Proteksiyon sa 2 tanggol-kalikasan, ibinigay


Nitong Peb. 15, inaprubahan na ng korte ang inihaing petisyon nina Jonila Castro at Jhed Tamano matapos silang ilitaw at ma-rescue mula sa kamay ng militar. Dinukot sa bayan ng Orion noong Set. 2, 2023 ang dalawang volunteer ng AKAP KA Manila Bay.

Ipinagkaloob na ng Korte Suprema ang hiling na mga writ of amparo at habeas data sa dalawang tanggol-kalikasan na dinukot ng militar sa Bataan noong Setyembre ng nakaraang taon. Binigyan din sila ng temporary protection order ng korte.

Nitong Peb. 15, inaprubahan na ng korte ang inihaing petisyon nina Jonila Castro at Jhed Tamano matapos silang ilitaw at ma-rescue mula sa kamay ng militar. Dinukot sa bayan ng Orion noong Set. 2, 2023 ang dalawang volunteer ng AKAP KA Manila Bay.

Mga remedyong legal ang mga writ of amparo at habeas data na maaaring hingin sa korte upang protektahan ang petisyoner laban sa mga banta sa buhay, seguridad, kalayaan at pribasiya.

Ikinagalak ng mga grupong Karapatan at Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan PNE) ang desisyon ng korte na gawaran ng kaukulang proteksiyon ang dalawa.

“Mahalaga para sa amin ang pananaw ng Korte Suprema sa katotohanan na sapilitang pagkawala ang kaso [nina Jhed at Jonila] at sa matibay na paglabag o banta sa buhay, seguridad at kalayaan ng dalawa,” pahayag ng Karapatan.

“Isa itong signipikanteng tagumpay para sa mga tanggol-kalikasan, ngunit hindi pa tapos ang laban,” ayon naman sa Kalikasan PNE.

Sa 18 pahinang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, may probable cause ang sapilitang pagkawala ng dalawa batay sa matibay na ebidensiyang iprenesenta.

Kinontra rin ng desisyon ang resolusyon ng Department of Justice na kasuhan ng grave oral defamation sina Castro at Tamano dahil sa pagbubunyag ng dalawa sa katotohanan ng pagdukot sa kanila ng militar sa press conference ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) sa Plaridel, Bulacan kung saan tinangka silang ipresenta bilang mga rebeldeng boluntaryong sumuko.

“Hindi na bago ang modus ng mga puwersa ng estado na ipresenta ang mga dinukot na aktibista bilang mga ‘rebeldeng sumuko,’” sabi ng Kalikasan PNE.

Sinampahan din ng kasong perjury ni Ronnel dela Cruz, kumander ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army, ang dalawang aktibista kaugnay ng mga sinabi nila sa totoong sinapit nila sa kamay ng militar.

Ayon kina Castro at Tamano, pinilit sila ng mga sundalo na pumirma sa mga kasulatan na nagsasabing mga rebelde sila at kusa silang sumuko.

“Binibigyang silip ng desisyon ng Korte Suprema kamakailan ang gawa-gawang kuwento ng NTF-Elcac,” sabi ng Karapatan.

Sinabi rin ng dalawang organisasyon na patuloy nilang susuportahan sina Castro at Tamano upang mapanagot ang mga salarin sa pagdukot at sa patuloy na paglaban sa mga kasinungalingang ipinupukol sa kanila ng militar at NTF-Elcac.