Jhed at Jonila, protektahan–makakalikasang grupo


Hinimok ng mga lokal at internasyonal na grupo ang Korte Suprema na aprubahan na ang petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data na hiniling ng mga dinukot na aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano.

Hinimok ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) at iba pang lokal at internasyonal na grupo ang Korte Suprema na aprubahan na ang petisyon para sa mga writ of amparo at habeas data na hiniling ng mga dinukot na aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano noong Setyembre ng nakaraang taon.

Ang mga writ of amparo at habeas data ay mga remedyong legal na maaaring hingin sa korte upang protektahan ang petisyoner laban sa mga banta sa buhay, kalayaan, seguridad at pribasiya.

Isinumite ng nasa 47 na lokal at internasyonal na grupong makakalikasan at pangkarapatang pantao ang kanilang mga liham sa Korte Suprema noong Peb. 6 upang hilingin ang agarang pagbibigay proteksiyon sa dalawang volunteer ng AKAP KA Manila Bay, isang grupong naglalayong protektahan ang likas-yaman ng look at mga komunidad sa paligid nito mula sa mga mapanirang proyektong reklamasyon.

Dinukot sina Castro at Tamano noong Set. 2 sa Orion, Bataan. Inilitaw sila sa isang press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at ni-rescue ng mga civil society organization noong Set. 19 sa Plaridel, Bulacan.

“Mahigit apat na buwan na mula nang ihain nina Jhed at Jonila ang kanilang petisyon sa Kataas-taasang Hukuman, at hindi pa rin tayo nakatatanggap ng kahit anong tugon mula sa korte,” ani Kalikasan PNE national coordinator Jon Bonifacio. Kalikasan PNE/Facebook

“Mahigit apat na buwan na mula nang ihain nina Jhed at Jonila ang kanilang petisyon sa Kataas-taasang Hukuman, at hindi pa rin tayo nakatatanggap ng kahit anong tugon mula sa korte,” ani Kalikasan PNE national coordinator Jon Bonifacio.

Kasama sa mga lumiham sa korte ang mga grupong Global Witness, Both ENDS, Swedish Society for Nature Conservation, Asia Pacific Network for Environmental Defenders, Business and Human Rights Resource Center at International Indigenous Peoples Movement for Self Determination and Liberation.

Sinamapahan naman ng Department of Justice (DOJ) ng kasong grave oral defamation sina Castro at Tamano matapos nilang isiwalat sa press conference ng NTF-Elcac ang ginawang pagdukot sa kanila ng mga elemento ng militar na kinondena ng mga grupo sa isang kilos-protesta sa labas sa DOJ sa Maynila kasabay ng pagsusumite nila ng mga liham sa korte.

“Labis na kabalbalan na sinampahan pa ng mga gawa-gawang kaso sina Jhed at Jonila na ginawa lang ang nararapat upang protektahan ang kanilang kaligtasan matapos ang nakakikilabot na nangyari sa kanila [sa kamay ng militar],” ani Bonifacio.

Naninindigan ang mga grupo na magpapatuloy sila sa pagsuporta sa dalawang tanggol-kalikasan para panagutin ang mga dumukot sa kanila.