Brodkaster sa Albay, patay sa pamamaril


Pinagbabaril ang brodkaster na si Noel Bellen Samar, mas kilala bilang Mr. Bull’s Eye”, sa Guinobatan, Albay noong Okt. 20. Naitakbo pa siya sa ospital ngunit pumanaw din kinabukasan. Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.

Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpatay sa brodcaster na si Noel Bellen Samar, 54, sa Albay. Siya ang ikawalong mamamahayag na pinaslang mula nang maluklok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022.

Kilala si Samar bilang “Mr. Bull’s Eye” sa kanyang programa sa 92.3 DWIZ News FM Legazpi at 95.7 DWBC FM. Binaril si Samar noong Okt. 20 habang sakay ng motorsiklo sa Maharlika Highway sa Guinobatan. Nagtamo siya ng apat na tama ng bala at idineklarang patay kinabukasan, Okt. 21.

Inaalam pa ng pulisya ng Guinobatan ang anggulo sa pagpatay sa biktima. Ayon sa NUJP, ang pagpaslang kay Samar ay nagpapakita ng patuloy na kawalan ng katarungan sa mga atake laban sa midya, lalo na sa mga lugar na may korupsiyon at matinding labanan sa politika.

Nanawagan ang NUJP sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang malaman kung may kaugnayan sa kanyang trabaho ang krimen. Anila, dapat panagutin ang salarin upang wakasan ang pagbabanta sa pamamahayag.