Bead bracelet para sa makulay na pulso


Gamit ang simpleng materyales, makakabuo na ng bead bracelet na puwede pangporma, panregalo at pangnegosyo.

Hindi lang para kay bespren at Taylor Swift ang makukulay at magagandang bracelet. Gamit ang simpleng materyales, makakabuo na ng bead bracelet na puwede pangporma, panregalo at pangnegosyo.

Kailangan ang mga susunod na materyales: 

  • Elastic nylon cord (0.08mm)
  • Makukulay na beads
  • Gunting
  • Extender chain
  • Stopper o crimp beads
  • Clasp hook

Mga hakbang ng paggawa:

1. Ihanda ang mga materyales. Simulan sa pagpili ng beads at palamuti na gagamitin.

2. Gumawa ng draft o disenyo. Magiging basehan ito kung babagay ang porma at pagkakasunod-sunod ng mga beads. Maaaring planuhin ang disenyo nang hindi pa inilulusot ang mga beads sa cord.

3. Kumuha ng elastic nylon at sukatin ito sa pulso. Maglaan ng sobrang 2 pulgada upang madaling i-adjust ang haba ng cord. 

4. Gupitin ang nylon gamit ang gunting.

5. Simulang ilusot ang mga napiling beads sa nylon cord string. Siguraduhin na maayos ang pagkakalusot ng beads sa nylon cord.

6. Isukat ang bracelet sa pulso. Siguraduhing hindi masikip o maluwag bago gawin ang susunod na proseso. Maaaring i-adjust ang haba ng bracelet kung kinakailangan.

7. Kumuha ng 5 pirasong extender at padugtong-dugtongin ito. Ginagawa ito upang madaling higpitan o luwagan ang bracelet.

8. Ilagay ang ginawang extender sa dulo ng beads. Siguraduhin nakadikit ang extender sa huling beads upang hindi magkaroon ng espasyo ang bracelet.

9. Maglagay ng malaking beads kasunod ng extender. Nakakatulong ang paglalagay ng malaking beads matapos ang extender upang maiwasang lumusot ang extender sa stopper.

10. Isunod na ilagay ang stopper sa dulo ng beads. Gamit ang gunting, pisilin ang stopper hanggang mapisa ito.

11. Kumuha ng clasp at ilagay sa kabilang dulo ng beads. Tingnan kung tama ang pagkakasunod ng beads at haba ng bracelet bago ilagay ang clasp.

12. Kumuha ng panibagong stopper at ilagay ito kasunod ng clasp. Gumamit ng gunting upang yupiin ang stopper. Tiyakin na walang pagitan ang stopper at clasp.

13. Gupitin ang sobrang nylon sa magkabilang dulo ng bracelet.

14. Tapos na! Maaari mo na isuot ang bracelet. Kung ipangreregalo o ibebenta naman, magandang ilagay ito sa munting kahon para mas maging kaaya-aya sa paningin.