Krisis sa init, enerhiya, damang-dama


Mula Abril 16, patuloy ang pagtataas ng Red at Yellow Alerts sa Luzon grid at Yellow Alerts sa Visayas grid dahil sa kakulangan ng suplay sa enerhiya.

Naitala ang Abril ngayong taon bilang isang kritikal na buwan para sa Pilipinas dahil sa matinding heat wave na naranasan ng bansa kasabay na manipis na suplay ng kuryente.

Mula Abril 16, patuloy ang pagtataas ng Red at Yellow Alerts sa Luzon grid at Yellow Alerts sa Visayas grid dahil sa kakulangan ng suplay sa enerhiya.

Patuloy umano ang Department of Energy (DOE) sa mahigpit na pagbabantay at pakikipag-ugnayan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at lahat ng mga power generation company sa panahong ito ng matinding init at mataas ang pangangailangan sa kuryente.

Nakakaranas ng ilang hamon ang merkado ng kuryente sa Pilipinas dahil sa mataas na demand na naging sanhi ng pagtaas ng presyo sa Luzon at Visayas. 

Sa Luzon, tumaas ang presyo mula P5.55 kada kilowatt hour hanggang P13.39 kada kilowatt hour. Sa Visayas, tumaas ang presyo mula P5.73 kada kilowatt hour hanggang 14.64 pesos kada kilowatt hour.

Dulot ng forced outages ang pagpapalabas ng naturang alert warnings nang hindi bababa sa 44 generation units, 21 dito ay hydropower plants na hindi na gumagana dahil sa mababang lebel ng tubig dulot ng El Niño. 

Dagdag dito, hindi bababa sa 14 na generation units sa buong bansa ang nagpapatakbo sa mga derated na kapasidad dahil sa mababang suplay ng tubig, mahinang kalidad ng karbon at mga isyu sa suplay ng gas.

“There is no power crisis in the Philippines,” sabi ni Energy Assistant Secretary Mario Marasigan sa isang interbyu. 

Sinabi ng opisyal ng DOE na may sapat na suplay ng kuryente ang bansa sa gitna ng El Niño.

Ang pagkabahalang ito’y nag-ugat sa kasaysayan ng bansa na may pagkawala ng kuryente, sanhi ng mataas na demand at mababang supply ng enerhiya.

Noong Abril, kitang-kita na hindi nawala ang krisis sa enerhiya ng Pilipinas kahit na sinabing hindi magkakaroon nito ayon sa awtoridad.

“We, the consuming public, can assist in this effort to reduce or decrease or manage the demand by reducing our power consumption during the hours covered by the Red and Yellow Alerts and during the peak hours in general,” ani Energy Secretary Raphael Lotilla.

Malubhang init ang dahilan ng mataas na energy consumption ng mga Pilipino, isa itong payo na hindi epektibo para sa iilan.

“We’re continuing to monitor the power supply. We’re continuing to monitor the price and we’re continuing to encourage and to endorse all of the programs of NGCP so that they will increase the coverage of their transmission lines all over the country,” sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

“Kulang sa plano ang pamahalaan. Nakadepende pa rin tayo sa fossil fuels,” sabi ni Antonio La Viña, associate director for climate policy and international relations ng Manila Observatory sa Ateneo de Manila University.

Noong 2019, ang fossil fuels ay umabot sa humigit-kumulang 73.56% ng kabuuang pangangailangan ng kuryente sa Pilipinas.

Dagdag pa ni La Viña, nararapat na bilisan ang energy transition papunta sa renewable energy bilang hakbang ng gobyerno upang maibsan ang init sa bansa maliban sa pag-mo-monitor nila ng power supply at pagtaas ng presyo ng kuryente. 

Sa kasalukuyang taon, ang paglipat mula sa mga fossil fuels papunta sa renewable energy ay nagpapatuloy.

Bukod sa pag-shutdown ng power plants at pagbaba ng suplay ng kuryente, nakapagtala nitong Abril ng pinakamainit na temperatura na nagdulot ng ‘di komportableng init sa mga Pilipino.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), umabot sa nakaaalarmang antas ang init noong Abril 29. 

Naitala ang init sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City sa 41 degrees Celsius at sa Sangley Point sa Cavite sa 47 degrees Celsius.

Nakaranas ang Dagupan City sa Pangasinan ng nakamamatay na heat index na 51 degrees Celsius sa parehong araw na minarkahan bilang pinakamataas na naitala.

Ipinaliwanag ng Pagasa, ang mga temperatura ng heat index mula 33 hanggang 41 degrees Celsius ay nauuri bilang “extreme caution,” habang ang 42 hanggang 51 degrees Celsius ay may label na “danger” level.