Kasaysayan ng kabayanihan sa 7 simbahan


Ngayong Semana Santa, alamin natin ang ilang kuwento ng kabayanihan at pakikibaka sa pitong simbahan sa Pilipinas.

Hitik sa kasaysayan ang mga simbahan natin sa Pilipinas. Sa mga simbahan nakasentro ang ilang mahahalagang pangyayari na humubog sa ating pagkabansa. Sila’y mga piping saksi sa pag-inog ng kasaysayan at kinabukasan ng ating bayan.

Ngayong Semana Santa, alamin natin ang ilang kuwento ng kabayanihan at pakikibaka sa pitong simbahan sa Pilipinas.

Archdiocesan Shrine of Santo Niño/Facebook

Isa sa mga unang simbahan sa Pilipinas na itinatag ng mga misyonerong Agustino noong 1572, kilala ang Archdiocesan Shrine of Santo Niño sa imahen ng Santo Niño de Tondo na mula sa Acapulco, Mexico na dinarayo ng mga deboto sa kapistahan nito tuwing ikatlong Linggo ng Enero.

Batay sa tala ng simbahan, dito bininyagan ang Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio ng kura paroko ng Tondo na si Padre Saturnino Buntan noong Dis. 2, 1863. Dito rin ikinasal ang kanyang mga magulang na sina Santiago Bonifacio at Catalina de Castro ng parehong kura noong Ene. 24, 1863.

Naging saksi rin marahil ang simbahan sa unang demonstrasyon sa Araw ng Paggawa noong Mayo 1, 1903 nang magmartsa mula Plaza Moriones sa Tondo patungong Malacañang ang mga manggagawang Pilipino sa pamumuno ng Union Obrera Democratica, ang unang sentrong unyon sa Pilipinas na itinatag ni Isabelo de los Reyes.

Project Kisame/Wikimedia Commons

Itinatag ng mga paring Heswita ang parokya ng Dapitan sa Zamboanga del Norte (noo’y iisang lalawigan ng Zamboanga) noong 1631. Naitayo naman ang simbahang bato ng St. James the Greater Parish Church noong 1871.

Kilala ang Dapitan bilang lugar kung saan ipinatapon ng pamahalaang kolonyal ng mga Kastila si Jose Rizal mula 1892 hanggang 1896 dahil sa kanyang mga nobela at pagtatatag sa La Liga Filipina pagbalik mula sa Europa. Idineklarang ilegal ng mga Kastila ang liga at tinuring si Rizal na kaaway ng estado.

Sa kanyang distiyero, malimit magsimba si Rizal sa Dapitan Church ngunit hindi siya maaaring pumasok. Pinatawan kasi siya ng ekskomunikasyon o pagtiwalag sa Simbahang Katoliko dahil sa pagiging mason.

Makikita sa may pintuan ng simbahan ang isang panandang pangkasaysayan kung saan madalas tumayo si Rizal tuwing Linggo para dumalo sa misa.

GRMondala/Wikimedia Commons

Dinadagsa ang simbahang ito sa Iloilo City sa isla ng Panay para sa replika ng Santo Niño de Cabu tuwing Dinagyang Festival. Itinatag ito ng mga prayleng Agustino noong 1617.

Ngunit maliban sa masaya at maingay na pagdiriwang ng kapistahan, tahimik na saksi ang San Jose de Placer Church sa unang pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa katapat na Plaza Alfonso XII (ngayo’y Plaza Libertad) matapos sumuko ng mga Kastila.

Sa pagsiklab ng Rebolusyong 1896 sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas, nanatili sa kamay ng mga Kastila ang Iloilo. Ang lungsod ang huling balwarte ng mga Kastila sa Pilipinas sa huling bahagi ng himagsikan.

Pasko ng 1898, sumuko si Gobernador Heneral Diego de los Rios sa mga rebolusyonaryong Ilonggo sa pamumuno ni Heneral Martin Delgado. Sa pagsuko ni de los Rios nagwakas ang mahigit tatlong siglong pananakop ng Espanya sa Pilipinas.

Patrick Roque/Wikimedia Commons

Tinaguriang “Duyan ng Demokrasya sa Silangan” ang Our Lady of Mt. Carmel Parish sa Malolos, Bulacan. Dito nagpulong ang Kongreso ng Malolos kung saan ipinahayag ang Konstitusyon ng Malolos na nagtatag sa Unang Republika ng Pilipinas noong 1899. Pinalitan nito ang Rebolusyonaryong Pamahalaan ng Pilipinas na idineklara sa Cavite noong 1898.

Inilipat naman sa kumbento ng Barasoain Church mula sa Navotas at Tambobong (Malabon) ang Universidad Literaria y Cientifica de Filipinas, ang kauna-unahang state university sa bansa. Muling inilipat ang pamantasan sa Tarlac at tuluyang nagsara matapos ang isang taon sa pagsiklab ng Digmaang Pilipino-Amerikano.

Itinatag ang parokya noong 1859 sa paghihiwalay ng bayan ng Barasoain mula sa bayan ng Malolos. Bago naipagawa ang simbahang bato, itinayo ng mga Agustino noong 1860 ang isang kapilyang yari sa nipa at kawayan.

Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Itinatag bilang visita ng Gapan ang Cathedral Parish of St. Nicholas of Tolentine sa Cabanatuan City sa lalawigan ng Nueva Ecija sa Gitnang Luzon ng mga prayleng Agustino noong 1700.

Sa kalagitnaan ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nagsilbi ang kumbento ng simbahan bilang pansamantalang kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas matapos kubkubin ng mga sundalong Amerikano ang Malolos. Madalas magpalipat-lipat ang kabisera ng unang republika dahil sa pag-iwas ng mga puwersang Pilipino sa mga Amerikano na nais gupuin ang rebolusyon.

Sa kumbento ng simbahan at sa kaharap nitong plaza sa Cabanatuan, pinaslang noong Hun. 5, 1899 sina Heneral Antonio Luna at kasamang si Francisco Roman ng mga sundalo ng Batalyon ng Kawit na tapat kay Heneral Emilio Aguinaldo. Sa kasalukuyan, may bantayog si Luna sa Plaza Lucero sa harap ng katedral bilang pag-alala sa kanyang pagkamartir.

Ernest Mateo/The LaSallian

Ang kapilya ang pangunahin at pinakamalaki sa loob ng kampus ng De La Salle University sa Taft Ave., Maynila. Matatagpuan ito sa ikalawang palapag ng St. La Salle Hall, ang pinakamatandang gusali ng pamantasan.

Dinisenyo ni Tomas Mapua, ang unang Pilipinong lisensiyadong arkitekto at tagapagtatag ng Mapua University, sa estilong art deco ang kapilya na uso noong 1930s.

Sa Labanan sa Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, minasaker ng mga sundalong Hapon ang may 48 katao na sumilong sa kapilya dahil sa matinding pambobomba ng mga puwersang Amerikano.

Noong Peb. 21, 1945, pinaslang ng mga Hapon ang mga babae, bata at kasapi ng De La Salle Brothers, kongregasyon na namamahala sa pamantasan. Tinangka ring nilang gahasain ang kababaihan sa kapilya.

Sinunog ng mga sundalong Hapon ang kapilya. Nasa 10 katao ang nakaligtas sa marahas at karumaldumal na masaker. Inaalala ng isang panandang pangkasaysayan sa kapilya ang mga biktima.

Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Pinasinayaan ang Archdiocesan Shrine of Mary, Queen of Peace, Our Lady of EDSA o EDSA Shrine noong Dis. 8, 1989. Mula ito sa mungkahi ni Manila Archbishop Cardinal Jaime Sin dalawang araw matapos ang Pag-aalsang EDSA na nagpatalsik sa pamilyang Marcos noong 1986.

Kinumbinsi ni Sin ang pamilyang Gokongwei na ipagkaloob sa simbahan ang kapirasong lupa sa panulukan ng EDSA at Ortigas Ave. upang pagtayuan ng isang dambana sa alaala ng Pag-aalsang EDSA.

Muntik pang maunsiyami ang pagpapasinaya sa EDSA Shrine dahil sa coup d’etat laban kay Pangulong Corazon Aquino na natapos bago ang takdang petsa ng opisyal na pagbubukas ng dambana.

Muling naging sentro ng protesta ang EDSA sa impeachment trial ni Pangulong Joseph Estrada noong 2001. Katulad ng ginawa ni Sin noong 1986, nanawagan siya sa mamamayan na pumunta sa EDSA noong Ene. 17, 2001 matapos magbotohan ang mga senador na huwag buksan ang ikalawang sobreng naglalaman ng mga ebidensiya laban kay Estrada.

Bumaba si Estrada sa poder noong Ene. 20, 2001 dahil sa malawakang protesta at nahatulang guilty sa kasong pandarambong noong 2007.


Sa ating pagninilay ngayong Semana Santa sa pagpapakasakit, pagkamatay at pagkabuhay ni Kristo, alalahanin din natin ang katapangan at kagitingan ng mga Pilipinong kumilos at patuloy na kumikilos para sa isang bayang tunay na malaya.

Dahil katulad ng tagumpay ni Kristo, tiyak na magtatagumpay din ang mamamayang lumalaban para sa isang makatarungang lipunan.