Ano’ng mawawala sa suspensiyon ng PNR?
Kahit pansamantala lang ang tigil-operasyon ng Philippine National Railways sa Metro Manila, ilang mga nakasanayan ang tuluyang mabubura sa pagsalang nito sa limang taong rehabilitasyon.
Kaliwa’t kanan ang kilos-modernisasyon sa Pilipinas, ngunit kaakibat nito ang nagbabadyang pagkawala ng ilang nakasanayan at nakaugalian na matagal ng nakaukit sa kasaysayan ng bansa, mula sa hari ng kalsada na jeepney, ngayon naman ang tren na mahigit isang siglo ring pasan-pasan ang pangarap ng bawat pasaherong Pinoy.
Kahit pansamantala lang ang tigil-operasyon ng Philippine National Railways (PNR) sa Metro Manila, ilang mga nakasanayan ang tuluyang mabubura sa pagsalang nito sa limang taong rehabilitasyon sa ilalim ng proyektong North-South Commuter Railway (NSCR) na layong gawin itong mas moderno, mas mabilis at mas malawak ang serbisyo.
Isa sa mga posibleng mawala dahil sa pag-upgrade ay ang tradisyonal na busina ng tren. Sa halip na umasa sa mga busina para sa pagbibigay-babala sa mga karatig na lugar at crossing, maaaring isaalang-alang ng PNR ang paggamit ng mga advanced warning systems at communication systems na mas epektibo at moderno.
Samakatuwid, nitong Mar. 27, 2024, alas-diyes ng gabi kung kailan huling maririnig ang busina ng mga bagon tangan ang mga pasaherong naging sandalan ito upang suyurin ang Kamaynilaan.
Modernisasyon ng sistema
Para sa ilang estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa, Maynila, unibersidad na nasa tapat lang ng isang estasyon ng tren, nagsilbi na nilang ‘alarm clock’ ang busina ng tren ng PNR kaya naman ang pagkawala nito ay tila isang malaking kabawasan din sa kanilang alaala bilang estudyante.
“Unforgettable moments siyempre ‘yong pagmamadali kasi sa station namin dadalawa lang schedule ng trip pa-Bicutan, isang 7 a.m. tapos 5 p.m. na next, so [kailangang] bilisan ang kilos para maabutan ‘yon. Then, ‘pag pauwi, kasabay ng busina ng train ‘yong pag-alog kasi ang bilis akala mo [madidiskaril],” ani Marvin Cabalhin, graduating student ng PUP.
Kaugnay nito, papalitan din ng mga bagong modelo ang mga lumang tren at locomotive na maaaring hindi na epektibo o hindi na kayang magamit sa mga modernong sistema ng tren, kaya naman kanya-kanyang kuha ng retrato ang mga pasahero sa huling biyahe ng tren upang magkaroon ng remembrance sa mga lumang bagon.
Maisasaalang-alang din ang pag-alis ng tradisyonal na ticket system ng PNR at magsusulong ng mga electronic cards o smart cards na mas mabilis at epektibo sa proseso ng pagbili at paggamit ng tiket katulad ng sa mga kapatid nito na MRT at LRT systems.
Dahil dito, nagbenta ng mga commemorative tickets ang PNR Tutuban Station upang gawing souvenir ng mga pasahero para sa huling araw ng biyahe.
Gayundin ang mga lumang riles at estruktura na hindi na akma sa mga bagong pamantayan ng kaligtasan at teknolohiya ay tatanggalin at papalitan upang bigyang-daan ang pagtatayo ng mga modernong sistema.
Ang 147 kilometrong NSCR ay ang pinakamalaking infrastructure project sa ilalim ng Build, Build, Build program ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na itatayo direkta sa taas ng riles ng PNR. Kapag nakumpleto, sinasabing dalawang oras na lamang ang biyahe mula Clark sa Pampanga hanggang Calamba City sa Laguna.
Naglaan ng P628.42 bilion ang gobyerno para dito kasama ang Japan International Cooperation Agency at Asian Development Bank.
Epekto sa mamamayan
Isa sa direktang maaapektuhan sa pagtangggal ng riles si Rodolfo Maurillo, isang trolley driver, na naghahatid ng mga pasahero gamit ang kanilang mga pushcart na gawa sa kahoy at itinutalak nang mano-mano.
Aniya, hindi maiiwasang malungkot dahil ilang dekada niya itong ginawang sandalan upang itawid ang kanilang pang-araw-araw at pagpapaaral sa anak na ngayon ay papasok na sa kolehiyo. Ngunit wala umano silang kapangyarihan para pigilan ito dahil sila ay nakikigamit lang ng riles.
Para naman kay PNR security service personnel Marco Paul Gorospe na 10 taon na sa serbisyo, bukod sa paninibago, dagok din para sa kanyang mga kasamahan ang hindi tiyak na trabaho kaugnay ng naturang tigil-pasada ng tren.
“‘Yong iba nilipat sa construction, sila talaga ‘yong number one na apektado sa ngayon. ‘Yong iba wala silang knowledge kung lilipat ba sila kasi ‘yong iba napili lang e. Pero ‘yong iba d’yan [matagagal na. [Nasa] 20 years in service, 10 years in service, mga job order lang ‘yang mga ‘yan,” aniya.
Nangangamba naman ang senior citizen na si Cecilia Villanueva, 73 anyos, sa nakaambang taas-pasahe ngayong wala na ang PNR na matagal niyan sinasakyan para tuntunin mula sa San Pedro, Laguna ang Tutuban sa mga panahong kinukuha siya sa mga pabasa.
“Kanina nag-iisip nga ako paano ‘pag uuwi ako, ang mahal ng pamasahe, palipat-lipat ako ng sasakyan, e dito dere-deretso lang, kaya nakakalungkot,” sabi ni Villanueva.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na kanilang napagpasyahang itigil ang operasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero habang isinasagawa ang konstruksiyon ng NSCR.
Sinabi rin ng DOTr na sa panahon ng suspensiyon ng operasyon sa Metro Manila, inaasahang mabilis na matatapos ang konstruksiyon ng NSCR sa loob ng walong buwan, na magreresulta sa pagtitipid ng P15.18 bilyon mula sa proyekto.
Patuloy ang PNR system sa pagpapalit-palit ng teknolohiya at pag-unlad sa larangan ng transportasyon, ito ay upang matugunan ang mga pangangailangan ng modernong lipunan at mapanatili ang kakayahang makipagkompetensiya sa pandaigdigang pamilihan.
Mahalagang iprayoridad ang kinabukasan at pag-unlad ng transportasyon at iba pang sektor ng lipunan, ang pagbabago ay hindi maiiwasan, ngunit mahalaga rin na alagaan ang mga natatanging tradisyon at kultura ng bansa sa gitna ng pagbabago.
Sa ganitong paraan, maipapakita natin ang diwa ng pagiging moderno ngunit hindi nakakalimot sa pinagmulan at identidad ng ating bayan.