Intimidasyon, harassment sa editor ng Manila Today, kinondena


Kinondena ng independent online media outfit na Manila Today ang intimidasyon at harassment sa kanilang news editor na si Roy Barbosa habang nasa coverage sa Malolos City, Bulacan nitong Set. 3.

Kinondena ng independent online media outfit na Manila Today ang intimidasyon at harassment sa kanilang news editor na si Roy Barbosa habang nasa coverage sa isang protesta sa Malolos City, Bulacan nitong Set. 3.

Sa ulat ng media outfit, pinabubura ng isang nagpakilalang “vlogger” (na hindi pinangalanan ang channel o page para sa kanyang vlog) ang live video report ni Barbosa at nagbanta pang sasampahan ng kaso ang mamamahayag kung hindi ito tumalima.

Sinusundan ni Barbosa at ng Manila Today ang istorya ng paghahain ng mosyon para ipabasura ang gawa-gawang kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Act sa mga organisador ng manggagawa na sina Ed Cubelo at Rodrigo Esparago sa Malolos Regional Trial Court Branch 12.

Matapos ang harassment habang nasa coverage sa protesta, nakatanggap pa si Barbosa ng mensahe ng pagbabanta at panre-red-tag sa Facebook.

Ayon kay Barbosa, hindi iyon ang unang beses na nakatanggap siya ng ganoong mensahe. Nitong Hulyo 11, may isang unknown user sa Facebook ang nag-chat sa kanya at nagpaparatang na tagasuporta siya umano ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Para sa Manila Today, nagdudulot ng matinding pag-aalala sa kaligtasan ng mga alagad ng midya at kumukuwestiyon sa integridad sa mga ipinangako ng administrasyong Marcos Jr. hinggil sa kapakanan ng mga mamamahayag ang naturang insidente.

“Malinaw ang mensahe: sa tuwing nagtatangkang mag-ulat ang midya tungkol sa katarungan at pagpapanagot sa maraming inhustisya sa ating bansa tulad ng pagbuwag sa unyon, ilegal na demolisyon, sapilitang pagkawala, ilegal na detensiyon at pag-aresto sa mga aktibista at iba pang progresibong indibidwal, hinaharas at tinatakot ang mga mamamahayag,” sabi ng Manila Today sa Ingles sa isang pahayag.

“Layunin nilang lumikha ng kultura ng self-censorship na nagreresulta ng chilling effect at nagtutulak sa mga mamamahayag para umayon sa mga pamantayang itinakda ng administrasyong Marcos Jr. o sa banta na mabansagang terorista o komunista dahil sa pag-uulat ng tunay na kalagayan at pakikibaka ng ordinaryong mamamayan,” dagdag nito.

Sinuportahan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang panawagan ng Manila Today para sa pagpapatigil ng harassment at red-tagging, lalo sa hanay ng mga community journalist.

“Kung tunay na itinataguyod at pinangangalagaan ng administrasyon ang kalayaan sa pamamahayag, dapat gumawa ito ng mga aksiyon para pigilan ang walang batayan at nakakapinsalang red-tagging laban sa mga mamamahayag,” sabi ng NUJP sa Ingles sa isang pahayag.

Sa tala ng grupo, nasa 63 na ang dokumentadong kaso ng red-tagging sa hanay ng mga mamamahayag at organisasyong midya simula noong Hunyo 2022 hanggang Mayo 2024.

Samantala, hinamon din ng Manila Today ang gobyernong Marcos Jr. na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na pangunahing ginagamit ng estado para sa panre-red-tag sa mga sibilyan, aktibista at kahit sa mga mamamahayag.