Editoryal

Saan tayo lulugar niyan?


Lumiliit at sumisikip ang espasyo para sa karaniwang Pilipino. Kahit espasyo para sa karapatang pampolitika, kasing kitid na ng eskinita.

Lumiliit at sumisikip ang espasyo para sa karaniwang Pilipino. Sa sariling bansa, kailangan pa nating makiusap na mabigyang puwang ang marami sa atin na hindi sangkatutak ang yaman, hindi nagmamay-ari ng sandamakmak na kotse, at walang balon ng pera para gumastos sa mga mall, golf course at resort para lang makapaglagi sa labas ng bahay. Kahit espasyo para sa karapatang pampolitika, kasing kitid na ng eskinita.

Natapos lang ang tugatog ng pandemya, bumalik na nang buong lakas ang pagpupukol ng sisi sa pangmasa at mas abot-kayang transportasyon. Ang Metro Manila Development Authority, binigyang diin pa ang kapakanan ng mga car showroom at dealership sa tapat ng EDSA.

Nakakapanliit na tunay kung paano isantabi ang kapakanan ng mga nagbibisikleta, mga e-bike, mga naglalakad rin na pasikot-sikot pang dadaanan sa mga nakaharang sa pedestrian road, lalo na’t kalakhan ng mga tao wala sa Pilipinas, walang kotse.

Para matamasa naman ang karapatan sa mapayapang pagtitipon at pagpapaabot ng hinaing sa gobyerno—karapatan na bahagi ng Katipunan ng mga Karapatan sa mismong Saligang Batas—kailangan pang humingi ng permiso sa lokal na gobyerno.

“No permit, no rally” sa mga lugar na hindi nabibilang na “freedom park” sa Maynila. Kung bahagi ng diwa ng protesta ay maparamdam sa kapwa Pilipino at sa gobyerno ang panaghoy ng mamamayan, bakit ito ikakahon sa mga lugar na “hindi nakakaabala” sa iba? Pati sining pamprotesta na halimbawa ng sining pampubliko, inilulusot pa sa karayom.

Tungkulin ng gobyerno na kilalanin at respetuhin ang mga karapatan na ito, hindi tingi-tinging ipatamasa sa mga Pilipino.

Lalo na kung ramdam ng mamamayan na hindi pinakikinggan ang mga nasabing panaghoy, tulad na lang ng pagtutol sa Charter change ng laksa-laksang mga grupo mula sa iba’t ibang panig ng politika. Tungkulin ng gobyerno na kilalanin at respetuhin ang mga karapatan na ito, hindi tingi-tinging ipatamasa sa mga Pilipino.

Sa mapaglalagian labas ng kanya-kanyang kabahayan, kahit pa daan-daan ang national park sa bansa, at mayroon ding mas maliit sa mga lokal, wala pa ring sinabi ang mga ito sa naglalakihan at dumadaming parang kabute na mga mall sa bansa. Sa mga mall na ito, kailangan gumastos para masabing may karapatan manatili.

Hindi pa kasama sa usaping ito ang reklamasyon at pagpapaalis sa mga komunidad alang-alang sa mga itatayo ng malalaking kompanya at korporasyon. Nagdadala raw ng trabaho ang mga mall na ito, pero makabubuhay ba? At ang palagiang paggastos para sa bawat lakad sa labas, butas-bulsa at nakakapanlumo.

Bago rin sa balita ang mga resort na itinatayo sa mga protected area o mga kagubatan na hindi dapat iniistorbo. Muli, ang tuon ay pera imbis na pangmatagalang benepisyo ng kalikasan pati na ng mga komunidad malapit dito.

Ang mga park kung saan malayang magtatakbuhan ang mga bata, mga pampublikong library na mapaglalagian ng mga estudyante at ibang mambabasa, mga sidewalk na may lilim at maaliwalas, mga bicycle lane na hindi masikip—ito ang mga espasyong pampubliko na tunay na para sa tao. Ito ang dapat tutukan at paramihin ng gobyerno kung hindi ito tutok na tutok sa pagkamal ng kita katuwang ang mga gahiganteng kompanya.

Marapat lang na maalala ng gobyerno na serbisyong pampubliko ang tutok ng institusyon, para pagsilbihan ang mamamayan, hindi pagkakitaan ito. At dapat lang maalala ng mga Pilipino na hindi natin kailangan makisuyo sa mga namumuno ng bansa para lang kilalanin ang mga karapatan na, anumang antas ng lipunan ang kinabibilangan, tunay na at walang humpay na atin.