Grupo ng tanggol-karapatan sa Bikol, lumahok sa interbensiyon sa kalusugang pangkaisipan
Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan Bicol na ituloy ang pagpapaunlad sa kalusugang pangkaisipan sa hanay ng mga tanggol-karapatan sa rehiyon.
Hindi lang mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao ang nagkakaroon ng trauma, maging ang mga nagsusulong ng karapatan nila’y nakakaranas din nito ayon sa Salinlahi, isang alyansang nagsusulong sa karapatan ng mga bata.
Kaya naman sa unang pagkakataon sa Bikol, pinangunahan ng Salinlahi ang interbensiyon sa kalusugang pangkaisipan sa pamamagitan ng psychosocial support sa mga tanggol-karapatan sa rehiyon noong Ago 2-4 sa Guinobatan, Albay.
Dinaluhan ito ng mga lider at miyembro ng mga progresibong grupong Bikolana Gabriela, Karapatan Bikol, Kabataan Partylist, Kilusang Magbubukid ng Bikol, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Bikol, at iba pang organisasyon mula sa Camarines Sur, Albay, Sorsogon at Masbate.
Layon ng Salinlahi na tukuyin ang epekto ng tumitinding mga atake ng gobyerno sa usapin ng kalusugang pangkaisipan ng mga bata at ng mga nagtatanggol sa karapatang pantao sa Bikol.
Sa tulong ng interbensiyon at pagsasanay, nagkaroon ng pagproseso sa katatagan at kagalingan ng mga kalahok sa pamamagitan ng pagtugon sa kanilang mga sikolohikal at panlipunang pangangailangan.
“Kasabay ng pagprotekta sa mga bata ay hindi hiwalay ang pagbibigay proteksyon sa mga human at children’s rights defenders,” ayon kay Miguel Gonzales, pambansang tagapagsalita ng Salinlahi.
Mahalaga rin umano na tugunan ang usapin sa mental health ng mga bata at nagsusulong ng karapatang pantao.
“Mahalaga ang pagkakaroon ng mga ganitong interbensyon at pagsasanay, lalong lalo na sa mga biktima ng harassment. Kung baga ito ang tamang venue para i-release ang mga bigat na nararamdaman dahil sa matinding atake,” sabi ni Jen Nagrampa, tagapangulo ng Bayan Bicol at dating detinadong politikal.
Sabi pa ni Nagrampa, politikal ang kalusugang pangkaisipan sapagkat hindi nahihiwalay ang pagprotekta sa kagalingan ng isang indibidwal.
“Ang mga nangyayaring harassment ay nagiging rason ng psychological threat sa mga taong nakakaranas nito,” aniya.
Ayon sa Salinlahi, ang matindig takot na nararanasan ng mga bata dahil sa militarisasyon at harassment sa mga magulang ay rason upang magkaroon ng trauma na nakakaapekto sa pag-iisip at pag-uugali.
Sa mga nakalap na mga datos sa interbensyon ng Salinlahi. nailalantad diumano ang mga inaabot ng mga batas na ipinasa ng gobyerno na may matinding epekto sa mamamayan at bata; at pumipilay sa mga tungkulin para sa malayang lipunan lalong lalo na sa mga bagong henerasyon ayon sa Salinlahi.
Dahil dito, nanindigan ang mga progresibong grupo na dapat tuluyang ibasura ang Anti-Terrorism Act na lumalabag sa mga karapatan na protektahan at makilahok ang mga bata at mamamayan.
“Sagka ang Anti-Terror Law ng rehimeng Marcos Jr. sa pagsusulong ng mga karapatan ng bata, katulad na lamang ng terror financing sa mga organisyon at maging ang pagsampa ng gawa-gawang kaso tulad na lamang kay Sally Ujano na kilala bilang isang Veteran Children Advocate, na ngayon ay convicted sa kasong rebellion,” ayon kay Gonzales.
Si Ujano ay executive director ng Women’s Crisis Center mula 2000 hanggang 2007 at national coordinator ng Philippines Against Child Trafficking mula 2008. Isa rin siya sa mga indibidwal na nagsulong sa pagbalangkas at pagpapatupad ng ilang mga batas tulad ng Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Binatikos din ng Salinlahi ang Republic Act 11036 o Mental Health Act, isang batas na dapat pumoprotekta sa mentalidad ng mamamayan. Hindi dapat umano binubukod ang mga human at children rights defender sa batas na ito.
“Nakikita na ang red-tagging at sunod-sunod na atake ay nagiging dahilan ng sukdulang pagkatakot na kung saan ay umaabot sa pagkait sa mga batayang pangangailangan at panunupil sa mga karapatan,” dagdag ni Gonzales.
Nanawagan ang Bayan Bicol na ituloy ang pagpapaunlad sa kalusugang pangkaisipan sa hanay ng mga tanggol-karapatan sa rehiyon.