Nakaambang pribatisasyon sa PUP, tinutulan


Ayon kay Polytechnic University of the Philippines Student Regent Kim Modelo, nangangamba sila sa probisyong magpapaigting ng pribatisasyon ng mga serbisyo publiko sa loob ng unibersidad.

Marahas na tinulak at hinambalos ng Quezon City Police District ang mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na nagprotesta sa labas ng Batasang Pambansa nitong Peb. 12.

Sa video ng The Catalyst, opisyal na publikasyong pangmag-aaral ng pamantasan, patuloy ang pamamalo ng mga pulis gamit ang kanilang riot shield at yantok sa kabila ng pagmamakaawa ng mga estudyante na itigil ang pandarahas. 

Nagrali ang mga iskolar ng bayan para tutulan ang ilang probisyon ng National Polytechnic University (NPU) Bill na nagtutulak ng pribatisasyon sa loob ng pamantasan.

Isinalang ang NPU Bill sa Committee on Higher and Technical Education ng Kamara sa nasabing araw. Itinutulak ito nina Rep. Edwin Olivarez, Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Rep. Erwin Tulfo sa pamamagitan ng mga House Bill 8829, 8860, at 9060. Layunin nitong amiyendahan ang Presidential Decree No. 1341 o ang PUP Charter.

Ayon kay Student Regent Kim Modelo, bagaman ipinapangako ng panukala ang paglalaan ng mas mataas na pondo para PUP, nananatili pa rin ang kanilang pangamba hinggil sa probisyong magpapaigting ng pribatisasyon ng mga serbisyo publiko sa loob ng unibersidad.

Bago pa man ang pagdinig, nilinaw na ng mga estudyante na hindi sila tutol sa mismong NPU Bill na naghahangad ng fiscal at institutional autonomy. Maaari kasing magbigay-daan ito para sa mas malaking pondo at mas mataas na sahod sa mga guro, kawani at manggagawa ng PUP. Tutol sila umano sa pagsasapribado ng mga serbisyo at iba pang pasilidad sa pamantasan.

Matapos matagumpay na makapasok sa pagdinig ng komite, giniit ni Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan PUP chairperson Ronjay Mendiola na dapat tanggalin ang mga nakasaad sa paragraph (q) at (w) sa Section 7 na nagpapahintulot sa Board of Regents na pumasok sa “joint ventures with businesses and industry for the profitable development” at isapribado ang “non-academic services such as health, food, building or grounds, or property maintenance and similar.”

“Ang gusto lang po namin [ay] huwag mapaghiwalay na hindi porke non-academic services siya ay wala ng effect sa mga estudyante,” sabi ni Mendiola.

Katuwiran pa niya, dumoble na ang binabayarang renta ng mga manininda sa Lagoon na nagsisilbing cafeteria ng PUP main campus. Mula umano sa P10,000 hanggang P15,000 kada buwan, umabot na ito ng P30,000 hanggang P40,000. Maaari pang tumaas kung sakaling manatili ang nabanggit na mga probisyon.

Sabi naman ni Rep. Mark Go, tagapangulo ng komite, wala raw mali sa mga probisyong nilahad ng mga estudyante. Hinalintulad pa niya ang nangyari sa University of the Philippines Diliman kung saan napalitang umalis at nawalan ng kabuhayan ang mga manininda dahil sa mahal na renta ng puwesto at pagdami ng malalaking negosyanteng pumasok sa pamantasan.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, dapat hindi nakaasa sa pribatisasyon ang gobyerno para lang maisalba ang pampublikong edukasyon.

“We should prioritize ‘yong sa education and dapat tanggalin ‘yong mga unnecessary [na napupuntahan] ng ating taxes,” aniya.

Base sa General Appropriations Act of 2024, P3.08 billion lang ang nakalaan para sa PUP, malayo sa hiniling na P6 bilyon.

Natapos ang pagdinig sa pagbubuo ng technical working group para konsolidahin at pag-usapan pa lalo ang NPU Bill.

Samantala, nagkasa ng diyalogo ang iba’t ibang sektor sa PUP nitong Peb. 17 para talakayin ang NPU Bill at ang panawagang pagtaas ng badyet para sa kapakinabangan ng buong komunidad. Nagkakaisa umano ang lahat ng sektor sa pagtutol sa nakaambang pribatisasyon sa pamantasan.