CSC, nangakong reresolbahin ang kaso ng tanggalan sa Baciwa 


Nangako si Commissioner Aileen Lizada ng Civil Service Commission sa mga kawani ng Bacolod City Water District Employees Union na agarang reresolbahin ang kanilang appeal for reinstatement.

Nangako si Commissioner Aileen Lizada ng Civil Service Commission (CSC) sa mga kawani ng Bacolod City Water District Employees Union (BEU) na agarang reresolbahin ang kanilang appeal for reinstatement matapos ang isang diyalogo.

Sa pagwawakas ng tatlong araw na protesta ng BEU sa harap ng CSC Central Office sa Quezon City noong Set. 18, maituturing umano na tagumpay ang naging bunga ng kanilang patuloy na paggigiit sa karapatan sa seguridad sa trabaho.

Sa kabila ng inisyal na tagumpay ng unyon, dapat umanong pag-aralan pa ang nakababahalang epekto ng joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Bacolod City Water District (Baciwa) at Prime Water Infrastructure Corporation ng pamilyang Villar na dahilan ng pagkakatanggal sa mahigit 400 na kawani.

“Kami ay dumanas ng hindi makatarungang apat na taon at nanatiling matatag sa pakikipaglaban para sa aming mga karapatan laban sa isang kasunduang nakakapinsala sa mga manggagawa at publiko,” ani BEU president Leny Espina.

Nakiisa rin sa protesta ang iba’t ibang unyon ng mga manggagawa at grupo ng mga konsyumer sa kabila ng masamang panahon dahil hindi lang umano ito tungkol sa mga nawalan ng trabaho kundi para sa hinaharap ng serbisyo sa tubig ng buong bansa na pilit isinasapribado.

“Ang pagsasapribado ng mga mahahalagang serbisyo tulad ng tubig ay isang mapanganib na kalakaran na tumatapak sa karapatan ng mga tao at pinakikinabangan lang ng iilan,” wika ni Manny Baclagon, secretary general ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage).

Dagdag niya, may malawakang tanggalan ding mangyayari sa pribastisasyon ng Manila International Airport Authority sa pagpasok ng San Miguel Corporation na magdudulot ng mas mataas na terminal fee sa paliparan.

Ayon sa pahayag ng Courage, pasakit ang idinulot ng JVA sa Baciwa ng Prime Water dahil sa nagtataasang presyo ng tubig ngunit palpak at mababa naman ang kalidad ng serbisyo nito sa mamamayan ng Bacolod City.

Ganito rin ang dinaranas ng mga konsyumer sa mga lugar na pinasok ng Prime Water tulad sa San Jose del Monte City sa Bulacan.

Sa ilalim ng JVA, ang sa isang konsyumer na gumamit ng 10 cubic meters ay magbabayad ng P245 mula P208. Dagdag pa rito, nakasaad din sa JVA ang pagpapatupad ng 4% na pagtaas sa basic charge. 

Ibinahagi din ng BEU ang hinaing ng mga residente ng Bacolod City sa kakulangan ng supply at paminsan-minsang pagkukulay ng putik ng tubig na lumalabas sa kanilang mga gripo. 

Sa kabila ng kapasyahang tapusin ang tatlong araw na protesta, nanindigan ang unyon ng mga kawani ng Baciwa na hindi pa tapos ang kanilang laban.

“Matamang babantayan natin ang pagtupad ng pangako ni Commissioner Lizada, at tuloy pa rin ang mga pakikibaka natin para sa hustisya at karapatan ng mga natanggal nating kasamahan at sa paglaban sa JVA ng BACIWA at Prime Water, at patakarang pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo at pasilidad tulad ng mga local water [district],” aniya.