Sining at paghahanap: Rebyu ng ‘Alipato at Muog’
Isa itong pelikulang magbubulgar sa katotohanan, mag-iiwan ng lamat, gaano man kaliit, sa sistemang kumakanlong sa mga dumukot at nag-utos dukutin si Jonas Burgos.
Pinanood namin nina Ina at Miko sa Greenbelt ang “Alipato at Muog,” entry ni JL Burgos sa Cinemalaya XX. Napakahusay ng pelikula. Sa normal na kalagayan, iko-congratulate ko si JL, kaibigan mula pa sa kolehiyo. Pero nawawala pa rin ang kanyang kapatid. Mas marapat na pasalamatan si JL sa obrang ito. At ito ang masasabi ko sa palabas.
“Dumadami kami kahit hindi naman kami nagrerekrut.”
Ito ang malungkot na sinabi ni Edita Burgos sa isang tagpo sa dokumentaryo nang ipakilala niya ang Desaparecidos, isang support organization ng mga kaanak at kaibigan ng mga taong pinaghihinalaang dinukot ng mga puwersa ng estado at itinagoo patuloy na inililihim sa kaanak at publiko ang kinaroroonan at kalagayan.
Si Mrs. Burgos ang asawa ng yumaong press freedom hero na si Jose Burgos Jr. noong panahon ng martial law ni Marcos Sr. at ina ng aktibistang si Jonas Burgos na 16 taon nang nawawala. Malinaw sa kanya kung sino ang dumukot sa kanyang anak at mahusay na naipakita ito ng dokumentaryo.
Ang kanyang paghahanap sa kanyang anak ang naging salalayan ng pelikula. Ikinukuwento rito ang mga pangyayari at danas ng kanyang pamilya sa paghahanap sa nakatatanda niyang kapatid na si Jonas.
Tanghaling tapat ng Abril 28, 2007 nang dinukot si Jonas ng tatlong lalake at isang babae sa mataong food court ng Ever Gotesco Commonwealth sa Quezon City. Mula sa imbestigasyon ng mga pulis, natukoy ang sasakyang ginamit sa pagdukot—isang behikulong nasa pangangalaga ng 56th Infantry Battallion ng Philippine Army sa Norzagaray, Bulacan.
Kahalintulad ng paghahanap ni Mrs. Burgos kay Jonas ang paraan ng pagkuwento ng pelikula—tahimik pero determinado, pursigido ngunit hindi nawawala ang pagpipino, nananatili ang dignidad. Walang mala-soap opera drama o heavy drama ang palabas, pero maraming lumabas ng sinehang namumugto ang mga mata bunga ng galit na nadama habang pinanunood ang pakikibaka ng mga desaparecido.
Hindi simpleng paglatag lang ng mga datos at ebidensiya kaugnay ng pagdukot sa aktibista ang pelikula. Hindi maqaring baliwalain ang kapangyarihan ng pagsasalaysay na ginawa ni JL. Ika nga, nagpapakita s’ya hindi nagsasabi.
Hindi makakategorya ng mga alagad sa sining ng mga konserbatibo at pasista bilang “just another woke film” ang dokumentaryo. Isa itong pelikulang magbubulgar sa katotohanan, mag-iiwan ng lamat, gaano man kaliit, sa sistemang kumakanlong sa mga dumukot at nag-utos dukutin si Jonas.
Kung susumahin, ang kaso mismo ay may angking lakas. Ayon nga sa abogado ng pamilya Burgos, sa unang pagkakataon, idineklara ng Korte Suprema na ang salarin sa pagdukot kay Jonas ay mismong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police.
Gumulong ang kuwento mula sa mga salaysay ng mga saksi, abogado, human rights workers, kaanak at kaibigan ni Jonas, at kaanak at kaibigan ng kapwa mga nauna at sumunod kay Jonas na biktima rin ng pagdukot. May panayam rin sa mga sundalo at opisyal ng gobyerno, mga dokumentong nakalap, ebidensiyang iniharap sa korte, at pagbisita nina Mrs. Burgos sa lugar ng pinangyarihan at mga kampo militar.
Isinadokumentaryo rin ang iba pang ginawa ng pamahalaan at ng buong institusyong panseguridad nito upang hadlangan ang pagkamit ni Mrs. Burgos ng hustisya. Bahagya rin naipakita ang bitak sa hanay mismo ng militar, at ang perpetwal na pamamayani ng mga pasistang opisyal sa bawat rehimen.
Tinahi ni JL at ng buong crew ng pelikula ang mga footage at tagpo para makabuo ng solidong kuwento. Malikhain, pili at pinagnilayan ang bawat kwadro ng pelikula. Maging ang mga animation na nagdugtong sa ilang pangyayari ay tumahi sa kwento at naglarawan ng emosyon at mga ‘di masabing kirot sa puso ng mga kaanak ng biktima.
Sa panayam sa mga magsasakang pinaglingkuran ni Jonas, naipakita sa mga manonood ang dahilan kung bakit ba dinukot si Jonas—walang lupa ang mga magsasakang nagpapakain sa sambayanan. At dahil dito, kumilos si Jonas para ipaglaban ang kanilang karapatang magkaroon ng sariling lupang sinasaka.
Subersibo at makasasama ba ito sa gobyerno? Hindi! Nararapat pa ngang tularan at purihin si Jonas sa kanyang komitment sa mga magsasaka. Subalit malayo sa demokrasyang pinangangalandakan sa mga taon-taong SONA ng kada pangulo ang lipunang kinikilusan ng mga mahihirap sa Pilipinas.
Sa pagkukuwento at editing, naisakonteksto ang dahilan ng pagkilos ng mga aktibistang tulad ni Jonas at kung bakit magpasa hanggang ngayon nawawala pa rin siya at ang maraming iba pang desparecidos gaya nila Karen Empeno, Sherlyn Cadapan, Bazoo de Jesus at Dexter Capunan.
Anggulo ng kamera, anggulo ng istorya, mahusay na mga footage, matalinong pagtatahi ng mga kuha, mga diyalogong makatotohanan at pagtutugma ng salita, audio at larawan o bidyo. Ito ang ilang armas na ginamit ni JL sa pagpapadaloy ng dokumentaryo.
Gaya na lang ng panayam sa asawa ni Jonas isang gabi sa tabi ng sulo. Maraming itinatagong emosyon ang asawa ni Jonas na tila hinanakit na hindi siya makakilos nang todo para hanapin ang asawa dahil sa pagsaalang-alang ng seguridad nilang mag-ina.
Sino pa nga ba ang sasandalan ng anak lalo ngayong hindi pa rin mahanap ang ama nito. Ang hindi masabi sa salita, ipinadama sa manonood ng kamera sa tamang timpla ng liwanag ng sulo, pusikit ng gabi at tunog ng katahimikan.
Isang tanging masayang tagpo sa pelikula ang pagkabawi ng pamilya at mga grupong nanalangin at naghanap kina ni Jonila Castro at Jhed Tamayo—mga kabataang environmental activist na nagtatanggol sa Manila Bay at sa mga mangingisda sa naturang lugar—mula sa National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-Elcac) at mga sundalong dumukot sa kanila. Buong tapang na binunyag nila Jonila at Jhed ang kasinungalingang inilalako ng NTF-Elcac. Hindi sila mga rebelde. Mga sundalo ng estado ang kriminal.
Napakahalaga rin at krusyal para mabuo ang kuwento ni Jonas at marami pang desaparecidos sa bansa sa kasalukuyang panahon ang footages ng patotoo ni Raymond Manalo. Sa isa o dalawang minutong footage, nailarawan ang hirap at torture na sinapit ng dalawang desaparecidos na sina Sherlyn at Karen—mga mag-aaral ng University of the Philippines na dinukot ng mga militar sa Hagonoy, Bulacan.
Noong 2018, nahatulan ang berdugong si Jovito Palparan ng habambuhay na pagkakulong dahil sa pagdukot sa nasabing mga kabataang kababaihan. Mahalagang salik sa pagkapanalo ng kaso ang pagtestigo ni Raymond at ng kanyang kapatid—mga magsasakang dinukot din ng mga sundalo ni Palparan, nakasama at nakahalubilo ng magkapatid sila Sherlyn at Karen sa kampo militar.
Mapalad na nakatakas sa kamay ng militar ang magkapatid nang samantalahin nila ang pagkakataong isang gabing lasing na lasing ang kanilang mga bantay. Kamakailan lang, binaligtad ng korte ang desisyon kay Palparan, nawawala pa rin sila Sherlyn at Karen.
Nasa 19 taon gulang na ang anak ni Jonas na tatlong taon pa lamang ng sapilitang kunin ng mga sundalo ang kanyang ama.
Mag-ootsentay-uno anyos na si Mrs. Burgos. Sa 16 taong danas n’ya sa paghahanap sa kanyang anak at danas ng kaanak ng iba pang biktima, walang duda, alam ni Mrs. Burgos kung sinong dumukot sa kanyang mahal na Jonas? Walang kaabog-abog na sinabi ni Mrs. Burgos sa harap ng kamera ng anak na direktor—AFP ang dumukot kay Jonas.
Ang tanong na lang ng ina: Sino sa mga sundalo ang dapat managot at hanggang ngayon, nasaan na si Jonas? Buhay pa ba siya? ‘Yan ang mga katanungang nagbibigay balisa kay Mrs. Burgos sa mga araw na mag-isa sya sa kanyang tahanan, nagninilay, nagdarasal.
Maihahambing sa alipato o isang ispark mula sa apoy ang pagsisikap ni Mrs. Burgos hanapin ang anak na si Jonas. Isang alipato lang ang pagsisikap ni JL imulat ang publiko sa malagim na reyalidad ng mga biktima ng desaparecidos. Subalit may muog na nabubuo mula sa pagtutulungan at kolektibong paghahanap ng mga kaanak at kaibigan sa mga mahal nila sa buhay. Kasama ang mamamayan, natatransporma ang takot at desperasyon bilang isang muog ng mamamayan para ilitaw ang mga nawawala.
Ayon sa direktor at kapatid ni Jonas na si JL, layunin ng pelikula, sa pamamagitan dokumentaryo na masamahan sila ng sambayanan hanapin ang kanilang minamahal. Pero kung maaari, ani JL, “Ang matagpuan si Jonas at iba pang nawawala sa tulong ng pelikula.”
Ang hindi paglimot ay isang porma ng pakikibaka. Ang paghahanap sa nawawala ay paghahanap ng hustisya. Sa paghahanap sa mga dinukot na aktibista, mahahanap ng mga Pilipino ang paglaya ng bayan.