang indibidwal at bilang bahagi ng komunidad o lipunan. Make a difference, ‘ika nga.