Kasunduan sa COP28, may kahihinatnan ba?


Kasama ang paggamit ng fossil fuels sa krisis na kinakaharap ng mga bansa dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya at malaki ang ambag sa greenhouse gas emission na nagpapataas sa temperatura ng mundo.

Patuloy na sinusuri ng iba’t ibang bansa ang mga tinalakay sa ika-28 Conference of Parties (COP28) sa Dubai, United Arab Emirates (UAE) noong Disyembre. Kabilang dito ang panukalang phase out sa fossil fuels. Napuno ito ng samu’t saring diskusyon sapagkat kasama rin sa COP28 ang mga may-ari ng mga malalaking kompanya ng langis.

Ito ang kauna-unahang kasunduan na i-phase out ang fossil fuels, katulad ng coal, petrolyo at natural gas, matapos ang 28 na taon. Marami pa ring hindi kumbinsido na matutupad ang panukalang ito. Hindi rin malinaw ang mga suhestiyon para sa fossil fuel phase out.

Ayon sa Alliance of Small Island States (AOSIS), nakita nila ang mga “litanya ng mga butas” o mali sa COP28. Dagdag nila, ang napagkasunduan ng kumperensiya ay hindi tuwirang tumutukoy sa fossil fuel phase out at mitigation.

Kasama ang paggamit ng fossil fuels sa krisis na kinakaharap ng mga bansa dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng enerhiya at malaki ang ambag sa greenhouse gas emission na nagpapataas sa temperatura ng mundo.

Kabilang sa mga greenhouse gas ang carbon dioxide, methane, ozone, nitrous oxide, chlorofluorocarbons at water vapor. Kadalasang nagmumula ang mga ito sa mga planta ng enerhiya, mga pabrika, mga sasakyan at iba pang gumagamit ng fossil fuels. Kapag may mataas ang konsentrasyon ng mga gas na ito sa atmospera ng daigdig, ikinukulong nito ang init mula sa araw na nagdudulot ng pagtaas ng temperatura. 

Resulta naman ng pagtaas naman ng temperatura ang nagbabagong klima na nagpapalakas sa mga bagyo at nagpapalala sa mga tagtuyot. Ang mas mainit na temperatura ng daigdig ang sanhi ng mas mabilis na pagkatunaw ng yelo sa North at South Pole na nagpapataas sa antas ng tubig sa karagatan.

Ayon sa ulat ng United Nations (UN) Climate Change, kailangang bawasan ng 43% ang greenhouse gas emissions bago sumapit ang 2030. Pati na rin ang pagpapanatili sa global temperature limit na 1.5 degrees Celsius.

Sultan Ahmed Al Jaber, pangulo COP28 at may-ari ng kompanya ng langis sa UAE. Christopher Pike/UNFCCC

May kaugnayan ang phase out ng fossil fuels sa unang Global Stocktake o ulat ng mga bansa sa mga narating na target sa national determined contributions sa greenhouse gas emission sa ilalim ng Paris Agreement.

Sa kabilang banda, kita ang mga posibilidad na hindi matutupad ang pagwawakas ng paggamit sa fossil fuels, lalo na’t isang oil executive ang COP28 president na si Sultan Ahmed Al Jaber ng UAE. Kahit pa pinuri niya ang kauna-unahang pagsama ng fossil fuel phase out sa UN Climate Change agreement, hindi pa rin sigurado ang mga bansa dito.

Ayon kay Celestine AkpoBari ng International Indigenous Peoples Movement for Self Determination and Liberation, “Lahat ng tungkol sa produksiyon ng langis ay pagkamatay ng kapaligiran—kamatayan ng buhay, pagkamatay ng tubig, pagkamatay ng hangin. Walang maganda doon.”

Maraming mga kapitalista at may-ari ng mga industriyang malaki ang ambag sa greenhouse gas emissions ang kasama sa kumperensiya. Kung kaya hindi nakapagtatakang mangyari ang walang tigil na produksiyon at paggamit ng karbon, langis at gas para sa enerhiya. Hawak ng mga pangunahing sanhi ng pagbabago ng klima ang ganitong uri ng pagpupulong.

“Dapat nating itaas ang kanilang kamalayan na ang ugat ng krisis sa klima ay ang patuloy na dominasyon ng pandaigdigang monopolyong kapital”, sabi ni Enteng Bautista ng International League of People’s Struggle Environment Commission at Kalikasan People’s Network of the Environment.

Kinilatis din sa kumperensiya ang naunang kasunduan sa Loss and Damage Fund noong COP27. Ngayong COP28 naman, inaasahan ang kawalan ng karagdagang pinansyal na ayuda para sa pag-iwas sa paggamit sa fossil fuels at paghahanda para sa mga epekto ng pagbabago ng klima.

Giit ni Bautista, “Tiyak na gagawin ng COP28 magreresulta sa mga token agreement, profit-making schemes at proposals na lalong nagbigay-daan sa pandarambong sa ating mga yaman at sa pagkasira ng ating sistemang ekolohikal sa pamamagitan ng mga maling solusyon sa klima.”

Maaaring hindi ito malayo sa naging kalagayan sa loss and damage fund noong COP27.

Ayon sa pananaliksik ng United Nations Environment Programme, kulang ang pananalapi para sa adaptasyon kahit napagkasunduan ng mga bansa na bigyan ng mga pondo ang mga bulnerableng bansa upang makaagapay sa mga pinsalang dulot ng pagtaas ng antas ng tubig sa karagatan, mas matinding tagtuyot at mas malalakas na bagyo.

Samantala, nanawagan naman ang Catholic Relief Services na gawing batayan sa pagpapatakbo at pamamahala sa Lost and Damage Fund ang mga prinsipyo ng pagpapasya sa sarili ng mga bansang makatatanggap ng pondo at pagiging inklusibo at makatao. Hinikayat din nila ang mga mauunlad na bansa na suportahan ang pondo.

Isa pang tinalakay sa kumperensiya ang mga human violation sa mga environmental advocate na hindi binigyan ng aksiyon sa iba’t ibang bansa. Kasama rin ang mga dinanas ng mga magsasaka, katutubo at iba pa. Malaki ang papel nila sa pagsusulong ng pagprotekta sa mga karapatan ng kalikasan at mamamayan.

Iisa ang hinaing ng mga environmental advocate simula pa noon na bigyang pansin ang lahat ng problemang pangkalikasan, pati na rin ang karapatang pantao. Ayon sa Global Witness, isa pa rin ang Pilipinas sa pinakadelikadong bansa para sa mga environmental defender.

Sa Pilipinas, isa na dito ang kaso ng pagdukot noong nakaraang taon kina Jonila Castro at Jhed Tamano na mga environmental advocate laban sa reklamasyon sa Manila Bay. Nariyan din ang pagpaslang sa mga environmental advocate na sina Leonard Co at Gerry Ortega.

Javea Maria Estavillo,17, pinakabatang youth advocate sa COP28. PCO

Ayon kay climate activist and Philippine youth delegate Javea Maria Estavillo, “Hindi ligtas ang bansa para sa mga environmental activists.” Kaya nanawagan siya na protektahan ang mga taong nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.

Binanggit din niya ang pagkakaiba ng economic advancement sa pagtulong sa klima. Ipinaliwanag ni Estavillo na hindi dapat naapektuhan at nasisira ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad ng ekonomiya.

Sa kasalukuyan, pinaghalong 60% ng coal habang 22% ng renewable source tulad ng hydropower, geothermal power, solar energy, wind power at biomass ang ginagamit sa pagkuha ng enerhiya sa bansa.

Malayo pa ang dapat abutin ng Pilipinas para magkaroon ng malinis na pagkukunan ng enerhiya. Ngunit hindi sapat ang ginagawa ng pamahalaan upang tuluyang i-phase out ang paggamit sa coal na nagbubuga ng nakasasamang karbon sa hangin.

Matapos ang COP28, nagkaroon muli ng espasyo ang usapin sa paggamit ng malinis na enerhiya.

Sa Ene. 26, gugunitain ang International Day of Clean Energy. Layunin nitong ipaalala ang kahalagahan ng enerhiyang mula sa mga renewable source na hindi nagpaparumi ng atmospera at hindi naglalabas ng anumang emission.

Ngayong taon, nagmungkahi rin ang International Energy Agency (IEA), isang global intergovernmental agency, na dapat makilahok ang Pilipinas at iba pang umuunlad na bansa na i-phase out ang karbon sa 2040. 

Ayon kay IEA executive director Faith Birol, “Ang paglipat sa malinis na enerhiya ay nagaganap sa buong mundo at hindi ito mapipigilan.”