Naratibo

Reklamasyon sa Navotas, panira ng kabuhayan at kalikasan


“Mga bandang 2025 daw paaalisin na kami rito para raw d’yan,” saad ni Gina habang itinuturo ang lugar kung saan nakatirik ngayon ang mga tambak ng mga bato para sa reklamasyon.

Nangangamba sa malaking konstruksiyon ng Navotas Coastal Bay Reclamation Project si Gina Lacaba, isang trabahador sa tahungan sa Market 3, Navotas Fish Port.

May usap-usapan kasi sa kanilang komunidad na paaalisin na sila sa lugar para maisaayos ang konstruksiyon ng tulay na anila ay magkokonekta sa Cavite at Bulacan. 

“Mga bandang 2025 daw paaalisin na kami rito para raw d’yan,” saad ni Gina habang itinuturo ang lugar kung saan nakatirik ngayon ang mga tambak ng mga bato para sa reklamasyon.

Kasama ang tatlong pamangkin sa trabaho, masugid nilang nililinis ang mga tahong na nahuli ng mga kalalakihang pumapalaot sa dagat. 

Isa-isang nililinis ni Gina, 44, ang mga tahong na nahuli ng kanyang mga kasamang kalalakihan na lumalayag sa dagat sa tabi ng Market 3, Navotas Fish Port. Axell Swen Lumiguen/Pinoy Weekly

Habang kausap si Gina, saktong lumapit sa amin sina Joshua at Froilan, mga kalalakihang sumasampa sa bangka upang manghuli ng tahong sa tabing-dagat. 

Ayon sa kanila, malaki ang nabawas sa kanilang mga huli at kita simula nang lumitaw ang reklamasyon sa kanilang tahungan.

Ang dating kitang P600-P700 sa isang maghapong panghuhuli, P300-P400 na lang ang naiuuwi ngayon, at suwertehan na raw ang makakubra ng P500.

Ang dati namang 250 na banyera (o higit-kumulang 100 sako) ng tahong kada araw na huli, naging matumal at buwenas na maituturing kung aabot sa 150-180 banyera ang kanilang huli (60-75 sako).

Ang masalimuot pang bahagi nito para sa kanila ay ang matagal at malalim na koneksiyon ng mga tao sa lugar at kabuhayan nila sa Navotas.

Si Gina ay nagtatahong na simula 2005 kaagapay ang asawa nito, habang si Joshua ay namana na ang hanapbuhay mula sa kanyang ama matapos nilang manirahan sa tahungan noong 2001.

Sa kabila ng pagnanais na marinig ang kanilang boses ukol rito, nauubusan na ng pag-asa sina Joshua at Froilan upang ipaglaban ang kanilang kabuhayan dahil sa agwat ng kapangyarihan ng dalawang uri. 

“Wala na po kaming inaasahan dyan. Malalaking tao ‘yong nand’yan [kaya] wala na po kaming magagawa,” ani Joshua.

‘Tiis-tiis na lang, ganoon. [Kung] mapaalis man, hanap na lang ng ibang trabaho, pag-construction, o kung anuman,” sabi naman ni Froilan. 

Kasalukuyang itsura ng reklamasyon sa tahungan sa Market 3, Navotas. Ayon kina Froilan, ito ang sumisira at mas nagpapababa sa nahuhuli nilang tahong. Axell Swen Lumiguen/Pinoy Weekly

Isa lamang ang reklamasyon sa Navotas City sa 22 reclamation project sa Manila Bay na patuloy na tinututulan ng mga makakalikasang grupo, partikular na ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).

Limang taon mula nang buksan ang rehabilitasyon sa Manila Bay noong 2019, pinangunahan ng Pamalakaya ang isang protesta sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) nitong Ene. 19 upang ipabasura ang pahirap na programa.

Anila, isang palpak na hakbangin ng DENR ang rehabilitasyon sa Manila Bay gayong patuloy nilang binibigyan ng pahintulot ang 22 reclamation project sa lugar na patuloy na sumisira sa natural na yaman nito, maging sa kabuhayan ng mga komunidad na nakaasa rito.

Ayon pa sa Pamalakaya, halos 80% ang nawala sa arawang kita ng mga maliliit na mangingisda sa bansa dahil sa mga proyektong ito.

Noong Agosto ng nakaraang taon, inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsuspinde sa mga aktibidad sa mga reclamation project.

Ngunit ilang linggo lang matapos ang anunsiyo, nagpatuloy na ulit ang dump-and-fill ng mga bato sa Navotas, at maging sa ibang mga reclamation project sa palibot ng Manila Bay.

Patuloy pa rin ang mga proyektong reklamasyon sa kabila ng mga panawagan ng mga maliliit na mamamalakaya at mga siyentipikong pag-aaral sa epekto ng reklamasyon at huwad na rehabilitasyon sa Manila Bay area.

Sa Navotas kung saan naninirahan at kumukuha ng ikinabubuhay sina Gina, Joshua at Froilan, hindi tiyak ang sasapitin ng mga tulad nilang nakaasa sa dagat sa malapit na hinaharap.