Ninja Van riders, panalo sa kaso, balik trabaho na


Bukod sa pagbabalik sa trabaho, inatasan ang kompanya na bayaran ang back wages ng mga manggagawa, kasama ang P10,000 moral damages, P10,000 exemplary damages bawat isa at 10% attorney’s fees.

Tagumpay para sa 131 na tinanggal na delivery riders ng Ninja Van ang inilabas na desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) Fifth Division noong Dis. 19, 2025 na nag-uutos sa kanilang reinstatement o pagbabalik sa trabaho.

Pinabulaanan ng NLRC ang alegasyon ng kompanya na nag-AWOL (absence without leave) ang mga rider. Batay sa rekord, walang batayan ang paratang at lumalabas na may kaugnayan ang tanggalan noong Marso hanggang Abril 2025 sa pagtatayo ng Ninja Van Riders’ Union. Idineklara itong unfair labor practice ng ahensiya at pumanig sa mga natanggal na empleyado.

Bukod sa pagbabalik sa trabaho, inatasan ang Ninja Van na bayaran ang back wages ng mga manggagawa, kasama ang P10,000 moral damages, P10,000 exemplary damages bawat isa at 10% attorney’s fees.

Binati ng Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR) ang desisyon bilang tagumpay para sa katiyakan sa trabaho at karapatang mag-organisa.

“Isang malaking tulong ang desisyon ng NLRC sa karapatan sa katiyakan sa trabaho at sa kalayaan sa pag-oorganisa na dapat tinatamasa ng lahat ng manggagawa sa platform industry at ng lahat ng manggagawa,” pahayag ng CTUHR.