Kung paano pinalakas ng aking paninindigan ang aking pananampalataya
Dahil batid at kinalakihan ko ang isang lipunan na may mahabang panahong diskriminasyon at mababang tingin sa aming mga Muslim, natuto akong magpaliwanag, manindigan at ipagtanggol ang aking identidad.
Mula noong nagkolehiyo ako University of the Philippines, bilang lang sa aking mga daliri ang mga pagkakataong nakasama ko ang aking pamilya tuwing buwan ng Ramadan. Bilang isang Muslim na galing Mindanao, hindi naging madali sa akin ang umayon sa malalaking pagbabago sa kultura, paligid at kaisipan ng kalakhan ng mga nasa Maynila.
Sentro ng mass media at kulturang popular ang Kamaynilaan at hindi maiiwasang makatanggap ng samu’t saring mga katanungan tungkol sa aking pananampalataya, kinagisnang kultura at mga isinasabuhay na tradisyon. Ngunit dahil batid at kinalakihan ko ang isang lipunan na may mahabang panahong diskriminasyon at mababang tingin sa aming mga Muslim, natuto akong magpaliwanag, manindigan at ipagtanggol ang aking identidad.
Sa paglipas ng mga taon, nagkaroon ng mas malalim na kahulugan sa akin ang buwan ng Ramadan. Habang ang pag-aayuno ay isa sa limang haligi ng Islam na obligasyon ng lahat ng Muslim sa buong mundo, hindi lamang ito pag-iwas sa pag-inom o pagkain mula bago magbukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw. Ito ay pagtalikod rin sa pagkakasala, pagnanasa, pagsisinungaling at mga gawaing masasama.
Ang banal na buwang ito ay binabansagan ring buwan ng sakripisyo. Ang gutom at uhaw ay simbolismo ng pagdanas ng matinding kakulangan na naghahatid sa isang mananampalataya ng mensahe na ang pansamantalang kahirapang kanyang dinaranas ay araw-araw na reyalidad ng napakarami niya pang mga kapatid na tunay na naghihikahos sa buhay. Kung kaya’t ang buwan ng Ramadan ay buwan rin ng pagsisikap na makatulong sa kapwa, sa anumang paraan.
Ngayong ako ay isang community journalist sa Bulatlat, malaking bahagi ng aking patuloy na pagkatuto at pagyakap sa pananampalataya ang mga kuwento ng Bangsamoro. Sa aking mga naging panayam sa mga kapwa Muslim, malalim ang mga naratibo ng paghihirap at pananamantalang kanilang nararanasan. Habang mayroon kaming unibersal na kuwento ng diskriminasyon at Islamophobia, magkakaiba ang tindi ng danas batay sa uring aming kinabibilangan.
Hanggang ngayon, bitbit pa rin ng mga Maranao na biktima ng Marawi siege ang mapapait na alaala ng giyera. Sa isang panayam ay sinalaysay nila sa akin ang hirap ng pagtugon sa obligasyon ng pag-aayuno noong pandemya dahil napulbos ang kanilang mga mosque. Nakaranas rin sila ng malalang krisis sa suplay ng tubig at kuryente, at halos hindi sila naaabot ng ayuda ng gobyerno noong pinatupad ang militarized lockdown. Nagsisikap pa rin silang makapag-ayuno bilang mga internally displaced persons (IDP) dahil hindi pa rin sila ganap na nakakabalik sa kanilang mga tahanan. Ayon sa kanila, mas inuna pang ipatupad ng gobyerno noon ang Martial Law sa Mindanao imbis na tugunan ang kanilang mga batayang pangangailangan at dinggin ang sigaw ng hustisya.
Hindi ako perpektong alagad nito at aminadong may mga pagkukulang, ngunit malaking bahagi ng kagustuhan kong maging isang mabuting Muslim ay ang mga kapatid sa pananampalataya na sa kabila ng matinding inhustisya, ay nananatiling buo ang paniniwala.
Hindi ito nalalayo sa kasalukuyang dinaranas ng mga kapatid nating Palestino. Sa loob ng mahabang panahon, itinuturing rin silang bihag sa kanilang sariling lupa. Noong nakaraang Ramadan, sinugod ng mga puwersa ng Israel ang Al Aqsa Mosque habang sinasagawa ng mga Palestino ang taraweeh prayer. Ngayong buwan ng Ramadan, humigi’t kumulang 30,000 na ang namamatay sa Gaza, halos napulbos ang kanilang mga tahanan, habang pinagkakaitan naman sila ng ayuda, ginugutom at patuloy na pinupulbos ng pambobomba ng Israel.
Lagi nang laman ng mga balita at mga diskurso ang nagpapatuloy na inhustisya sa mga Muslim sa buong mundo. Ngunit sa aking palagay, hindi gaanong nabibigyan ng lalim ang dahilan ng agresyon at diskrimasyong ito. Ang kasaysayan ng pang-aapi sa mga Muslim sa bansa at sa buong mundo ay mahigpit na nakatali sa usapin ng lupa at identidad.
Hindi nagawang sakupin ng mga dayuhang Espanyol at Amerikano ang mga Muslim kaya’t ang desperadong solusyon nila ay lipulin ang kanilang mga lupang ninuno, maglunsad ng kaliwa’t kanang masaker at ibunton ang kanilang terorismo sa mga Muslim sa pamamagitan ng masidhing propaganda na ang mga Muslim ang “terorista.” Karugtong nito ang proyektong “war on terror” ng United States pagkatapos ng pambobombang naganap noong Set. 11, 2001. Hanggang ngayon, matindi pa rin ang pagbabansag sa Islam bilang “relihiyon ng terorismo.”
Ang pagpapatuloy ng ganitong klaseng inhustisya kahit pa sa gitna ng buwan ng Ramadan ang dahilan kung bakit lalong tumitindi ang aking kagustuhan na magsulat at manindigan para sa aking mga kapatid sa pananampalataya. Higit dito, lalo kong gustong yakapin ang aking pananampalataya sa mga panahong tinatamaan ng matinding kontradiksyon sa pagiging isang masugid na tagasunod ng Islam.
Hindi ako perpektong alagad nito at aminadong may mga pagkukulang, ngunit malaking bahagi ng kagustuhan kong maging isang mabuting Muslim ay ang mga kapatid sa pananampalataya na sa kabila ng matinding inhustisya, ay nananatiling buo ang paniniwala.
Sa kabila ng lahat ng ito, lagi kong napapatunayan na ang buwan ng pag-aayuno ay sukatan rin ng pagpapakatao—lalo na sa mga nasa unahan ng kalupitan ng mundo. Islam ang patuloy na nagtuturo sa akin ng ganitong adhika. Ang aking adhika na manindigan at lumaban ang nagpapatatag sa aking pananampalataya.
Eid Mubarak para sa aking mga kapatid na Muslim!
Mula sa grupong etnikong Maranao sa Mindanao si Menchani I. Tilendo. Isa siyang contributor sa Bulatlat.com na nakapokus sa international relations at pakikibaka ng mga Morong komunidad sa Pilipinas. Siya rin ang isa sa mga news presenter ng Altermidya Network at campaigns and communications officer ng General Secretariat ng International League of Peoples’ Struggles.