Editoryal

Senateflix


May naparusahan na bang bigating sindikato sa likod ng mga POGO (na ngayo’y napalit bihis bilang internet gaming licensees o IGL)? Paano iyong mga kaalyado nila sa administrasyon? Natulungan na ba ang mga biktima ng human trafficking sa loob ng mga pasugalan?

Napakabilis ng panahon, napakabagal ng aksiyon. Halos kalahating taon nang sinusubaybayan ng madla ang senate-serye o pag-iimbestiga ng buong Senado kay Alice Guo.

Talaga namang kaduda-duda at dapat usigin si Guo. May mga umano’y pekeng dokumento bilang isang mamamayan, sangkot sa maruruming pasugalan sa Philippine offshore gaming operators (POGO) at nadikit pa sa mga kilalang personahe sa politika, kabilang si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Pero sa hinaba-haba ng buwan-buwang Senate hearing para pigain ng impormasyon si Guo, may napala na ba ang taumbayan? Laking pakinabang ng mga senador na may pagkakataong magpapogi at magmukhang patriyotiko sa harap ng publiko ilang buwan bago ang halalan.

May naparusahan na bang bigating sindikato sa likod ng mga POGO (na ngayo’y napalit bihis bilang internet gaming licensees o IGL)? Paano iyong mga kaalyado nila sa administrasyon? Natulungan na ba ang mga biktima ng human trafficking sa loob ng mga pasugalan?

Kung talagang mabigat ang kasalanan ni Guo, bakit hindi pa korte ang umusig sa kanya nang mahatulan na agad. Pero hinahayaan pang maging palabas at karnabal ang bawat hearing. Palibhasa sinusulit pa kasi ng mga mambabatas ang libreng airtime!

Lahat naman ng senador, lalo na ang pinakamaiingay kagaya nina Joel Villanueva, Jinggoy Estrada at Risa Hontiveros, ay nakikinabang sa pinahabang hearing tungkol kay Guo.

Siyempre, ‘di maiwasang umeksena iyong mga kagaya nina Ben at Erwin Tulfo, Abby Binay, Imee Marcos at Bong Revilla na kumpirmadong sasabak sa halalan sa 2025. Idagdag pa natin si Interior Secretary Benhur Abalos na panay pa-selfie at papansin pa kasama ni Guo. Tila naipasa na ang korona ng pambansang photobomber sa kalihim.

Sa kabilang banda, may mga senador naman gaya ni Hontiveros, na halatang umaakto sa utos ng kanyang mga amo sa Amerika. Nais ng senador na paypayan ang galit sa China, upang hindi naman pansinin ang panghihimasok ng Amerika, pag-uudyok nito ng giyera at iba pang kasalanan nito sa bansa. Sinusuhayan niya ang US, gaya ng matagal nang tradisyon ng Liberal Party sa Pilipinas. 

Tutok na tutok daw ang mga awtoridad kay Guo. Pero hinayaan naman siyang makatakas at kinailangan pa ng tulong ng Indonesia para mahanap at maaresto siya.

Para lang makatakas si Guo, naiulat na nag-alok siya ng P1 bilyon. Hanggang ngayon hindi natin alam kung sino ba ang iba pang kasapakat ni Guo na tumutulong sa operasyon niya.

Alam din ni Guo na wala nang pangil ang Senado. Nasa selda na si Guo, ano pa bang gagawing panakot sa kanya? Kahit ilang beses siyang iharap sa Senado, tatablahin na lang niya ang bawat tanong.

Paliwanag ng abogadong si Wilfredo Garrido, “Hindi na natatakot si Guo. Wala naman nang mawawala sa kanya sa pagtatanong.” Dagdag pa niya, malamang maganda pa nga ang holding cell ni Guo sa Senado kaysa sa Camp Crame kung saan matagal na dapat siyang hinatid.

Marapat lang ang akusasyon sa mga mambabatas at opisyal na “grandstanding” o labis-labis na pagiging bibo sa usaping ito para lalong tumatak sa isip at balota ng taumbayan.

Ang problema, hindi naman palabas ang hinahanap ng sambayanan. Kailangan natin ng pananagutan at pagresolba sa mga maiinit na problema ng bansa.

Hindi malayong sa huli, kapag nagsawa na sa panonood ang publiko, makukulong si Guo pero ang mga mastermind at iba pang sangkot, kalilimutan nang habulin.

Malamang hindi maganda ang pagwawakas ng seryeng ito: Bitin sa hustisya, bumida lang ang mga nasa poder, absuwelto ang iba pang may sala at mapait pa rin ang reyalidad.