PNP, tumangging tumulong sa pamilya ng mga nawawalang aktibista sa Bataan
Tumangging tumulong ang mga miyembro ng PNP at kahit daw ang blotter. Hindi raw muna papayagan sapagkat kailangan pa raw kausapin ng mga sundalo, intelligence at ng kanilang hepe ang nanay ng nawawala.
Halos dalawang linggo na mula nang dakpin sina Jonila Castro, 21 at Jhed Tamano, 22 sa tapat ng water district ng Orion, Bataan noong Setyembre 2.
Nagtungo ang isang fact-finding mission noong Setyembre 4 kasama si Roselie Castro, ina ni Jonila, sa tanggapan ng Philippine National Police (PNP) sa Bataan upang magpa-blotter at alamin kung nasaan na ang dalawang nawawalang kabataan.
Tumangging tumulong ang mga miyembro ng PNP at kahit daw ang blotter. Hindi raw muna papayagan sapagkat kailangan pa raw kausapin ng mga sundalo, intelligence at ng kanilang hepe ang nanay ng nawawala.
“Sinuman ang may hawak sa anak ko, sana po ibalik n’yo na po,” pakiusap ni Castro habang namumugto ang kanyang mga mata. “Sobrang nag-aalala na ako. Wala naman po talagang ginagawang masama ang anak ko.”
Mga volunteer ng AKAP KA Manila Bay ang dalawang nawawalang kabataan na nananaliksik hinggil sa mga mapangwasak na epekto ng reklamasyon sa Manila Bay sa mga komunidad at kalikasan ng limang probinsiya, kabilang ang Metro Manila.
Pinaniniwalaang ang pulisya at militar ang nasa likod ng pagdukot sa kanila. Ayon sa mga eyewitness, dinig ng 15 na bahay ang sigaw ng dalawang kababaihan habang sapilitan silang isinakay sa van ng apat na armadong lalaki.
Halos isang taong araw-araw na dinadalaw ng isang sundalo ang tahanan nina Castro. Giit nila, armado raw si Jonila at maaari nilang matulungan kung mag-surrender lamang siya sa gobyerno.
Nang mabalitaan ni Castro na dinakip ang kanyang anak, kumontak siya sa sundalong dumadalaw para magpasama sa pulis. Pero hindi na raw siya matutulungan.
Pag-uwi niya mula sa PNP, muling nagpakita ang sundalo. “Sabi ko, hindi ko na po sila kailangan. Kasi noong time na kailangan ko sila, wala naman silang tinulong,” ani Castro.
Kasama ang grupong Karapatan, iginiit ng mga kasamahan at pamilya ni Castro ang impormasyon sa PNP kung hawak nga nila o hindi ang dalawang kabataan alinsunod sa Republic Act 10353 o ang Anti-Enforced Disappearance Law.
Hindi nagawang itanggi ng PNP na nasa kamay nila ang dalawang nawawala. Ayon sa Karapatan, ipinamukha pa sa kanila na karapat-dapat lamang ang parusang dinanas ng mga biktima.
“Purgang-purga na kami sa pagmumukha ng mga sundalo at pulis na hindi sumusunod sa batas. Hindi pa nila pinapapasok ang Commission on Human Rights sa kanilang mga kampo. Magbasa naman sila ng batas. Nasa Google naman iyan e,” bira ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Sa tala ng Karapatan, may 10 biktima ng enforced disappearances o sapilitang pagkawala sa unang 15 na buwan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa kanilang mga pampolitikang paninindigan. Sa katumbas na panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, tatlo naman ang dinukot.
Ayon kay Pastor Thaad Kolin Samson ng AKAP KA Manila Bay, mahalaga ang naging research ng dalawa sapagkat may kagyat na pangangailangan na pag-aralan at aksiyonan ang mga apektado ng reklamasyon.
“At least 700 families na ang na-displace sa Bulacan, bunsod n’ong reclamation projects, particularly iyong airport na itatayo ng San Miguel Corporation,” paliwanag niya.