Protesta at kampuhan sa mga prestihiyosong unibersidad sa mundo para sa Palestine


Nitong Abril 17, sinimulan ng komunidad ng Columbia University sa New York City ang pagtatayo ng mga tent sa loob ng pamantasan. Tinawag nila itong “Gaza Solidarity Encampment.”

Habang patuloy ang paglipol ng Israel sa mamamayan ng Palestine kung saan umabot na sa mahigit 35,000 ang naitalang patay, lalo pang lumalakas at dumadami ang mga nananawagan para sa tuluyang paglaya ng mga Palestino. Sa ngayon, tila apoy na kumakalat ang mga protesta at pagtatayo ng kampuhan ng mga estudyante at guro sa mga prestihiyosong unibersidad sa mundo.

Nitong Abril 17, sinimulan ng komunidad ng Columbia University sa New York City ang pagtatayo ng mga tent sa loob ng pamantasan. Tinawag nila itong “Gaza Solidarity Encampment.”

Kasabay nito, naglunsad din sila ng iba’t ibang pag-aaral at aktibidad tampok ang kanilang pangunahing mga panawagan: divestment o pag-alis ng unibersidad sa mga kompanyang Israeli at/o kompanyang kumakamal ng kita sa henosidyo sa Palestine, pagtigil ng pagpopondo ng gobyerno ng United States (US) sa puwersang militar ng Israel, at tuluyang pagpapalaya sa mga Palestino

Sa araw ding iyon, humarap si Columbia University President Nemat Shafik sa isang pagdinig ng komite ng US Congress  hinggil sa umano’y antisemitismo o diskriminasyon sa mga Hudyo na kumakalat sa pamantasan. Doon sinabi ni Shafik na antisemitiko ang mga chant na “from the river to the sea, Palestine will be free” at “long live Intifada.”

Kapit-bisig na nilabanan ng mga estudyante ng Columbia University sa New York City, United States ang pagsira ng pulisya sa itinayo nilang kampuhan at ang marahas na pag-aresto sa mga nananawagan ng pagtigil sa henosidyo ng Israel sa Palestine. Gabriella Gregor Splaver/Columbia Daily Spectator

Nakaugat ang naturang pagdinig ng US Congress sa sunod-sunod na pagkilos ng pro-Palestine na mga estudyante at guro sa mga paaralang Ivy League, mga prestihiyosong pamantasan at kolehiyo sa US, simula noong Oktubre 2023.

Pero taliwas sa sinasabing antisemitismo, ang mga nagprotesta kontra giyera sa Palestine ang nakatanggap ng kaliwa’t kanang harassment, pagbabanta at atake mula sa administrasyon ng mga unibersidad, pulisya at Zionistang agresor.

Sa dokumentaryong inilabas ng AJ+, nasa 10 estudyante ng Columbia University ang naospital matapos mabiktima ng “skunk,” isang pamamaraang ginagamit ng militar ng Israel laban sa mga Palestino sa West Bank, sa protesta nitong Ene. 19.

Para sabayan ang kanyang atrasado at nakakaalarmang retorika, ipinag-utos kinabukasan ni Shafik na wasakin ang mga tent at damputin ang mga estudyante at gurong nagtayo nito.

Umabot sa 108 na mga indibidwal ang naaresto ng New York Police Department (NYPD) nitong Abril 18 matapos ang marahas na dispersal sa unibersidad.

“Nakakapangilabot para sa marami sa’min na ang presidente ng Columbia U ay nagpatawag agad ng NYPD sa kampus nang hindi man lang gumagawa ng paraan upang pigilang lumaki pa ang isyu,” sabi sa Ingles ni Bassam Khawaja ng Columbia Law School sa isang panayam ng Al Jazeera.

“Nagbabayad ng matrikula para makapasok dito ang mga [inarestong] estudyante. Nasa pangangalaga natin sila at dapat pinoprotekhan natin sila at lumilikha ng espasyo para sa malayang pananalita at pagpapahayag, hindi ‘yong tumatawag ng riot police para paalisin sila sa kampus,” dagdag ni Khawaja.

Hinuli ng mga pulis ang isang raliyista habang sinusubukang buwagin ang kampuhan ng mga estudyante at gurong pro-Palestine sa Free University of Berlin sa Germany nitong Mayo 7. Filip Singer/EPA via The Guardian

Kinondena rin ng mga grupo mula sa iba’t ibang pamantasan sa loob at labas ng US ang ilegal na pag-aresto.

Bilang pakiisa sa inilalaban ng komunidad ng Columbia University, nagtayo na rin ng kampuhan ang mga estudyante ng Yale University, Harvard University, Massachusetts Institute of Technology, New York University, University of California, Los Angeles (UCLA) at iba pang pamantasan sa US.

Samantala, naglunsad din ng parehong pagkilos ang mga estudyante mula sa Oxford University sa United Kingdom, Sorbonne University sa France at iba pang kampus sa Europe at Asya-Pasipiko.

Gayunpaman, imbis na pakinggan ang hinaing ng mga estudyante’t guro, pinapatawan ng disciplinary actions, sinususpinde, pinapalayas sa dormitoryo, hinuhuli at kinakasuhan sila ng pamunuan ng mga pamantasan at ng pulisya.

Sa US pa lang, mahigit 2,800 na ang naaresto at kinulong simula noong Abril.

Kabilang sa mga hinuli ang dalawang miyembro ng Anakbayan sa UCLA nitong Mayo 3.

“Sa nakaraang linggo, humarap ang aming kampo sa patuloy na pag-atake mula sa Zionista na pinahintulutan at suportado ng unibersidad, pati na rin ng paniniktik at panunupil mula sa UCPD at LAPD (Los Angeles Police Department),” sabi ng grupo sa isang pahayag sa Ingles.

Umani ng atensiyon ang bayolenteng atake ng mga Zionista sa kampuhan sa UCLA. Pinagpapalo ng kahoy, ginamitan ng chemical sprays and hinagisan ng paputok ang mapayapang protesta. Walang umawat na pulis at walang naaresto sa panig ng mga agresor.

Sabi ni Maysam Elghazali ng Emory University sa isang panayam, malaking kabalintunaan na silang nagpoprotesta laban sa henosidyo at giyera ay tinutugunan din ng war tactics na ginagamit laban sa mga inosenteng sibilyan ng Palestina.

Inokupa at pinalitan ng pangalan ng mga estudyante ng Columbia University ang Hamilton Hall bilang pagkilala kay Hind Rajab, 6 taong gulang na Palestino, at iba pang martir na pinaslang ng puwersa ng Israel. Palestinian Youth Movement/X (dating Twitter)

Nitong Mayo 8, hindi nasapatan at naghain pa ng panukala ang isang mambabatas na nagsabing dapat ipadala sa Gaza ang mga estudyanteng nagpoprotesta para magbigay ng community service sa loob ng anim na buwan o higit pa.

Para kay Elle Buntag ng League of Filipino Students, walang pagkakaiba ang nararanasan ng kabataan at estudyante sa Pilipinas sa ibang bansa.

“Noong Mayo Uno ay nagpakawala ng pasistang teror ang mga pulis ng Amerika sa Columbia University para buwagin ang solidarity encampment, habang dito sa Pilipinas ay hinuli ang tinaguriang ‘Mayo Uno 6’ na nakikiisa sa panawagang ibagsak ang imperyalismong US na siyang pangunahing arkitekto ng mga henosidyo sa buong mundo partikular ang sa Palestina,” ani Buntag.

Patuloy na nananawagan si Buntag at iba pang estudyante’t kabataan na ipagtagumpay ang laban ng mamamayan ng Palestine.

“Moral at panlipunang obligasyon nating mga intelektuwal o ng mga kabataan na magmamana ng kinabukasan na gawin ang lahat upang baguhin ang mamanahin nating kinabukasan,” sabi pa ni Buntag.