Insarabasab! Mangan Tayon!
Ang insarabasab o sarabasab ay kilala na paraan ng “pagkain na niluto sa malakas na apoy” na naglalarawan sa proseso ng pagluluto.
Ang lutong Ilokano ay kilala sa kakaiba at masarap na lasa. Malaki ang impluwensiya ng heograpiya ng rehiyon, na kinabibilangan kapatagan sa tabi ng dagat, kaya’t karaniwan na ang mga pagkaing-dagat at gulay. Ang karne ng baboy ay isa ring pangunahing sangkap sa maraming putaheng Ilokano.
Isa na rito ang insarabasab o sarabasab. Kilala rin ito na paraan ng “pagkain na niluto sa malakas na apoy” na naglalarawan sa proseso ng pagluluto. Maaari itong mapagkamalang sisig ngunit may mas smoky na lasa nito. Karaniwan, ang baboy ay minamarinate, iniihaw, hinihiwa nang maliliit, at hinahalo sa sibuyas, sili at suka na nagbibigay dito ng malasa at maasim na timpla.
Sa tradisyonal na paraan, ang karne ng baboy ay niluluto sa malakas na apoy sa ibabaw ng clay stove na tinatawag na dalikan, at ang lasa ng usok mula sa kahoy ay nagbibigay ng natatanging karakter sa pagkain na ito.
Ang pinakamahalaga sa sangkap ay sukang Iloko. Ngayon, nawala na ang mga lumang pamamaraan ng pagluluto nito, ngunit ang pinakamalapit na alternatibo ay ang paggamit ng uling sa pagluluto.
Mga sangkap:
- 1 kilo ng baboy (liempo at kasim) hiniwa sa 2 cm na kapal
- 4 kutsara ng sukang Iloko o puting suka
- 2 pirasong pulang sibuyas, tinadtad
- 1 kutsarita ng dinikdik na luya
- 3 pulang sili, hiniwa
- 2 Siling haba, hiniwa
- 1/2 tasa ng katas ng calamansi o lemon
- 6 na pirasong bawang
- Asin at bagong giniling na itim na paminta
- Mantikang pamahid
Paraan ng Pagluluto:
- Sa isang lagayan, pagsamahin ang katas ng calamansi o lemon, bawang, at asin. Idagdag ang baboy, siguraduhing pantay ang pagkaka-coat sa karne ng baboy. Takpan ang lalagyan at i-marinate ang karne ng baboy ng magdamag.
- Maghanda ng uling sa grill at paapuyan na ito. Ilagay ang baboy sa ibabaw ng grill hanggang maluto. Paminsan-minsan ay pahiran ito ng mantika at hayaang magliyab ang apoy ng uling dahil ito ay nagbibigay ng lasa sa karne ng baboy.
- Alisin ang karne ng baboy mula sa grill at hiwain ito sa maliliit na piraso.
- Ihalo na ang Sukang Iloko, sili haba at pula, luya , sibuyas at bagong dinurog na paminta. Timplahin ito ayon sa gustong panlasa.
- Haluin maigi at pag natapos ay ilagay na sa isang serving plate.
Madali lamang itong gawin, maaaring ihain kasama ng kanin, basi, at iba pang mga gulay na maaaring umangkop dito.