Pagkilos sa dagdag-sahod, dinahas ng pulisya


Nanawagan naman ang Center for Trade Union and Human Rights na imbestigahan ang nangyaring dispersal sa tarangkahan ng Batasang Pambansa.

Sinalubong ng karahasan ng pulisya ang payapang pagkilos ng mga manggagawa sa labas ng Batasang Pambansa sa Quezon City para suportahan ang panukalang batas para sa P100 umento sa arawang sahod nitong Peb. 28.

Kinondena ng mga sentrong unyon na kasapi ng Nagkaisa Labor Coalition ang marahas na dispersal ng pulisya nang hindi pa man nagsisimula ang programa. Si Police Lt. Col. Jerry Castillo Jr., station commander sa Batasan, ang nagpasimuno ng karahasan.

Nanawagan ang mga sentrong unyon sa Philippine National Police (PNP) at Quezon City Mayor Joy Belmonte na itigil na ang karahasan ng pulisya ng Batasan. Nagpapakita ito umano ng kawalang respeto sa mga kalayaan sa pagpapahayag at payapang pagtitipon.

Si Police Lt. Col. Jerry Castillo Jr. (may hawak na megaphone), ang pasimuno ng pandarahas sa mga nagpoprotestang manggagawa sa Batasan. Kilusang Mayo Uno

Sinabi ng Nagkaisa na ito na ang pangalawang beses na dinahas ang mga nagpoprotesta sa harap ng Batasang Pambansa. Una’y ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines na nagprotesta noong Peb. 12 para tutulan ang National Polytechnic University Bill na naglalayong isapribado ang mga serbisyong non-academic sa pamantasan.

Nanawagan naman ang Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) sa PNP, Kamara, Commission on Human Rights at kay Belmonte na imbestigahan ang nangyaring dispersal sa tarangkahan ng Batasang Pambansa.

“Batay sa mga affidavit ng mga manggagawang na nakalap ng CTUHR at sa mga bidyo ng midya, ginamit ng pulisya ang mga shield nila para itulak ang mga nagpoprotestang manggagawa bago magsimula at sa kalagitnaan ng protesta,” pahayag ng grupo.

Ayon sa isang manggagawang malubhang nasaktan sa dispersal, itinulak siya ng mga pulis gamit ang shield at patuloy na dinahas kahit natumba na. Nang sinubukan naman niyang tumayo, hinila naman ng pulis ang kanyang knapsack na isinuot niya sa harapan kaya nasakal siya. Natigil lang umano ito nang magsimula ang midya na kunan ang insidente.

Patuloy na iginigiit ng mga sentrong unyon at manggagawa ang makabuluhang taas-sahod dahil sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.