Suring Balita

Blackout sa Panay, sino’ng dapat managot?


Umabot nang apat na araw ang blackout sa Panay, Guimaras at ilang bahagi ng Negros Occidental. Nakapagtala rin ng ilang bilyong pisong pagkalugi sa ekonomiya ayon sa mga lokal na pamahalaan.

Binalot ng dilim ang mga isla ng Panay at Guimaras at ilang bahagi ng Negros Occidental noong Ene. 2 hanggang 5 matapos sunod-sunod na nag-shutdown ang lahat ng power plant sa Panay. Umabot sa 600 megawatts (MW) ang nawalang kuryente.

Unang pumalya bandang alas-12 ng tanghali ang Panay Energy Development Corporation (PEDC) Unit 1 (83MW) dahil sa internal na problema at sumunod ang PEDC Unit 2 (83MW) at Palm Concepcion Power Corporation-PCPC (135MW) matapos ang dalawang oras.

Ngunit Disyembre 2023 pa lang ay una nang nag-shutdown ang PEDC Unit 3 (150MW) dahil sa “annual preventive maintenance” nito. Halos 70% (451MW) ng buong supply (656MW) ng Panay ang nawala kaya nagsipag-shutdown na rin ang natitirang mga power plant dahil sa mababang boltahe ng kuryente.

Umabot nang apat na araw ang blackout at nakapagtala ng bilyong pagkalugi sa ekonomiya ayon sa mga lokal na pamahalaan. Pinakamalaking pagkalugi sa ekonomiya ang naitalang P3.7 bilyon sa lalawigan ng Iloilo, P500 milyon kada araw o P2 bilyon sa Iloilo City, at P552 milyon sa lalawigan ng Capiz.

Nagpahayag ng kanyang saloobin si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa imbestigasyon ng Senate Committee on Energy noong Ene. 10 sa apat na araw na blackout. Dismayado ang alkalde sa nangyaring blackout dahil malaki ang nawalang kita ng lungsod. Jerry Treñas/Facebook

Ani Iloilo City Mayor Jerry P. Treñas, dapat managot ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa blackout. Hanggang hindi nila babawasan ang kanilang dibidendo at pondohan ang pagpapalakas ng mga transmission lines, mangyayari ulit ang ganitong sakuna.

Ang malaking tinamaan ng blackout ay mga ordinaryong mamamayan, mga sidewalk vendor at tindera sa palengke, manggagawa, estudyante at maliliit na negosyante na umaasa sa kuryente para sa kanilang panindang produkto at serbisyo.

Mabilis na itinuro ng mga distribution utilities, ilang kongresista, Department of Energy (DOE) at mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang NGCP dahil hindi umano nito ginampanan ang kanilang tungkulin para gumawa ng hakbang na mapigilan ang blackout. Anila, may dalawang oras ito para tugunan problema at hindi umabot sa blackout.

Ayon sa NGCP, sumunod lamang ito sa mga panununtunan (protocol) at hindi nito pwedeng labagin gaya ng manual load drop o pagputol ng koneksiyon ng mga kabahayan dahil walang abnormalidad sa system voltage mula sa pagshutdown ng PEDC Unit 1 hanggang sa PCPC.

Ginisa ng Senate Committee on Energy nitong Ene. 10 ang mga ahensiya ng pamahalaan kagaya ng DOE at kompanya sa enerhiya, partikular ang NGCP, sa nangyaring blackout sa Panay. Senate of the Philippines/Facebook

Kung tatanungin ang NGCP, tinuturo naman nito ang mga distribution utilities dahil sa kanilang “unscheduled maintenance shutdowns.”

Ayon sa datos ng gobyerno, nakakayang gumawa ang lahat na 13 planta sa Panay at Guimaras ng 656MW na kuryente kada araw. Ang nagagamit lang nito ay nasa 300-400MW. 

Ang tanong ngayon ng marami, bakit kailangan mag-shutdown ng mga planta kung walang abnormalidad sa sistema? Saan nga ba napupunta ang sobra-sobrang kuryente kung hindi magamit? Bakit walang kuryente kung mag-shutdown ang mga planta kung sobra-sobra naman ang nagagawa ng mga ito?

Hindi hawak ng taumbayan o ng gobyerno ang sektor ng enerhiya sa bansa. Simula nang ipasa ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sinimulang ipribatisa o ibenta ang mga ari-arian ng National Power Corporation, na noo’y nasa kontrol at pagmamay-ari ng gobyerno.

Ipinasa na sa pribado ang produksiyon, transmisyon at distribusyon ng kuryente. Sa ngayon, pribado na ang nagmamay-ari sa bawat proseso ng pagdadala ng kuryente sa mga komunidad, kabahayan, at mga lugar-pagawaan. Pinakamalaking distribution utility sa ngayon ang Manila Electric Company (Meralco) ng pagmamay-ari ni Manny V. Pangilinan.

Simula ng ipatupad ang EPIRA, unti-unti ring nagmahal ang presyo ng kuryente sa bansa.

Sa Iloilo City, pinalitan ng More Electric and Power Corporation (More Power), na pagmamay-ari ni Enrique Razon, ang Panay Electric Company matapos ang higit 95 taon. Sa ngayon, unti-unti ng sinasakop at planong kontrolin ng More Power ang distribusyon ng kuryente sa ilang mga bayan sa lalawigan ng Iloilo mula sa Iloilo Electric Cooperative (Ileco).

Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-blackout sa Panay. Noong Abril 2023, umaabot sa 12 oras ang blackout sa mga isla ng Panay, Guimaras at Negros dahil ‘di umano sa “system disturbance” na nakaapekto sa Visayas grid. Agad na nagpasa ng mga resolusyon ang mga kinatawan mula Visayas at ng Makabayan bloc para imbestigahan ang naturang blackout.

Matapos gisahin sa Senado, sunod na inulan ng katanungan ng House Committee on Energy ang NGCP nitong Ene. 11. Isa ang tubong Iloilong si Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa mga nagbato ng katanungan sa kompanyang dapat nagtitiyak na may sapat na suplay ng kuryente. House of Representatives/Facebook

Ang unang hearing ay ginanap noong Ago. 15, 2023 at muling binuksan at ipinagpatuloy noong Ene. 11, 2024 kasunod ng apat na araw na blackout sa mga naturang mga isla.

Sa nangyaring na pagdinig sa Kamara nitong Ene. 11, lumabas ang ilang mga solusyon gaya ng pagtapos ng NGCP sa Cebu-Negros-Panay 230 kilovolts Backbone Project, pagdadagdag ng mga power plant sa Panay, at paggamit ng Maharlika Investment Fund para pondohan ang NGCP ayon naman kay House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa DOE, maaaring bumalik anumang oras ang blackout o rotational brownouts sa Panay kung hindi agad matatapos ang Cebu-Negros-Panay backbone project. Para naman sa More Power, magdidilim pa rin sa Panay kung hindi matatapos ang bagong 3×100 megavolt amperes substation ng NGCP sa Iloilo na sana’y natapos na noong nakaraang taon.

Nitong Ene. 18, nag-abiso ang NGCP sa posibleng rotational brownout matapos nag-manual load drop na wala sa iskedyul ang PEDC Unit 3 noong Ene. 17. Para sa NGCP, hanggang hindi nareresolba ang problema sa mga malalaking planta, nariyan ang posibilidad ng blackout.

Hindi nakikita ng mamamayan ng Panay, Guimaras at Negros ang solusyon sa alinmang suhestyon mula sa imbestigasyon ng Kamara.

Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Panay, simula’t sapul, hindi nakikita ng mga kongresista ang ugat ng problema dulot ng deregulasyon at pribatisasyon sa sektor ng enerhiya.

Dapat anilang ibasura ang EPIRA at ibalik sa gobyerno ang kontrol at pagmamay-ari ng produksyon, transmisyon at distribusyon ng kuryente sa bansa. 

Sa Panay, sobra-sobra na ang naggagawang kuryente ng mga planta at kung dadagdagan pa ay mas lalong lolobo ang produksiyon ng isla. Sa ngayon, may mga dadagdag pa mula sa Jalaur mega dam na nababalutan rin ng kontrobersiya dala ng pagmasaker sa mga katutubong Tumandok noong Disyembre 2020.

Ang dapat tugunan sa ngayon ang masusi, malaliman at independyenteng imbestigasyon para malaman ang totoong ugat at kung may kinalaman ba ang negosyo at kita kung bakit pabalik-balik ang nararanasang pagkawala ng kuryente kahit sobra ang naggagawa ng mga planta.

Para sa Bayan Panay, dapat may managot at dapat ay mabigyan na kaukulang kumpensasyon ang mga naapektuhan ng blackout.