Mga peryodista, nanawagan ng hustisya
Panawagan nila na wakasan na ang inhustisya sa mga paglabag sa malayang pamamahayag, gayundin ang pananakot at panghaharas na patuloy na nararanasan ng mga peryodista sa bansa.
Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Malayang Pamamahayag nitong May 3, nagtipon-tipon sa Boy Scout’s Circle sa Quezon City ang mga peryodista mula sa iba’t ibang dako ng bansa para manawagan ng katarungan para sa mga paglabag sa kalayaan sa pamamahayag sa Pilipinas.
Pinangunahan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagsisindi ng mga kandila para sa hustisya kina Gerry Ortega at Brandon Lee, agarang paglaya ng nakapiit na mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio at iba pang mga mamamahayag na naging biktima ng pang-aabuso at pagpatay.
Dinaluhan ito ng mga iba’t ibang kinatawan mula sa College Editors Guild of the Philippines, Youth Advocates for Climate Action Philippines at mga mamamahayag mula sa dominante at alternatibong midya.
Panawagan nila na wakasan na ang inhustisya sa mga paglabag sa malayang pamamahayag, gayundin ang pananakot at panghaharas na patuloy na nararanasan ng mga peryodista sa bansa.
“Nakapagtala po tayo ng 135 incidents of attacks, at mas malaki po ito ng halos 40% kung ikukumpara sa parehong period ng nakaraang administrasyon,” sabi ni NUJP secretary general Ronalyn Olea.
Dagdag pa rito, binigyang diin din sensura ng pamahalaan sa alternatibong midya katulad ng nangyaring domain name system blocking sa mga website ng Pinoy Weekly at Bulatlat.
“Sa loob ng dalawang taon, nakaranas kami ng iba’t ibang paghihirap kung paano namin mailalabas ang aming mga balita at impormasyon para sa mamamayan. Nandoon ‘yong aming effort para magbigay ng napapanahong balita at impormasyon pero ano ang ginagawa ng gobyernong ito?” ani Marc Lino Abila, punong patnugot ng Pinoy Weekly.
Dagdag niya, hindi lang ang kalayaan ng mga mamamahayag ang nalalabag, kundi pati na rin ang kalayaan sa impormasyon ng mamamayan.
Nagpahayag rin ng pakikiisa sa pagkilos ang mga kabataang peryodista mula sa Union of Journalists of the Philippines-University of Philippines.
Wika ng chairperson nito na si Gwen Latoza, ang mga kolehiyo at unibersidad na dapat naglilinang sa mga kabataang peryodista ang mismong nagsesensura at kumikitil sa kritikal at malayang pamamahayag.
“Doon nailantad po na kahit ang mga mumunting pang-campus na publikasyon na salat na po sa kagamitan at pondo ay tina-target ng paniniktik ng estado,” aniya.
Sa nakalipas na dalawang dekada, higit 300 mamamahayag na ang pinaslang sa Pilipinas. Kalakhan sa mga kasong ito ang wala pa ring hustisya. /May ulat mula kina Ma. Emmylou Solidum at Juliane Damas