Pagtaas ng matrikula sa La Salle, tinutulan
Sa sarbey ng DLSU University Student Government, nasa 98% ng mga mag-aaral ang tutol sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa pamantasan.
Binatikos ng mga estudyante ng De La Salle University (DLSU) sa Maynila at Laguna ang balak ng administrasyon ng pamantasan na 9.21% na pagtaas ng matrikula sa susunod na akademikong taon.
Nagkakaisa ang mga mag-aaral sa panawagang “Tuition freeze, don’t increase!” sa protesta sa loob ng kampus sa Malate, Maynila na kasabay ng pulong Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fee noong Ene. 31.
Nagkaroon din ng unity walk ang mga mag-aaral sa kampus ng DLSU sa Biñan City, Laguna sa parehong araw.
Sa sarbey ng DLSU University Student Government, nasa 98% ng mga mag-aaral ang tutol sa pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa pamantasan.
Mahigit 50% din ng mga mag-aaral ang nahihirapan sa pagbabayad ng matrikula at nanganganib na matigil sa pag-aaral. Nasa 65% naman ang maaaring lumipat sa ibang pamantasan dahil sa mataas na matrikula.
Ayon sa Anakbayan Vito Cruz, “susuhay lamang sa interes ng mga kapitalistang edukador at magdadagdag lamang sa pasan na pahirap ng mga kabataan at ng kanilang mga pamilya sa kalagitnaan ng malawakang krisis pang-ekonomiya” ang nakaambang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin.