Welga ng manggagawa ng Nexperia, tuloy na


Panawagan unyon ng mga manggagawa ng Nexperia ang patuloy na pagkakaisa at pagsama sa mga pagkilos para makamit ang tagumpay sa mga ipinaglalaban ng mga manggagawa para sahod, trabaho at karapatan.

Bunga ng sama-samang lakas at pagkakaisa ng mga manggagawa ng Nexperia, naipanalo ng Nexperia Philippines Incorporated Workers Union (NPIWU) ang kauna-unahang strike voting noong Hul. 29-30.

Sa loob ng apat na dekada, nagkaroon ng kauna-unahang strike voting ang unyon ng mga manggagawa ng Nexperia dahil sa hindi makatao at hindi makamanggagawang pagtrato ng management sa kanila.

Matapos maghain ng notice of strike (NOS) sa National Conciliation and Mediation Board noong Hun. 26, itinakda noong Hul. 17 ang dapat na strike voting na naudlot dahil sa biglaang pagpapatawag ng pulong ng management para makausap ang pamunuan ng unyon. 

Dito ibinaba ang mga kondisyon para sa paggamit ng pasilidad, kabilang na ang pagta-tap ng ID ng mga manggagawa, pag-upo ng isang grupo ng management para makita ang nangyayari sa botohan, at pag-stamp sa balota upang hindi umano mapalsipika ang mga balota na gagamitin. 

Ngunit mariin naman itong tinutulan ng unyon, dahil ayon sa kanila, walang karapatan na lumahok ang management sa mga aktibidad ng unyon.

“Kung tutusin, walang involvement ang management para doon dahil ‘yon ay [purely union activity]. At pangalawa, nand’yan din kasi ang Department of Labor and Employment (DOLE). Nakita ng DOLE kung ano yung pangha-harass na ginagawa talaga ng management,” ani Angelito Catindig, kasapi ng executive board ng NPIWU.

Matapos ang matagumpay na pagsagawa ng strike voting at pananaig ng resultang nagpapahintulot ng welga, hindi pa rin naisusumite sa Regional Conciliation and Mediation Branch (RCMB) ang resulta ng botohan.

Pahayag ni Mary Ann Castillo, pangulo ng NPIWU, dahil ito sa pakiusap ng RCMB na hintayin muna ang pahintulot ng management ng Nexperia sa inilatag nilang mga solusyon para magkaayos ang magkabilang panig.

Ani Castillo, ang paghinto ng produksiyon ang pangunahing susi para seryosong harapin ng management ang kanilang sinimulang problema lalo na sa paglabag nila sa collective bargaining agreement (CBA).

Dagdag pa niya, welga din ang sasagot sa pambabarat ng management sa kanilang CBA at labis na pagsasamantala sa manggagawa.

Malaki naman ang naging pasasalamat ng unyon sa mainit na suporta ng mga manggagawa sa naganap na botohan.

Panawagan ni Castillo ang patuloy na pagkakaisa at pagsama sa mga pagkilos para makamit ang tagumpay sa mga ipinaglalaban ng mga manggagawa para sahod, trabaho at karapatan.

“Hinihiling namin sa ibang mga manggagawa at mamamayan na suportahan ang Nexperia union sa isasagawang welga sa mga susunod na araw,” ani Castillo.