Silang umaasa sa pasada
Sa napipintong deadline ng franchise consolidation sa Abril 30, maraming nangangamba sa kahihinatnan ng kanilang kabuhayang nakasandig sa pamamasada ng jeepney.
Hindi maipagkakaila, mga jeepney ang nagsisilbing sandigan ng karaniwang Pilipino upang makipagsapalaran sa karera ng buhay. Sa mas abot-kayang pamasahe at mga rutang kayang-kayang hagilapin, saktong-sakto ito sa bulsa at oras ng nakararami.
Kahit nakatatak na kung paano umuusad ang buhay sa kamay ng mga tsuper, patuloy pa rin ang pagtulak ng gobyerno sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na nagnanais patayin ang kabuhayan ng daang libong Pilipinong umaasa sa pasada.
Layunin nito na palitan ng mga modernong yunit ang mga tradisyonal na jeep na itinuturing na hari ng daan. Bukod pa rito, inoobliga nitong magpailalim ang mga tsuper sa kooperatibang konsolidado na may iisang prangkisa.
Bagaman minamadali, sa bulsa pa rin ng mga opereytor at tsuper huhugutin ang bigat ng gastos sa pagbabagong ito. Kung kaya’t isang pasakit at hindi oportunidad sa mga tsuper ang makapagmaneho ng modernong jeepney.
Hindi nga naman madaling ipunin ang presyo nitong umaabot ng P3 milyon. Halagang sa panahon ng mga nagtataasang bilihin, maaaring hanggang pangarap lang.
Sa ganitong sistema, tunay na makatao nga ba ang programa kung maiiwan ng biyahe patungong modernisasyon silang nabubuhay sa pasada?
Silang naiipit ng PUVMP
“Wala akong ibang hanap buhay kundi ito lang, mawawala pa,” sambit ni Lito Andal mula Batangas, nang matanong kung paano haharapin ang nalalapit na deadline sa PUVMP sa Abril 30.
Sa mahigit 20 taon kasing pagtatrabaho, sa pagpapasada lang niya kinukuha ang panustos sa araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamillya. Ito rin ang tangi nilang pinagkukunan para pag-aaral ng kanyang apat na anak.
Mula noon hanggang ngayong patuloy na itinutulak ang jeepney phaseout, patuloy rin ang kanyang paninindigan na hindi magpakonsolida. Lalo na’t ang kaniyang jeepney na ipinapasada’y mula sa sariling pagod at tiyaga.
“Gustong palitan ‘ypng aming sariling naipundar, tapos magkakaroon pa kami ng utang, hindi pa namin sarili ‘yung binabayaran. Ang nakakalungkot nga lang kasi kung alin ang ipinundar ng Pilipino, ‘yon ang gusto nilang alisin,” aniya.
Gayunpaman, hindi lang naman ang tsuper ang mawawalan ng pagkakakitaan kapag nawala ang mga jeep sa lansangan. Maging ang mga barker gaya ni Roden Tamayo, 48 taong gulang, nangangamba na mawala ang tanging kabuhayan.
Sa lansangan na lumaki si Tamayo kaya naman pagpupunas ng sasakyan at pagpa-parking ang kanyang kinagisnang kabuhayan. Nang nagkaroon ng sariling pamilya, pagba-barker naman ang kanyang ipinambuhay sa kanyang mag-anak.
“May magbibigay sayo, may wala. [Kung] magkano ang iaabot nila, e ‘di tanggapin mo. ‘Di ka naman puwedeng reklamo nang reklamo. Pagagalitan ka rin [ng mga tsuper], siyempre, naghahanapbuhay din ‘yon,” aniya.
Sa 30 taon ng pagba-barker, hindi kalakihan at walang katiyakan kung magkano ang naiuuwing pera ni Tamayo, pero malakas na raw kung makakapag-uwi siya ng 400 pesos matapos ang maghapong pagbibilad sa initan. Aniya, sapat lang ito para maitawid ang pang araw-araw nilang pangangailangan.
Ngunit dahil sa nagbabadyang pagkawala ng mga tradisyonal na jeepney, nangangamba si Tamayo na wala na siyang maiuuwing panustos sa pamilya. Kaya naman sa tuwing may protesta, kasama siya sa libo-libong nananawagan na ibasura ang PUVMP.
“Siyempre, d’yan kami nabubuhay sa pagtatawag lang e, sa mga jeepney driver. ‘Pag wala sila, hindi kami mabubuhay,” saad ni Tamayo.
Para sa kanyang hindi nagkaroon ng pribilehiyong makatapos ng pag-aaral, pangangalakal ang nakikita niyang alternatibo kung sakaling mawalan ng kabuhayan.
Sa katunayan, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga tsuper gaya ni Andal sa Welcome Rotonda kamakailan lang para ipanawagan ang pagbabasura ng programa at bagkus ibalik sa kanila ang limang-taong prangkisa.
Silang lumulan sa modernisasyon
Sa pagpapasada sa rutang Sta. Mesa-Quezon Ave. na binuhay ni Renato Paguirigan ang kanyang pamilya. Sa loob ng 35 na taon, ito na rin ang naging sandigan niya upang mapagtapos ng pag-aaral ang tatlong anak.
Kung kaya’t gano’n na lang niya ipagmalaki ang hanapbuhay na hindi lamang bumuhay sa kanilang pamilya kundi naghatid rin sa kanila sa tagumpay. Dahilan kung bakit hindi niya basta-bastang maiwan ang araw-araw niyang kinagisnan.
Isa si Parguirigan, kasama ang kanyang mga kapwa drayber sa rutang Sta. Mesa-Quezon Ave. sa mga nagdesisyong sumali sa mga kooperatiba at ngayon’y konsolidado na.
Aniya, kahit tutol ang lahat sa pagbabagong pilit na ipinatutupad, tila wala na silang magawa kundi maging praktikal lalo na’t marami sa kanila ang may binubuhay pang pamilya.
“Tama naman yung pinaglalaban ng katulad ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston), tama naman ’yong pinaglalaban nila kaya lang siyempre andoon ‘yong takot e, na mawalan ng hanapbuhay,” sabi niya.
Ayon pa kay Paguirigan, sinubukan nilang bumuo ng sariling kooperatiba, ngunit katakot-takot na gastos at proseso ang sumalubong sa kanila. Para bang kinakailangan pa nilang dumaan sa butas ng karayom. Bagay na kanilang ikinagulat sapagkat hindi ito akma sa minamadaling implementasyon ng PUVMP.
Sa kabilang banda, nandoon pa rin ang pangambang hindi sasapat ang kita sa pagmamaneho ng modernong jeepney kung saan ang kanilang sahod ay nakasalalay sa ibababang quota ng mga operator. Kung sakaling hindi aabot, kaltas ito sa arawang sahod ng tsuper na hindi nga naman matutumbasan ang pagod sa maghapon at magdamagang pasada.
Ang pangako ng kooperatiba, papatak ng P1,000 kada araw ang maaari nilang kitain. Ngunit para sa grupo, hindi ito dapat gawing basehan nang minsan din nilang mabalitaan kung paano ito maaaring maabot.
“Ang naranasan namin diyan sa kabilang koop, maaga silang bumabiyahe. Alas kwatro hanggang alas diyes ng gabi. So lumalagpas sila ng 16 hours. Ang masakit pa nito, siyempre pagod ka na, bukas wala ka namang biyahe. So papatak, ‘yong araw mo, P500 lang,” ani Paguirigan.
Sa pagiging dispatcher at sekretarya ng Rizal Ave.-Lardizabal Operators and Drivers Association (Raloda) naman nakamit ni Juliet Llanes ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay at mapagtapos sa pag-aaral ang kanyang tatlong anak.
Isa ang Raloda sa mga nagpakonsolida upang magkaroon pa ng mas mahabang palugit ang pagpapasada ng higit 100 na tsuper sa kanilang ruta.
Aminado sina Llanes na hindi kakayanin ng karamihan sa kanila ang maghulog para sa milyon-milyong halaga ng modernong jeepney. Lalo na’t naapektuhan din ng pandemya ang pasok ng mga mag-aaral na malapit sa kanilang terminal sapagkat ito ang mga nagsisilbi nilang mga pangunahing pasahero.
“Kaya pa naman siguro, five to seven years pa. Siguro ‘yong iba niyan, uuwi na. ‘Yon ‘yong sabi nila, kasi hindi naman nila kakayanin. Sino naman ‘yong kukuha ng gano’n kalaking halaga?” dagdag niya.
Patunay din ito kung gaano kalalim ang pagpapahalaga ng kanilang grupo sa mga tradisyonal na jeep dahil sa natatangi nitong kalidad. Aniya, kung tumatakbo pa naman, mas mainam na ayusin, pinturahan at baguhin na lamang kung ano ang nasa atin sa kasalukuyan.
Gayunpaman, pinili na lamang nilang sumabay sa agos ng panukala para sa ikinabubuhay ng 100 nilang tsuper. Si Llanes mismo ang nag-asikaso upang maging kooperatiba ang kanilang grupo kahit mahirap at masakit sa bulsa.
Iba nga naman ang takot kung dalawa lang ang kahihinatnan nilang mga umaasa sa pasada: ang harapin ang bukas na walang kasiguraduhang may pagkakakitaan pang panghahawakan.
Bagaman magkaiba ang piniling daan ng bawat isa, hindi mapagkakailang kabuhayan ang pareho nilang pinaglalaban.