Mula sa Pilipinas, para sa mga Palestino
Nagmula man ang mga kabataan na ito sa iba’t ibang sulok ng bansa, iisang panawagan ang nagbubuklod sa kanilang lahat: From the river to the sea, Palestine will be free!
Inatasan ng International Court Justice (ICJ) sa gobyerno ng Israel na ihinto ang walang awang pag-atake sa mga Palestino sa okupadong Gaza Strip noong Mayo 24 upang makapasok ang mga naantalang ayudang pagkain at iba pang suplay sa border ng Egypt at Gaza sa Rafah at para rin maisalba ang buhay ng mga Palestino.
Subalit makalipas ang dalawang araw mula noong ilabas ng ICJ ang kautusan, patuloy ang Israel Defense Forces (IDF) sa pagpatay ng mga Palestinong nagbakwit sa Rafah. Inatake mismo ng Zionistang hukbo ang kanilang idineklarang “safe zone” at tuluyang kinain ng naglalakihang apoy ang mga tinitirhang tent kasama maging ang mga walang laban na sibilyan.
Ayon sa huling ulat ng Save the Children noong Mayo 30, umabot ng halos 66 ang naitalang namatay at daan-daan ang lubhang nasugatan sa pag-atake ng Israel sa Rafah.
Kabi-kabilang kilos-protesta ang isinasagawa simula pa noong nakaraang taon ng mga kabataan at mamamayan mula sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang Pilipinas, upang itigil ang henodisyo at makamit ng Palestine ang kalayaan.
Umabot na sa 2,600 ang mga estudyanteng pro-Palestine ang naaresto dahil sa encampment sa iba’t ibang pamantasan sa United States (US).
Sinimulan ng mga mag-aaral ng Columbia University noong Abril 17 ang Gaza Solidarity Encampment bilang panawagan sa unibersidad na humiwalay sa mga kompanyang may kinalaman sa Israel at para sa tunay na kalayaan ng mga Palestino. Matapang itong sinundan ng laksa-laksang estudyante sa iba pang mga prestihyosong unibersidad sa US, kasama ang University of Pennsylvania (UPenn).
Isa ang Pilipinong estudyante sa UPenn na si Eliana Atienza, anak ng television personality na si Kim Atienza, sa mga tumindig para sa mga Palestino. Isa rin siya sa anim na estudyante na sinuspinde ng UPenn dahil sa pagsali sa mga protesta at kampuhan.
Patuloy na naninindigan ang nakababatang Atienza kahit pa pinatawan siya ng ‘di makatarungang disciplinary action dahil sa kanyang matapang na pagpapakita ng pakikiisa sa mga Palestino.
Alyansa para sa Palestine
Nagprotesta at nagmartsa sa loob at labas ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang iba’t ibang progresibong organisasyon noong Mayo 14 upang alalahanin ang ika-76 na taon ng Nakba.
Pinangunahan ng alyansang PUP for Palestine (P4P) ang programa ng pakikiisa sa mga Palestino laban sa henodisyo at ethnic cleansing na ginagawa ng Zionistang Israel. Binigyang diin din ng P4P ang kahalagahan ng pagsali sa pag-boycott ng mga produkto ng mga kompanyang nagpopondo sa mga armas ng IDF.
Ayon kay Ronjay Mendiola, miyembro ng P4P at Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan (Samasa)-PUP Chairperson, binubuo ang alyansa ng isang network ng iba’t ibang organisasyon, estudyante at guro upang bigyang atensiyon ang kasalukuyang kalagayan ng mga Palestino sa okupadang Gaza at para rin sa kanilang pagpapalaya.
Dagdag ni Mendiola, mayroong tatlong pangunahing layunin ang alyansa: tipunin ang mga iskolar ng bayan at lumaban para sa mga Palestino, mabigyang impormasyon ang mga mag-aaral sa karahasan na ginagawa ng imperyalismong United States (US) at Zionistang Israel sa mga Palestino at Pilipino, at tulungan ang mga Palestino-Pilipinong refugee na kasalukuyang namamalagi sa Quezon City.
Ayon naman kay Raphael Jourvy Gavuno, isa sa mga founding convenor ng P4P at miyembro ng League of Filipino Students (LFS)-PUP, naging inspirasyon ng alyansa ang Filipino Youth for Palestine (FY4P).
Aniya, ang walang katapusang pambobomba, pagpatay at pananakop ng mga sundalo at settler na Israeli sa mga Palestino ang kanyang naging dahilan upang sumali at pangunahan ang P4P.
”Nakakakilabot na makakita at makaranas mismo sa [panahon] ko na malamang libo-libong mga inosenteng kabataan at kababaihan ang pinapaslang at hindi ko hahayaang magkikibit-balikat na lang ako at kapwa ko mga kabataang Pilipino rito,” ani Gavuno.
Para kay Rain Nordin ng Just Peace for Palestine-University of the Philippines Manila (JPP-UPM), parehas ng layunin ang JPP-UPM at P4P. Nangunguna rito ang mamulat ang mga estudyante sa mga nangyayari at makiisa sa pagkamit ng tunay na kalayaan ng mga Palestino.
Nag-oorganisa sila ng mga pagkilos para sa Palestine sa kani-kanilang unibersidad. Malimit ang pagbabahagi nila ng mga balita at impormasyon sa isa’t isa sa mga nangyayari sa Palestine.
“Sumali ako rito dahil naniniwala ako sa karapatan ng mga Palestino sa makatarungan na kalayaan at karapatan nila sa kanilang bansa. Nandito ako kasi hindi tama ang ginagawang henodisyo ng Israel sa kanila,” sabi ni Nordin.
Nagkakaisang kabataan
Sa pangunguna ng LFS–UP Los Baños (LFS-UPLB) nagkaroon ng Protesta de Mayo at Solidarity Night for Palestine sa kanilang pamantasan noong Mayo 30 para ipahayag ang kanilang pakikiisa sa laban ng mga Palestino.
“Ang LFS-UPLB ay lubos ang pakikiisa at suporta sa lahat ng mamamayang nakikibaka laban sa imperyalismo at mga digmaang pinasisimulan nito. Ang laban ng mga kabataang Pilipino at mga Palestino ay nagkakaisa sa mithiing kamtin ang pambansang kasarinlan, katarungan, at karapatang pantao!” pahayag ng organisasyon.
Samantala noong Mayo 20 naman, naglunsad ang De La Salle-College of St. Benilde Center for Social Action kasama ang mga student-volunteers ng kampanyang Voice for Palestine (VFP) kung saan naglalayong ipakita ang krisis na nararanasan sa Gaza at ang pagpapahayag ng kanilang pakikiisa sa Palestine.
Bahagi ng VFP ang photo exhibition na tampok nag mga kuwento at salaysay ng mga pamilya, partikular ng mga kababaihan, na lubhang naapektuhan sa digmaan.
Nagbukas din sila ng Little Gaza’s Kitchen upang itampok ang mga lutuin at pagkaing Palestino, at nagkaroon ng talakayan kasama ang mga pamilya mula sa Little Gaza’s Kitchen na nagbahagi ng kanilang mga kuwento at personal na karanasan sa panahon ng digmaan.
Hindi rin nagpahuli sa pagbibigay suporta ang iba’t ibang progresibong organisasyon mula sa Philippine Normal University (PNU) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) tulad ng mga lokal na balangay ng Gabriela Youth, Anakbayan, at Panday Sining, kasama ang STAND PNU at STAND PLM, sa pamamagitan ng pagtatali ng mga laso na kumakatawan sa mga kulay ng watawat ng Palestine sa paligid ng pamantasan na sumisimbolo sa paninindigan laban sa pagkubkob at pambobomba ng Israel.
Ilan lang sina Eliana, Ronjay, Raphael at Rain sa mga mag-aaral na lumalaban para makamit ng mga Palestino ang tunay na kalayaan. Sinisimbolo ng kanilang pagboses at mga alyansang sinalihan ang malasakit na mayroon sila laban sa henodisyo na nararanasan ng mga Palestino.
“Sa mga kapwa kong Pilipino, lalo na sa mga kapwa kong estudyante, ang hindi magsalita ay pagkampi sa mga umaabuso,” ani Nordin.
Nagmula man ang mga kabataan na ito sa iba’t ibang sulok ng bansa, iisang panawagan ang nagbubuklod sa kanilang lahat: From the river to the sea, Palestine will be free!