Kalahating dekada ng Eddie Garcia Bill
Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, naaprubahan sa ikatlong pagbasa noong Peb. 19 ang Senate Bill 2505 o ang Eddie Garcia Bill.
Matapos ang mahabang panahon ng paghihintay, naaprubahan sa ikatlong pagbasa noong Peb. 19 ang Senate Bill (SB) 2505 o ang Eddie Garcia Bill.
Ipinanukala ito matapos ang trahedyang ikinamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia na nadapa sa isang kable sa set noong 2019. Layunin nitong bigyang proteksiyon ang mga manggagawa sa pelikula’t telebisyon.
Tinatayang nasa P2 bilyon kada taon ang kontribusyon ng industriya sa gross domestic product ng bansa.
Nasa 300,000 ang nililikhang trabaho ng film industry at 8 milyon naman ang mga manggagawa ng telebisyon at broadcasting ayon sa Philippine Statistics Authority noong 2019.
Parehong may bersiyon ang Senado at Kamara na kinakailangang pag-isahin at gawan ng implementing rules and regulations oras na maging ganap na batas. Mayroon itong substansiyal na pagkakaiba lalo na sa usapin ng oras ng paggawa ng mga empleyado at intellectual property rights (IPR).
Naaprubahan naman noong Peb. 3, 2023 ang House Bill (HB) 1270 na ipinasa sa Senado upang talakayin. Inabot din ng isang taon ang Senado na aprubahan ang kanilang bersiyon ng panukala.
“Umaasa kami na magaganap na ang [bicameral conference] sa lalong madaling panahon. Hopefully, ‘yong version ng Lower House ang ma-push,” ani Malu Maniquis ng Free the Artist Movement (FAM).
“Ang laki talaga ng difference. Sa HB 1270, eight hours work lang. Additional four hours ay overtime (OT). Maximum six hours,” sabi ni Maniquis. “Sa SB 2505, 12 hours work (plus) additional hours yung OT. Ang position ng FAM, 10 hours.”
“Regarding IPR, sa HB, [ang] key people—director, writer, cinematographer— will have rights to re-screening kahit sa Netflix pa ‘yan. Sa SB, all rights will be surrendered to the producer. ‘Di ko nga alam kung bakit nagbubunyi [ang ibang artists] sa third reading. Nabasa kaya nila?” dagdag niya.
Kasama ang FAM sa pagbuo ng bersiyon sa Kamara. “Umupo ako from the start sa lahat ng hearings,” kuwento ni Maniquis. Subalit hindi sila nakasama sa pagbubuo ng bersiyon sa Senado.
“[Kailangan naming] i-ensure that the [bicameral conference] House [representatives] will assert the House version,” dagdag niya.
Nagsimula ang pagdinig sa panukala noong 2020. Ngunit nagtatagal ang panukalang batas na pumasa sa Senado.
Mabagal itong umusad habang patuloy pa ring dumaranas ng malaaliping kondisyon ang mga manggagawa ng industriya. Pangunahin dito ang mahabang oras ng paggawa, mababang sahod, ‘di ligtas na lugar ng paggawa at walang kasiguraduhan sa trabaho.
Kabilang sa nilalaman nito ang istandard na oras sa trabaho, pagtitiyak sa kaligtasan sa lugar ng paggawa, standard operating procedures, insurance, at pagkakaroon ng safety at medical officers sa set.
Bukod pa rito, napakalaki rin ng buwis na ipinapataw ng gobyerno sa mga pelikula at telebisyon.
Sabi ni Maniquis, mahal ang tiket sa sinehan dahil ipinapasa sa mga manonood ang production and distribution costs.
“Wala na ngang suporta mula sa gobyerno, pinipiga pa nang husto ang industriya dahil sa laki ng binabayarang buwis,” sabi niya.
Dagdag niya, ang showbiz ang “most taxed industry in the Philippines.” Nariyan ang amusement tax (10%), value-added tax (12%), withholding tax (5%), distribution fee (5%) at income tax (30%) sa produksiyon pa lang ng pelikula. Habang ang tiket sa sinehan ay pinapatawan din ng 30% amusement tax mula sa gross receipts.
Bagaman ipinagbubunyi ang pagpasa ng batas, patuloy pa rin ang mga hamon na kinakaharap ng industriya dahil sa pagdalang ng mga manonood sa mga sinehan at malaking buwis na pinapataw ng gobyerno.