Kawani ng Baciwa, muling sumugod sa CSC


Muling sumugod sa punong tanggapan ng Civil Service Commission sa Quezon City nitong Set. 16 ang mga kawaning tinanggal ng Bacolod City Water District para ipanawagan ang agarang pagbabalik sa serbisyo.

Muling sumugod sa punong tanggapan ng Civil Service Commission (CSC) sa Quezon City nitong Set. 16 ang mga kawaning tinanggal ng Bacolod City Water District (Baciwa) para ipanawagan ang agarang pagbabalik sa kanila sa serbisyo.

Hindi alintana ang puyat at pagod para sa mga empleyadong lumuwas pa ng Kamaynilaan para igiit ang kanilang karapatan sa seguridad sa trabaho at maayos na serbisyong ng tubig sa mamamayan ng Bacolod City.

“Kailangang maipadinig ang nangyayari [sa’min] at ang sitwasyon ng mga water [district] all over the Philippines, not just in Bacolod City,” wika ni Benjie Oray, bise presidente ng Baciwa Employees Union (BEU) at dating executive assistant ng general manager ng water district.

Kabilang si Oray sa 59 kawani na ilegal na tinanggal ng management matapos simulan ang 25 taong joint venture agreement (JVA) sa pagitan ng Baciwa at Prime Water Infrastracture Corp. na pagmamay-ari ng pamilyang Villar.

Noong Dis. 28, 2020, mahigit isang buwan nang ipinapatupad ang JVA, nakatanggap sina Oray ng pabatid na nagsasabing sila ay “redundant employees” o labis na mga manggagawa.

Inapela nila ito sa CSC Regional Office IV na kinatigan ang kanilang posisyon at nagsabing dapat silang ibalik sa serbisyo nang hindi nawawala ang kanilang seniority at bayaran ng nararapat na backwages.

Isa si Benjie Oray sa mga tinanggal na kawani ng Bacolod City Water District matapos isapribado ang serbisyo ng tubig sa lungsod. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Naghain naman ng motion for reconsideration ang Baciwa pero nanatili ang desisyon ng regional office. Hanggang sa inakyat ito ng management sa punong tanggapan ng CSC noong 2021 at tumagal ng tatlong taon.

Nitong Ene. 29,  nauna nang kinalampag ng BEU ang opisina ng CSC kaya napilitang humarap si Commissioner Aileen Lizada na dinggin ang kanilang panawagan. Pinangakuan sila ni Lizada na pabibilisin ang kaso.

Naglabas ng desisyon ang CSC nitong Abril 24 pero “half cooked” naman ito ayon kay Oray.

Sa nasabing desisyon, makakatanggap ng backwages pero hindi pinababalik sa trabaho ang 59 kawani kahit pa malinaw na binanggit sa dokumento na ilegal silang tinanggal sa serbisyo.

“Kini-clear namin na hindi kami after sa pera, ang after namin [ay] hustisya. Hustisya sa ilegal na pagtanggal sa’min [kaya dapat] i-reinstate kami,” giit ni Oray.

“Kapag nakabalik kami, posible na mailaban namin ulit na matigil na ‘yong joint venture agreement with Prime Water with the justification na hindi naman gumanda ang serbisyo noong [naging] Prime Water na [at] with the justification na talo ang gobyerno,” dagdag pa niya.

Samantala, nanawagan din ang 22 iba pang kawani na ibalik sila sa trabaho at ibigay ang kanilang backwages matapos hindi tuparin ng management ang pangakong retirement incentives nang pumaloob ito sa JVA noong Nobyembre 2020.

“Sinabihan nila kami na isunod na lang ang bayad sa’min at magpirma na lang kami ng retirement letter namin. Pero hindi ‘yon nangyari. Umabot ng isang taon at kalahati ‘yong nagosasyon hanggang sa dumating ‘yong isang order na mula sa DBM (Department of Budget and Management) na [ginawang basehan para] hindi na kami kuwalipikado sa retirement [incentive],” sabi ni Joecel Jamito, isa sa 22 iba pang empleyadong apektado ng JVA.

Nag-apela ukol dito sina Jamito noong Nobyembre 2022 sa punong tanggapan ng CSC. Nitong Agosto, inatasan ng CSC ang Baciwa na isumite ang kailangang mga dokumento sa loob ng 10 araw pero magpahanggang ngayo’y hindi pa rin sumusunod ang management dito.

Sinisisi nina Jamito ang perhuwisyong dulot ng pribatisasyon sa tubig. Aniya, dapat ibalik sa gobyerno ang serbisyo sa tubig sa kanilang lungsod.

Noon pa man, nilalabanan na ng unyon ang pribatisasyon sa tubig. Katuwiran nila, dapat manatiling hawak ng gobyerno ang mga utility tulad ng transportasyon, kuryente at tubig para manatiling libre o mura ang singil dito.

Simula nang pumasok sa JVA ang Baciwa, bukod sa nagmahal ang singil dito ay palpak ang kalidad ng serbisyo. Kulay kape na ang nilalabas na tubig sa bawat gripo ng mga residente at konsyumer na imposibleng magamit sa pag-inom, pagligo at iba pa.

Hindi rin natupad ang nakasaad sa kasunduan na dapat may 10 pound per square inch (PSI) na pressure na ang tubig matapos ang dalawang taon. Kayang akyatin ng 10 PSI na pressure ang tatlong palapag na gusali. 

Sunod-sunod ang pribatisasyon ng mga local water district sa iba’t ibang bahagi ng bansa at apektado ang mg konsyumer sa mataas na singil at palpak na serbisyo. Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Bukod dito, pinababayaan ng Prime Water ang mga pasilidad at ari-arian ng Baciwa. “Kapag nasira na lahat ng facilities ng water district, ano pa bang ibabalik ng [mga Villar]? After 25 years kapag wala na ‘yong water district, umaasa pa ba tayo na ibabalik ng mga Villar ‘yan?” sabi ni Oray.

Bago pumasok sa JVA, kumikita na rin ng P80 milyon hanggang P100 milyon kada taon ang Baciwa. Ngayon nakapako na lang sa P60 milyon ang kita nito kada taon. Maaaring magamit sana ang naluluging P20 milyon hanggang P40 milyon kada taon sa pagpapaayos ng mga pasilidad ng water district.

Nanawagan ang BEU na dapat imbestigahan ng gobyerno ang mga ahensiyang responsable rin sa isyu tulad ng Local Water Utility Administration at National Water Resources Board.

“Talagang pinapatay ang water districts para magkaroon ng rason pumasok ang mga pribadong kompanya,” ani Oray. Hinimok niya rin ang publiko na tutulan ang lahat ng klase ng pribatisasyon sa tubig sa buong bansa.