Pagsasara ng CNN Philippines, may epekto sa demokrasya
“Hindi naman ‘yan isang simpleng kompanya lang. Mayroon siyang pinaglilingkurang audience,” sabi ni National Union of Journalists of the Philippines secretary general Ronalyn Olea.
Tuluyan nang itinigil ng CNN Philippines ang kanilang operasyon matapos unang ianunsiyo ang kanilang pagsasara nitong Enero. Bunsod ito ng napabalitang pagkalugi ng higit sa P5 bilyon ng Nine Media Corporation, ang kompanyang nagpapatakbo dito.
Apektado ng pagsasara ang nasa 300 na empleyado ng kompanya. Nanawagan naman ang mga grupo tulad ng Federation of Free Workers at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa kompanya na dapat respetuhin ang karapatan ng mga manggagawa nito hanggang sa dulo.
Samantala, nakidalamhati ang maraming tagasubaybay ng news channel at mga kapwa mamamahayag sa pagkawala muli ng isang estasyon, wala pang apat na taon mula nang hindi bigyan ng bagong prangkisa ng ABS-CBN.
“Hindi naman ‘yan isang simpleng kompanya lang. Mayroon siyang pinaglilingkurang audience,” sabi ni NUJP secretary general Ronalyn Olea sa panayam ng ABS-CBN News Channel.
Ayon kay Olea, magkakaroon ng epekto sa ating demokrasya ang pagkawala ng CNN Philippines. Hindi maganda para sa isang demokrasya kapag nababawasan ang mapagkukunan ng impormasyon, lalo na sa brodkasting, kaya “malaking dagok ito para sa lahat.”
Kabilang ang CNN Philippines sa iilang free TV channel sa bansa. Mula noong una itong umere Marso 2015, kinilala ng marami ang kalidad ng mga programa nito. Umani ang estasyon at mga reporter nito ng mga parangal mula sa Gawad Pilipino Awards, Asian Television Awards at marami pang iba.
Noong 2022, pinuri ng Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ang programa na “Sectors in the Sidelines” kung saan tampok ang saloobin at alalahanin sa eleksiyon ng iba’t ibang sektor tulad ng mga overseas Filipino worker at ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer community.
Nitong nakaraang taon, muling pinuri ng CMFR ang pagbabalita ng CNN Philippines nang gawan ng special report ni Gerg Cahiles ang krisis sa tubig at kalinisan sa Pola, Oriental Mindoro. Sa report, lumabas na dekada nang iniinda ng mga residente ng Pola ang kakulangan at kamahalan ng mapagkukunan ng malinis na tubig.
Ayon sa CMFR, kailangan ng ganitong pagbabalita dahil tungkulin ng midya na isiwalat ang anumang katiwalian at singilin ang gobyerno sa mga pagkukulang nito.
Puno naman ng panghihinayang ang marami nang makitang wala na ang website at social media accounts ng channel sa Facebook, X (dating Twitter), Instagram at Youtube.
“Isang dekada ng pagbabalita, naglaho na. Para bang hindi nagkaroon ng CNN Philippines,” post ni Cahiles sa X.
Sa parehong plataporma, sinabi ni ni Lara Tan, dating executive producer ng CNN Philippines at empleyado nito ng siyam na taon na “nabawasan tayo ng isang maghahayag nang malaya, magmamatyag nang masinsinan, at kukuwestiyon nang walang takot.”