Balitang Global

5 mamamahayag, kinitil ng airstrike ng Israel sa Gaza


Pinuntirya ng Israel Defense Forces ang mamamahayag ng Al Jazeera na si Anas al-Sharif sa pambobomba nito sa isang media tent sa Gaza City noong gabi ng Ago. 11. Nasawi rin ang apat na mamamahayag na kasama ni al-Sharif.

Dinaluhan ng mga mamamahayag at residente ng Gaza ang libing ng limang mamamahayag na nasawi sa Israeli airstrike sa gitna ng giyera. AP

“Kung umabot sa inyo ang mga salitang ito, ibig sabihin nagtagumpay ang Israel na patayin ako at patahimikin ang aking boses,” ayon sa inihandang post sa mga wikang Ingles at Arabe ng mamamahayag na si Anas al-Sharif sa kanyang X (dating Twitter) account sa pagkakataong masawi siya bago matapos ang mga atake ng Israel sa Gaza. 

Linggo ng gabi, Ago. 11, nang pinuntirya ng Israeli airstrike ang isang media tent ayon kay Dr. Mohammad Abu Salmiya, direktor ng Al-Shifa Hospital sa Gaza City na ikinasawi ng limang mamamahayag mula sa Al Jazeera: sina Anas al-Sharif, 28; Mohammed Qreiqeh, 33; mga camera operator na sina Ibrahim Zaher, 25, at Mohammed Noufal, 29; at Moamen Aliwa; 23.

Ayon sa Israel Defense Forces (IDF), target nila si al-Sharif na isang lider umano ng puwersang mapagpalaya ng mamamayang Palestino na Hamas na responsable sa mga atake sa Israel noong Oktubre 2023 sa kasagsagan ng Daluyong ng Al-Aqsa. Binansagan ding “terorista” ng IDF si al-Sharif.

Agad naman itong itinanggi ng Al Jazeera at ng pamilya ni al-Sharif. Iginiit nila na walang katibayan ang sinabi ng IDF at dedikadong mamamahayag si al-Sharif na handang maglingkod.

Nitong Hulyo, nagbabala na ang Committee to Protect Journalists (CPJ) na lubhang delikado sa buhay at kaligtasan ang pagbansag sa isang mamamahayag tulad ni al-Sharif bilang “terorista” nang walang kongkretong batayan. Para sa grupo, banta rin ang ganitong taktika sa kalayaan ng pamamahayag.

“Estratehiya ng Israel ang masaker na ito para patahimikin ang midya,” ani Reporters Without Borders (RSF) director general Thibaut Bruttin.

Sa datos ng Gaza Government Media Office, kung saan kumpirmadong 184 mula sa 283 ang mga mamamahayag na namatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin mula nang magsimula ang giyera noong Oktubre 2023. 

Bilang pakikiramay, nagmartsa sa Ramallah ang mga Palestino na may dalang watawat at larawan ng mga biktima, habang libo-libo rin ang nagprotesta sa Tunisia, Ireland, Germany, Netherlands, United States, United Kingdom, Norway at Sweden.

Ayon sa mga nagprotesta, alam na ng buong mundo ang henosidyo sa Gaza at hindi na maaaring itago ng Israel sa midya ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa Palestine.

Sa Pilipinas, nag-organisa ng candlelight protest sa UP Diliman noong Ago. 13 ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) bilang pagkondena sa pagpatay sa limang mamamahayag sa Gaza.

Tinawag ng CEGP ang insidente na “grave attack on press freedom” at nanawagan naman ang NUJP sa mga Pilipinong mamamahayag na ipagpatuloy ang pagbabalita tungkol sa sitwasyon sa Gaza.

Nanawagan ang din ang RSF, CPJ at Media, Entertainment and Arts Alliance sa United Nations (UN) Security Council na ipatupad ang Resolution 2222 (2015) hinggil sa proteksiyon ng mga mamamahayag sa panahon ng armadong tunggalian.

Humingi rin ng independiyenteng imbestigasyon si UN Secretary General Antonio Guterres upang matukoy ang katotohanan sa pagkamatay nina al-Sharif at iba pang mamamahayag sa Gaza.