Pagsusulong sa karapatan ng manggagawa sa pelikula’t telebisyon
Makasaysayan ang pakakapasa sa Eddie Garcia Law para sa karapatan ng mga manggagawa sa pelikula’t telebisyon. Pero may kulang pa rin at kailangang mas bigyan ito ng pangil.
Kalunos-lunos ang kondisyon sa paggawa sa industriya ng telebisyon at pelikula. Babad ang mga manggagawa nito sa pananamantala ng mga malalaking korporasyon na naglalayon na bawasan ang kanilang mga taal na karapatang pantao sa ngalan ng kita.
Paliwanag ng isang miyembro ng Tambisan sa Sining, laganap pa rin daw ang hindi makataong kondisyon sa loob ng mga production, shooting location at studio. Iginiit niya na normal na kultura na lang daw ang 24 hanggang 30 oras ng paggawa, base pay na mas mababa pa sa pinakamababang sahod ayon sa batas na walang benipisyo at ang mapanganib na lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.
Sa katunayan, laganap pa rin ang ganitong mga kondisyon sa mga pinakamalaking kompanya. Ang ABS-CBN Network ang isa sa mga pinakakilalang kompanya na humahawak sa mga produksiyon ng pelikula, balita at palabas na patok sa panlasang Pinoy. Gayunpaman, salarin din ito sa pagpapalaganap ng mga ‘di makataong kondisyong paggawa.
Ayon kay Carlo Katigbak, ang kasalukuyang chief executive officer ng ABS-CBN Network, nang ipatawag sa isang hearing upang talakayin ang kanilang prangkisa, sa mahigit 11,000 daw na manggagawa sa kanilang network 6,705 lang ang regular.
Matatandaan na nagsampa ng kaso noon ang ABS-CBN Internal Job Market (IJM) Worker’s Union noong 2010 na naglalayong labanan ang kontraktuwalisasyon na laganap sa loob ng korporasyon at isulong ang regularisasyon ngunit tinanggihan ng Korte Suprema ang kanilang mga apela dala ng kanilang estado bilang mga kontraktuwal.
Matagal na ang kasaysayan ng abuso sa loob ng industriya ng pelikula at telebisyon, ngunit dahil pagmamay-ari din ng mga mapagsamantalang kapitalista ang mga pahayagan, kadalasa’y hindi na natin nababalitaan ito.
Ibabalita ba ng TV Patrol ang ‘di makataong kondisyon sa loob ng newsroom nito?
Eddie Garcia Law
Inihain ang Senate Bill 450 na siyang naglatag ng balangkas sa mga karapatan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon. Ilan sa mga isyung ibig tugunan ng ng no’y panukalang batas ang oras ng paggawa, benepisyo para sa mga manggagawa, at ang mapanganib na kondisyon sa kanilang pinagtatrabahuhan.
Magandang tungtungan ang Eddie Garcia Law o Republic Act 11996 sa pagsusulong ng tunay na pagbabago sapagkat inuungkat nito ang mga isyung matagal nang laganap sa loob ng industriya.
Bago maipasa ang batas, ang arawang sahod ng manggagawa para sa lampas 20 oras na trabaho ay pumapatak ng P1,200 lang. Dagdag pa rito, nilimitahan din nito ang hindi makataong oras sa pagpapatupad ng 12 oras sa trabaho na idinidikta ng ating batas paggawa.
Gayunpaman, maraming pagkukulang sa batas na ito. Ipinaliwanag ng Tambisan sa Sining na ginagamit ng mga malalaking kompanya ang batas upang pababain ang take-home pay sa pinakamababang antas na nagkakahalaga ng P645 para sa 14 na oras ng trabaho. Dagdag pa dito, matagal na rin daw hindi sumusunod ang mga pinakamalaking kompanya sa patakaran ng pasahod.
Sa kasalukuyan, pumapatak sa halagang P500 ang base pay para sa walong oras ng trabaho. Wala pa sa kabuuang kuwenta ang usapin ang pasahod para sa overtime at night differential. Ayon sa kanilang kalkulasyon, hindi daw dapat bababa sa mahigit P1,225 ang sahod ng mga manggagawa.
Hinggil dito, bagaman naungkat ng batas ang mga matagal ng isyu ng industriya, hindi sapat ang sagot nito sa mga hinaing ng manggagawa.
Eyes on Set Network
Upang isulong ang mas makataong kondisyon sa paggawa at organisahin ang mga manggagawa ng industriya, binuo mula sa pinagsamang kilos ng Mayday Multimedia, Tambisan sa Sining, at ibang mga manggagawa sa industriya ang Eyes on Set Network.
Hangarin ng bagong organisasyon ang pagbuo ng mga unyon ng mga manggagawa sa loob ng industriya. Ibig nitong padaliin ang pagpapakalat ng impormasyon sa loob ng bawat mga espasyo at mas palawakin pa ang pagpapahayag ng mga impormasyon ukol sa mga kondisyon sa paggawa.
Isa sa mga pinakamalaking hakbang nito ang pagbibigay pangil sa Eddie Garcia Law na kanilang kinilala bilang isang importanteng daluyan patungo sa politisasyon ng mga manggagawa. Binibigyang diin ng batas ang kahalagahan ng pag-organisa upang tiyakin ang pag-usbong ng makataong kondisyon.
Gayunpaman, gaya ng nabanggit, hindi pa rin sapat ang mga nakasaad sa batas sapagkat wala pa rin pananagutan mula sa malalaking kumpanya na hindi sumusunod sa patakaran ng lakas-paggawa.
Hinggil dito, iminungkahi ng Tambisan sa Sining ang mga sumusunod na reporma sa batas: sapat na sahod at benepisyo; otso oras na paggawa sa existing base pay; pagtigil ng sapilitang paggawang lumalagpas sa 16 oras hanggang 30 oras; regular na trabaho; ligtas na lugar paggawa; genuine representation ng below the line workers sa occupational safety and health committee upang tiyakin ang interes sa kaligtasan ng mga manggagawa; paggiit at istandardisasyon ng mga kontrata; at pagkaroon ng mga unyon sa industriya na tunay na nagrerepresenta sa mga manggagawa para pakinggan at ipaglaban ang kanilang mga hinaing.
Ngunit hindi natatapos ang kanilang kampanya sa pagsusulong ng pagbabago sa batas. Ilan lamang sa kanilang mga hakbang ang papapatuloy ng kanilang kampanya sa pagbuo ng mga support network, paghahanda sa malakihang pagsampa ng reklamo sa mga naging paglabag ng malalaking kompanya sa mga batas sa paggawa, pagbubukas ng mga “grievance desk,” at ang pagmarka sa Set. 11 bilang paglulunsad ng mga susunod na malawakang kilos-protesta upang ipagpatuloy na iparinig ang kanilang mga panawagan.
Bagaman malayo pa ang daang tatahakin ng ating mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon, isang malaking tagumpay ito para sa kanila. Kinikilala ng mga institusyon ng ating bayan ang pakikibaka ng ating mga manggagawa at kinakailangan na ipagpatuloy ang napagtagumpayan upang iwasto ang isang industriya na matagal nang mapaniil sa mga manggagawa.