Pamalakaya, P1nas, iginiit ang karapatan sa WPS
Nanindigan din ang mga grupo na responsable si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lumalalang tensiyon sa WPS dahil sa kanyang kawalan ng paggigiit ng soberanya ng Pilipinas sa karagatang sakop ng exclusive economic zone.
Tinuligsa ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang China sa isang kilos-protesta sa Chinese Consulate sa Makati City noong Peb. 6 dahil sa patuloy na agresyon ng mga barkong Tsino sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
“Dapat panagutin ang China sa insidente kamakailan sa Panatag Shoal kung saan pinigilan ng mga puwersang Tsino ang mga Pilipinong mangingisda at ipinatapon sa dagat ang kanilang huli,” ani Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.
Sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang Panatag Shoal nito sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea at batay sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong 2016. Ngunit hindi kinikilala ng China ang desisyong ito ng pandaigdigang hukuman.
Giit pa ni Hicap, “Walang sinumang bansa ang may karapatang pigilian ang mga Pilipino na mangisda sa ating tradisyonal na katubigang pangisdaan.”
Kasama rin ng Pamalakaya ang Pilipinong Nagkakaisa para sa Soberanya (P1nas) sa kilos-protesta sa Makati City.
Nanindigan din ang mga grupo na responsable si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lumalalang tensiyon sa WPS dahil sa kanyang kawalan ng paggigiit ng soberanya ng Pilipinas sa karagatang sakop ng EEZ.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang anim na obispo ng Simbahang Katoliko sa mga mangingisdang Pilipino.
“Tumitindig ang Simbahan kasama [ng mga mangingisdang Pilipino], at bilang mga pastol mula sa iba’t ibang hurisdiksiyong eklesyastikal kasama ang mga mangingisda na nasa aming pastoral na pangangalaga, naninindigan kami kasama nila at binibigyang boses namin ang kanilang mga takot at pangamba, ang kanilang mga paghihirap at pagkabahala,” saad ng joint pastoral exhortation ng mga obispo sa Ingles.
Nilagdaan ang pahayag nina Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan sa Pangasinan; Bishop Bartolome Santos Jr. ng Iba sa Zambales, Bishop Daniel Presto ng San Fernando de La Union; Apostolic Vicar Socrates Mesiona ng Puerto Princesa, Palawan; Apostolic Vicar Broderick Pabillo ng Taytay, Palawan; at Auxiliary Bishop Fidelis Layog ng Lingayen-Dagupan.