Editoryal

Singilan bago halalan


Kapwa malaking hamon ang mga ito, dahil tila umuulit lang naman ang kuwento sa bawat gobyerno. Pero ang patuloy na paniningil ang pruweba na hindi nakakalimot ang sambayanang Pilipino.

Bago natapos ang Hun. 25, nagtagisan sa balita ang dalawang anunsiyo. Una, ang desisyon ng House of Representatives Committee on Human Rights na ipatawag si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Ronald dela Rosa sa mga talakayan ng Kamara sa drug war. Ikalawa, ang anunsiyo ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na may plano ang pamilyang Duterte tumakbo sa pagkasenador.

Nanaig ang ikalawa, kung pagbabasehan ang naging trending sa social media at kung saan pa. Totoo namang nakakaintriga ang mga diskusyon kung paano gagawing ikalawang tahanan ng mga Duterte ang pambansang pamahalaan, matapos nilang maghalinhinan sa Davao City. Kanya-kanya ng taya sa kung sino sa pamilya ang mas may ganansiya, mas may amor sa pambansang entablado.

Hindi na rin nakakagulat kung paano pilit tinatabunan ang usapin ng paniningil ng hustisya para sa giyera kontra droga. Noong Hunyo, natawa pa si dating Executive Secretary Salvador Medialdea nang ipahiwatig ang posibleng pag-imbita sa nakatatandang Duterte sa mga pagdinig.

Ayon kay Duterte, hindi siya dadalo sa anumang pagdinig ng Kongreso sa drug war. Kapag ganitong mga usapin, kailangan daw dumaan sa korte—at lokal na korte, hindi isang institusyon tulad ng International Criminal Court.

Naniniwala silang gumagana ang batas at mga rekurso para sa hustisya sa bansa kahit na hanggang ngayon, hindi maipaliwanag ng administrasyong Duterte bakit sa anim na taon, tatlong kaso lang ng pagpatay kaugnay ng drug war ang matagumpay na nalitis. Napakaliit na numero nito kung itatapat sa libo-libong namatay at itinala mismo sa datos ng gobyerno.

Sa usapin ng numero, marami pa ang hindi maipaliwanag ng pamilyang Duterte. May mga numero na tagong-tago, tulad ng misteryosong mga SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth) o kabuuan ng yaman ng dating pangulo mula 2018 hanggang sa nagtapos ang kanyang termino. Ilang beses itong sinubukan irekwes ng mga mamamahayag pero dahil sa binagong polisiya ng Ombudsman, bigo ang lahat.

Pilit man ginigiit ng mga Duterte, at pati na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gumagana nang tapat ang sistema ng hustisya sa bansa, nariyan ang kaliwa’t kanang mga patunay na may sapat na basehan ang mga Pilipino para magduda.

Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism, sa 30 taon na nakalipas mula 2018, si Duterte ang unang pangulong hindi nagsiwalat sa publiko ng SALN. Nagbabalik naman ngayong taon ang panawagan para sa pagpapakita ng SALN dahil si Duterte ang ginawang administrator of assets ng Kingdom of Jesus Christ ni Apollo Quiboloy.

May mga numero rin na naging laman ng balita. Halimbawa na nito ang P125 milyon sa confidential funds na ginastos ni Sara sa loob ng 11 araw noong 2022. Isa pang kaso ang P51 bilyon na alokasyon sa unang distrito ng Davao City, sa ilalim ni Rep. Paolo Duterte, noong pangulo pa ang kanyang ama. Kahit hati pa sa tatlong taon, higante at makasaysayan pa rin itong badyet sa imprastruktura para sa anumang distrito sa bansa.

Ibig sabihin din nito, kailangan maging mapagmatyag sa ipapasang badyet ng gobyerno para sa 2025. Ano ang mapupunta saan o kanino? Paano maiiwasan na maging pondo sa pangangampanya ang pera ng bayan?

Nariyan at marami pang iba mga dinastiyang politikal. Mula 1987, wala pang naipapasang batas na tunay na pipigil sa nagmumukhang family business na mga lokal at pambansang opisina.

Pilit man ginigiit ng mga Duterte, at pati na rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na gumagana nang tapat ang sistema ng hustisya sa bansa, nariyan ang kaliwa’t kanang mga patunay na may sapat na basehan ang mga Pilipino para magduda. Hindi pa nakatulong na sa patong-patong na problema ng bansa, madaling malimutan ang lumang balita.

Ito ang pasanin ng midya ngayong paparating na halalan: Ang siguruhin na mauungkat ang mga isyu at tanong na hindi sinasagot. At sa mga botante’t mamamayan, maiging makisangkot at patuloy ring magtanong.

Kapwa malaking hamon ang mga ito, dahil tila umuulit lang naman ang kuwento sa bawat gobyerno. Pero ang patuloy na paniningil ang pruweba na hindi nakakalimot ang sambayanang Pilipino.