Editoryal

Wala namang nagbago sa Pilipinas


Kaysa pagtuunan ng pansin ang mga suliranin ng bayan, magkantahan na lang tayo ng “Bagong Pilipinas” sa pagsisimula ng araw bago harapin ang katakot-takot na pasanin.

Naglabas kamakailan ng kautusan ang Malacañang para idagdag ang pag-awit ng himno at pagbigkas ng panata ng “Bagong Pilipinas” tuwing seremonya ng pagtataas ng watawat.

Sabi ng mga naabutan ang Batas Militar ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., halos wala itong pagkakaiba sa “Bagong Lipunan” na pinaawit sa mga paaralan at opisina ng gobyerno noon.

Ginamit ito ng diktador para ikondisyon ang isipan ng mamamayan na nasa mabuting kalagayan ang bansa, kahit sa katotohana’y batbat ito ng korupsiyon sa burukrasya at militar, paglagapak ng ekonomiya at kabuhayan, kagutuman at kahirapan, at kaliwa’t kanang paglabag sa karapatan.

Kapansin-pansin kung paano ginamit ng Palasyo ang Flag and Heraldic Code of the Philippines para bigyan ng legal na batayan ang memorandum circular.

Pero ayon sa abogadong si Mel Sta. Maria, ilegal ang nasabing kautusan dahil hindi naman umano sinasabi ng batas na may kapangyarihan ang pangulo na dagdagan ng bagong himno at panata liban sa “Lupang Hinirang” at “Panunumpa sa Watawat.”

Maaari rin umanong magamit ang batas para kasuhan at ibilanggo ang mga hindi tatalima sa kautusan sa pag-awit ng bagong himno at pagbigkas sa bagong panata bilang protesta. “Coercive” ang circular, ika nga ni Sta. Maria.

Para naman kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, lalong hahaba ang flag ceremony na kakain ng oras na mas mainam umanong gugulin sa klase.

“‘Pag ginawa ‘yan sa mga public school, ‘yong first period mauubos na, ‘yong 40 minutes mauubos na kasi ‘to ng ‘Lupang Hinirang,’ ‘Panatang Makabayan,’ kakanta pa ‘yan no’ng city hymn o municipal hymn. Kung idadagdag ‘yan talagang mauubos ‘yong first period,” ani Castro sa isang panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

Hindi kailangan ng mamamayan ng bagong himno at panata. Kailangan ng mamamayan ng bagong sistemang maglilingkod sa kanilang mga demokratikong interes kapalit ng bulok na sistemang pinamumunuan ng mga tulad ni Marcos Jr.

Ganoon din sa mga ahensiya ng pamahalaan kasama ang mga government-owned and controlled corporations, liban sa “Lupang Hinirang,” “Panunumpa sa Watawat,” bibigaksin pa ang “Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno” at himno ng ahensiya kung mayroon na susundan pa ng mahahabang talumpati ng mga opisyal.

Pero bakit ipinagpipilitan ni Marcos Jr. ang ganitong klase ng paandar?

Magdadalawang taon na kasi siya sa poder, pero kapansin-pansin na wala pa ring nagagawa ang kanyang administrasyon upang signipikanteng mapabuti ang kalagayan ng mamamayang Pilipino.

Kaysa pagtuunan ng pansin ang mga suliranin ng bayan tulad ng mala-gintong presyo ng bilihin at serbisyo, mababang sahod at kawalan ng hanapbuhay, naghihingalong agrikultura, sisinghap-singhap na ekonomiya at marami pa, magkantahan na lang tayo ng “Bagong Pilipinas” sa pagsisimula ng araw bago harapin ang katakot-takot na pasanin.

Gustong iparamdam ni Marcos Jr. na may nagagawa siya, kahit ang totoo’y abalang-abala siyang maglakwatsa sa ibang bansa para ibenta ang kalayaan, soberanya at likas na yaman ng Pilipinas sa mga banyaga.

Abalang-abala siya na dumalo sa mga kasiyahan at pagtitipon ng mayayamang panginoong maylupa at malalaking negosyante’t komprador habang lugmok ang sambayanan sa patong-patong na krisis.

Hindi naman concerned si Marcos Jr. sa pagpapabuti ng kalagayan ng bansa. Mga patakaran pa nga niya ang sanhi ng mga problema sa presyo bilihin at ekonomiya.

Wala siyang pakialam sa luma o bagong Pilipinas. Nais lang niyang mapabango ng pangalan ng kanyang angkan at mag-iwan kuno ng legasiya kahit pa batbat ng problema ang panunungkulan niya.

Hindi kailangan ng mamamayan ng bagong himno at panata. Kailangan ng mamamayan ng bagong sistemang maglilingkod sa kanilang mga demokratikong interes kapalit ng bulok na sistemang pinamumunuan ng mga tulad ni Marcos Jr.

Hindi natin ito makakamit sa simpleng pag-awit lang. Kailangang itong ipaglaban. Kailangan magkaisa ng mamamayan para durugin ang mga tanikala ng kahirapan, katiwalian at kawalang katarungan. Kailangang ng sama-samang tinig at pagtindig para maging tunay na malaya at maunlad.