2 tanggol-kalikasan, tinangkang arestuhin


Sinabi ng Karapatan na inisyu ang mga arrest warrant wala pang isang linggo matapos matanggap ng abogado ng dalawa ang kopya ng resolusyon ng Department of Justice na nagrerekomenda na sampahan sila ng kaso.

Napag-alaman ng kampo nina Jonila Castro at Jhed Tamano nitong Peb. 20 na may inilabas na mga arrest warrant para sa kanila nang umapela ang Office of the Solicitor General (OSG) sa desisyon ng Korte Suprema sa petisyon sa mga writ of amparo at habeas data.

Inilabas ng Doña Remedios Trinidad Municipal Trial Court sa Bulacan ang mga warrant para sa dalawa noong Peb. 1 para sa kasong grave oral defamation.

Bago pa man sila arestuhin ng mga awtoridad, nagpiyansa na sa korte ang dalawa nitong hapon ng Peb. 21. Umabot sa P36,000 ang piyansang binayaran.

“Atat na atat ang mga mandurukot na makulong ang dinukot nila,” anila Castro at Tamano sa isang magkasamang pahayag.

Kaugnay ito ng resolusyon ng Department of Justice (DOJ) noong Ene. 25 na sampahan ng kaso ang dalawang volunteer ng AKAP KA Manila Bay matapos ang kanilang pagbubunyag sa katotohanan ng pagdukot sa kanila ng militar.

“Magkalinawan ulit tayo, sina Jhed Tamano at Jonila Castro ang mga biktima dito. Husto na ang pagpapahirap sa pandurukot at arbitraryong detensiyon na naransan nila sa mga kamay ng militar,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Sinabi rin ng Karapatan na inisyu ang mga arrest warrant wala pang isang linggo matapos matanggap ng abogado ng dalawa ang kopya ng resolusyon ng DOJ na nagrerekomenda na sampahan sila ng kaso.

Hindi rin binigyan ng pagkakataon na makapagsumite ng motion for reconsideration ang kampo nina Castro at Tamano sa resolusyon ng kagawaran.

“[Imbis] na ibasura ang isinampang grave oral defamation dahil sa grant ng petisyon sa [mga writ of amparo at habeas data], kami pa ngayon ang nakaambang arestuhin,” sabi nina Castro at Tamano.

Naniniwala ang Karapatan na kuwestiyonable ang mga warrant at nanawagan para sa isang paborableng desisyon sa pagdinig sa apela ng OSG sa mga writ of amparo at habeas data sa Court of Appeals.

Kinondena naman ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang paglalabas ng mga arrest warrant laban sa dalawang tanggol-kalikasan na tutol sa patuloy na reklamasyon sa Manila Bay.

“Nakaaalarma na mismong DOJ, ang kagawaran na dapat nagtataguyod ng mga karapatan ng mamamayan, ang siyang gimigipit sa dalawang tanggol-kalikasan,” sabi ng grupo.

Sinabi rin na grupo na ipinapakita lang na kayang gawin ng estado ang lahat dahil sa kahihiyan sa pagbubulgar nina Castro at Tamano sa modus sa mga “pekeng sumuko.”

“Hindi natin dapat payagan ang mga elemento ng NTF-Elcac (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) at ng rehimeng Marcos [Jr.] na ibayong yurakan ang mga karapatan na kanilang nilabanan noong matapang nilang sabihin ang katotohanan sa pagdukot at pagkawala nila,” ani Palabay.