#KuwentongKabataan

Karanasan ng working student sa BPO


Simple lang ang dahilan kung bakit tinatawag na “Call Center Capital” ang Pilipinas simula pa noong 1992—mababang sahod at kalidad ng trabaho.

“Hi, how may I help?” 

Ito ang hindi malilimutang opener ng mga call center agent bago kausapin ang susunod na customer. 

Hindi na bago ang call center sa Pilipinas at matagal-tagal na ring nariyan ang mga working student. Ngunit ngayong tumaas ang presyo ng mga bilihin, tumaas din ang mga expectation ng mga employer, at patuloy pa rin ang hamon sa kabila ng mababang sahod. 

Sa pinakahuling datos ng Commission on Higher Education (CHED), umaabot sa 216,000 ang bilang ng mga working student o katumbas ng 8% ng lahat ng nasa kolehiyo.

Simple lang ang dahilan kung bakit tinatawag na “Call Center Capital” ang Pilipinas simula pa noong 1992—mababang sahod at kalidad ng trabaho.

Sa United States, $7.25 o P417.64 ang pinakamababang sinasahod kada oras ng isang call center agent. Kung titingnan ang sahod kada oras, lumalabas na $1.51 o P55 lang ang sa Pilipinas.

Noong unang taon ko sa kolehiyo, nagdesisyon akong maghanap ng trabaho. Noong pandemya, mahirap maghanap ng kompanya na tumatanggap ng walang karanasan.

Ngunit dahil sa referral ng isang kaklase, natanggap ako sa isang business process outsourcing (BPO) research firm bilang isang market researcher kung saan ko naranasan ang hirap ng pagkumpleto ng mga government ID, lalo na noong pandemya.

Ang una kong sahod ay nasa P12,000. Kakaiba ang pakiramdam ng unang sahod, lalo na’t kasing laki na ito ng nakukuha ng ilang gradweyt.

Dahil dito, maraming working student ang napapaisip kung ititigil nila ang kanilang pag-aaral, ngunit marami rin ang kinakayang pagsabayin ito.

Mula sa pakikipanayam sa ilang working student, marami ang kayang pagsabayin ang dalawa sa kabila ng stress at pressure.

Sa kabilang banda ng magagandang dulot ng BPO, marami rin ang masamang epekto nito sa mental at pisikal na kalusugan ng mga empleyado.

Kadalasan, ang satisfaction rate ang basehan ng magandang performance sa mga BPO. Maraming ahente ang tinatanggap na lamang ang mga panlalait ng mga customer para magkaroon ng tinatawag na “CSAT” (customer satisfaction) na hindi maikakailang nakakaapekto sa kanilang moral.

Likas nang ganito ang karanasan sa mga call center, ngunit malaki pa rin ang epekto nito, lalo na sa mga nag-aaral pa.

Burnout, stress, anxiety at panghihina ng katawan ang ilan lang sa aking naranasan sa pagtatrabaho.

Sa huling surbey na isinagawa ng Institute for Labor Studies, marami sa mga nagtatrabaho sa BPO ang nakakaramdam ng chronic stress (70.5%), mababang work performance (56.4%) at hirap sa pagtulog (50%) na maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit.

Bagaman maraming estudyanteng tulad ko ang nagtatrabaho sa call center, marami pa rin ang nagpaplanong maghanap ng ibang career path bukod sa kanilang kasalukuyang trabaho.

Ngayong patapos na ako ng kolehiyo, napagdesisyunan ko na itigil muna ang pagtatrabaho upang bigyang pansin ang pag-aaral at planuhin ang aking sunod na hakbang sa buhay. 

Magandang paraan ang pagpasok sa BPO upang magkaroon ng karanasan sa pagtatrabaho. Ngunit hindi dapat makalimutan na ang buhay ay higit pa sa trabaho lang. Dahan-dahanin lang natin ito, at huwag isakripisyo ang mga bagay na tunay na mahalaga.