Danas na hirap ng mga tagapagtanggol ng kalikasan

,

Ayon sa ulat ng Global Witness, sa 16 environmental defenders na pinatay sa Asya noong 2022, 11 dito ang Pilipino. Sa kabuuan, may 281 na tagapagtanggol ng kalikasan sa Pilipinas ang pinatay mula noong 2012.

Sa tumitinding epekto ng pagbabago ng klima sa Pilipinas, sinasabayan ito ng mga “proyektong pangkaunlaran” na sumisira sa kalikasan at kabuhayan. Sa bawat proyekto, nariyan din ang pagtutol ng mamamayan. Sa bawat pagtutol, nariyan naman ang kamay na bakal ng estado na sumisiil at gumigipit sa makatarungang paglaban.

Kabilang sina Jhed Tamano at Jonila Castro ng AKAP KA Manila Bay sa mga nakaranas ng matinding paghihirap bilang tagapagtanggol ng kalikasan.

Dinukot ng mga sundalo ang dalawa sa Bataan noong Setyembre at hindi pinalaya nang halos dalawang linggo. Naisapubliko lang nila ang kanilang karanasan matapos maglakas-loob ang dalawa sa press conference na inorganisa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).

Sa kabila ng kanilang karanasan sa kamay ng militar, tuloy si Tamano at Castro sa pagtindig laban sa reklamasyon sa Manila Bay.

“Huwad na proyektong pangkaunlaran ‘yong ganitong proyekto kasi imbis na solusyonan niya ‘yong problema ng bansa lalo niya lang itong pinalalala,” ani Castro.

Nabanggit din niya sa press conference sa Quezon City kamakailan na nagdudulot ng paghina sa huli ng isda at kabuhayan ng mga mangingisda ang reklamasyon. Nagdudulot din ito ng banta sa mga komunidad at panirahan ng mamamayan dahil nag-iiba ang daloy ng tubig palabas ng look.

Nakausap rin nina Tamano at Castro si United Nations Special Rapporteur Ian Fry sa pagbisita nito sa bansa. Giit ni Tamano, kailangang imbestigahan ang mga kaso ng sapilitang pagkawala ng mga environmental defender.

Michael Beltran/Pinoy Weekly

Siniyasat ni Fry ang kalagayan ng karapatang pantao sa konteksto ng climate change sa Pilipinas kamakailan. Sa pagtingin niya, bulnerable ang bansa sa iba’t ibang epekto ng pagbabago ng panahon dala ng climate change, tulad ng mas matitinding mga bagyo at tagtuyot.

Sumang-ayon naman kay Fry ang mga organisasyong pangkalikasan at pangkarapatang pantao nang irekomenda nito ang pagbuwag sa NTF-Elcac at pagpapawalang-bisa sa Anti-Terrorism Act.

Sa ulat ni Fry, maliwanag na ginagamit ng NTF-Elcac ang kapangyarihan nito upang protektahan ang mga “pangunahing pang-ekonomiyang interes” ng mga nasa kapangyarihan. Dagdag niya, wala rin itong kinalaman sa kontra-terorismo at kontra-komunismo.

Sa ulat ng international independent organization na Global Witness ngayong taon, nananatili ang Pilipinas bilang pinakadelikadong lugar para sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa Asya.

Ayon sa ulat, sa 16 environmental defenders na pinatay sa Asya noong 2022, 11 dito ang Pilipino. Sa kabuuan, may 281 na tagapagtanggol ng kalikasan sa Pilipinas ang pinatay mula noong 2012.

Kuwento naman ni Fry, lahat ng mga organisasyon na kanyang nakausap ay nakaranas ng human rights violation. Ang ilan sa mga dinaranas ng mga tagapagtanggol ng kalikasan ay harassment, paninira, abduction o pagdukot, pagkakulong at pagpaslang.

Bukod dito, nais ng mga environmental defender tulad ni Castro na “mabigyan ng hustisya ang mga environmental [defender] na biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao.”

Nanawagan din siya na makiisa ang mas maraming sektor upang ipagpatuloy ang panawagan  na ipatigil ang reklamasyon at protektahan ang kalikasan.

Binigyang halaga ng mga rekomendasyon ni Fry ang panawagan ng mga environmental defender. Kasama rito ang pag-iimbestiga sa dati at kasalukuyang problema na hinarap nila sa kanilang gawain sa pagtatanggol sa kalikasan.

Layunin nitong maaksiyonan ang mga paglabag sa karapatang pantao at pagkasira ng kalikasan. Hindi biro ang bilang ng mga dumanas ng hirap sa pagtatanggol ng kalikasan at mga komunidad na apektado ng iba’t ibang proyekto.

Kaya inaasahan nila ang malawakang pagsisiyasat sa usaping ito. Hinihintay ng mga tagapagtanggol kalikasan ang magiging pahayag ng kasalukuyang administrasyon upang tugunan ang mga rekomendasyon ng Special Rapporteur.